Ano ang MRI at para saan ito?
Ang pagsusuri gamit ang Magnetic Resonance Imaging o MRI ay isa ring mahusay at ligtas na diagnostic test o pamamaraan ng pagtukoy sa mga kondisyon o karamdaman sa katawan na gumagamit ng magnetic field o radio waves. Sa pamamagitan nito, makita ang detlayadong imahen ng mga kalamnan sa loob ng katawan at iba pang mga kondisyon dito gaya ng mga tumor, pagbabara sa mga daluyan, at iba pa.
Kanino isinasagawa ang MRI?
Ang MRI ay maaaring isagawa sa kahit na sino, lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Ngunit ito ay pinakamdalas na isinasagawa sa mga taong may pilay, o fracture sa buto, may mga kondisyon sa utak, spinal cord, puso at mga daluyan ng dugo. Gayun din sa mga taong nakararanas ng iba pang kondisyon sa tiyan, mga bato, baga, at suso.
Paano isinasagawa ang MRI?
Ang pagsusuri gamit ang MRI ay isinasagawa sa isang malaki at mala-tubong makina kung saan pinahihiga sa loob ang pasyente. Ang makina ay maglalabas ng malakas na magnetic field at radio waves na direktang ipapatama sa katawan ng sinusuring pasyente. Ito ay mabilis lang na nagtatagal ng hanggang isang oras at walang maidudulot na pananakit o anumang pakiramdam. Minsan pa, upang matukoy ang ilang paggana ng katawan, maaaring may ipagawa ang doktor sa pasyente habang sinusuri ng MRI. Maaari ding isagawa ito na natutulog ang pasyente.
Ang resulta ng pagsusuri ay pumapasok sa isang computer at pinag-aaralan at binabasa naman ng isang radiologist.
Ano ang mga kondisyon na maaaring matukoy sa MRI?
Sa pamamagitan ng MRI, maaaring matukoy ang ilang karamdaman at kondisyon sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Dahil ito ay itinuturing na ligtas na pamamaraan, ito ay kalimitang ginagamit upang tukuyin ang mga kondisyon sa utak at spinal cord gaya ng pagputok ng mga ugat, pagkakaroon ng tumor, stroke, at iba pang pinsala sa nasabing bahagi ng katawan. Maaari ring matukoy ang mga paggana sa utak gamit ang funtional MRI o fMRI.
Madalas din gamitin ang MRI upang tukuyin ang mga kondisyon sa puso at daluyan ng dugo. Kabilang dito ang mga pagbabago sa laki ng puso, mga pinsala na dulot ng mga karamdaman sa puso, at pamamaga sa mga daluyan ng dugo.
Ang MRI ay mahusay din sa pagtukoy ng mga kondisyon sa atay, bato, lapay, matres, at iba pang mga lamang loob ng tao.
Paano paghahandaan ang MRI?
Bago isagawa ang MRI, mahalaga na malaman ng doktor kung mayroong mga bakal at ilang atipisyal na bahagi ang nasa loob ng katawan gaya ng bakal na buto, artipisyal na valves sa puso, pacemaker, o bala ng baril na naiwan sa loob ng katawan. Tandaan na ang mga ito ay maaaring makaapekto sa resulta ng pagsusuri at maaari ring makasama sa mismong kalusugan ng pasyente.
Mahalaga rin na malaman ng doktor kung ang pasyente ay buntis, sapagkat maaaring maapektohan ng mga magnetic field ang sanggol na nasa sinapupunan.
Gaano katagal bago makuha ang resulta ng MRI?
Ang resulta ng MRI ay madali lang rin makuha sapagkat ang mga imahe na nakukuha sa pagsusuri ay pumapasok ng “real time” sa isang computer. Maaaring maghintay lamang ng ilang minuto hanggang isang oras para makuha ang resulta nito.
Ano ang maaaring epekto ng MRI sa katawan?
Ang MRI, sa pangkalahatan, ay itinuturing na ligtas na pamamaraan ng pagsusuri sa mga pasyente. Gumagamit ito ng mga magnetic feilds at radio waves na walang epekto sa katawan. Ito rin ay hindi gumagamit ng X-ray radiation, kung kaya mas mapapanatag ang loob ng mga pasyente na may pangamba sa paggamit ng X-ray radiation.
Kung susunding mabuti ang tamang paraan ng paggamit nito, ito ay walang maidudulot na masamang epekto sa katawan.