Paano makaiwas sa Impatso o Indigestion?

Kailangang maging mapili sa pagkain at iwasan ang mga maaring magsanhi ng pagkakaroon ng impatso. Kinakailangan ding sanayin ang sarili na maging mas maagap sa pagkain. Narito ang ilang hakbang na makatutulong na makaiwas sa impatso:

  • Kumain lamang ng sapat, upang hindi mapagod ng husto ang tiyan sa pagtunaw ng pagkain.
  • Kumain ng dahan-dahan
  • Iwasan muna ang pagkain ng mga pagkaing mataas ang acid content, gaya ng citrus fruits at suka.
  • Bawasan ang paginom ng inuming may caffeine
  • Iwasang ma-stess
  • Tumigil sa paninigarilyo at pag-inom ng alak
  • Iwasan ang matinding pag-eehersisyo pagkatapos kumain. Gawin ito bago kumain.
  • Huwag humiga pagkatapos kumain
  • Maghintay ng 3 oras bago sundan ang pagkain.

Ano ang gamot sa impatso o indigestion?

Dahil ito ay tinuturing na sintomas ng ibang sakit, makabubuting malaman muna kung anong sakit ang nakapagdudulot ng impatso. Ang gamutan ay nakadepende sa kung anong sakit ito. Kadalasan, ang impatso ay kusang nawawala kahit walang iniinom na gamot matapos ang ilang oras ng pananakit. Subalit kung ang impatso ay matagal, mas masakit at pabalik-balik, kinakailangan magpatinging sa doktor. Upang maibsan ang pananakit, maaaring gawin ang sumusunod:

  • Marahang pagnguya sa pagkain.
  • Iwasang magsalita habang kumakain upang maiwasan ang pagpasok ng sobrang hangin sa tiyan.
  • uminom matapos kumain
  • Iwasang kumain sa kalaliman ng gabi.
  • Magpahinga matapos kumain
  • Umiwas sa maaanghang na pagkain
  • Iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Paano malaman kung may Impatso o Indigestion?

Upang matukoy ang pagkakaroon ng impatso, kinakailangan ihayag ng mabuti sa doktor kung saang bahagi ng tiyan partikular na nararamdaman ang pananakit. Upang makatiyak, maaring magsagawa ng X-ray at ilang blood tests upang matukoy ang pagkakaroon ng ibang sakit na nakapagdudulot ng impatso. Maaari ding gumamit ng endoscope upang masilip kung ano ang kaganapan sa loob ngtiyan. Ang endoscope ay isang mahabang instrumento na pinapasok sa bibig patungong tiyan na may ilaw at kamera sa dulo na maaaring mag-record ng mga larawan sa loob ng tiyan.

Ano ang mga sintomas ng Impatso o Indigestion?

Ang mga sintomas sa pagkakaroon ng impatso ay sumusunod:

  • Mabigat na pakiramdam sa tiyan
  • Mahangin na tiyan o kabag
  • Pakiramdam ng pagsusuka o nausea
  • Pangangasim ng tiyan
  • Kumakalam na sikmura
  • Pananakit ng tiyan

Sinasabing ang mga sintomas na ito ay mas matindi sa panahong ang indibidwal ay nakakaranas ng matinding stress. Kung minsan, nakakaranas din ng heartburn o pananakit sa itaas na bahagi ng tiyan, bagaman ito ay konektado sa acids na kumakawala sa tiyan patungong esophagus.

Kailan kinakailangang magpatingin sa doktor?

Dahil ang impatso ay maaaring senyales ng pagkakaroon ng ibang sakit, kinakailangan magpatingin agad sa doktur kung nakakaranas din ng pagsusuka na may dugo, biglaang pangangayayat, kawalan ng gana sa pagkain, mas matinding pananakit ng tiyan, maitim at may dugo sa dumi.

 

Mga kaalaman tungkol sa Impatso o Indigestion

Ang impatso o indigestion sa Ingles, ay ang tumutukoy sa kondisyon kung saan nakararamdam ng sobrang pagkabusog, di kumportable, kabag na kadalasan ay humahantong sa pananakit ng tiyan. Ito ay kadalasang sintomas ng pagkakaroon ng ibang sakit sa digestive track gaya ng gastroesophageal reflux disease (GERD), ulcer o kaya’y sakit sa apdo o gall bladder. Tinatawag din itong dyspepsia.

Ano ang sanhi ng impatso?

Ang sakit na impatso ay maaring sanhi ng ilang bagay. Maaring ito ay sanhi ng ibang sakit, gamot na iniinom, o kaya’y hindi malusog na pamumuhay.

Ang mga sakit na nakapagdudulot ng impatso ay:

  •  Ulcer
  •  GERD
  •  kanser sa tiyan
  •  impeksyon sa tiyan
  •  sakit sa lapay o pancreas

May ilang gamot din na maaring makapagdulot ng impatso gaya ng:

  •  Aspirin at iba pang pain killer
  •  Mga contraceptives na iniinom
  •  Steroids
  •  ilang antibiotic

Nakaaapekto din ang ilang mga nakasanayang ginagawa sa buhay:

  • Pagkain ng sobrang dami at mabilis
  • Pag-inom ng alak
  •  Paninigarilyo
  •  Pagod at stress
  •  Maaari ding maikonekta sa depresyon at matinding pag-aalala

Sino ang maaaring magkaroon ng Impatso?

Ito ay isang karaniwang sakit na maaring makaapekto sa lahat ng edad at kasarian. Mas mataas nga lang sa mga taong madalas uminom ng alak, umiinom ng gamot nakaaapekto sa tiyan. Gayundin sa mga taong dumaranas ng stress, depression at pag-aalala.