Hypertension o high blood: Mga kaalaman

High blood ang pangkaraniwang tawag sa hypertension, isa sa pinaka-malaganap na sakit sa buong mundo, lalo na ng mga may edad. Hindi alam kung ano talagang dahilan ng high blood, pero ito’y naiugnay sa pagkain ng mga matataba at maaalatkakulangan sa pag-eensayo, at pagkakaron ng mga kamag-anak na mayroon ding high blood. Kakabit ng high blood ang mga sakit sa puso na maaring magdulot sa heart attack; kakabit rin dito ang mga sakit ng mga ugat sa utak na maari naming magdulot ng stroke. Kaya napakahalagang maagapan ang sino mang mataas ang presyon, upang maiwasan ang mga komplikasyon ng high blood.

Ano ang mga sintomas ng high blood? Sa umpisa, maaring wala kang mararamdaman. Sa pagkuha ng BP lamang malamaman! Kaya maganda na lahat ng mga edad 40 pataas ay regular na nagpapakuha ng BP. Paglaon, maaring maging sintomas ang pagsakit ng ulo, hilo, o kaya naman “palpitation” o parang may pumipitik sa ugat na malapit sa dibdib.

Kung mataas ang basa sa BP mo, o kaya may mga sintomas kang nararamdaman, magpatingin na sa doctor. Huwag kaagad magbigay sa sarili ng kung anu-anong gamot kasi kailangang timplahin ng doktor ang mga gamot ayon sa iyong personal na kalagayan. Maari ring ipasuri ng doktor sa laboratorio ang iyong cholesterol, sapagkat kalimitang magkasama ang high blood at high cholesterol. Pagkatapos ng mga ito, saka ka rerestahan ng gamot. Wag kalimutang sundin ang reseta. Kung araw araw ang sabi, araw-arawin mo rin! Kung namamahalan ka sa gamot, huwag mag atubiling sabihin sa doctor para subukan niyang magreseta ng mas mura. Tanungin rin sa botika kung mayroon silang generic na gamot. Nasa batas ito na dapat ibigay nila ang pinaka-murang gamot na kaparehas ang bisa.

Bukod sa gamot, maraming stratehiya para mapababa ang BP. Regular na ensayo ay mabuti; at higit na mabuti ang pag-iwas sa matataba ang maalat na pagkain. Pagkain ng malulusog na pagkain kaya ng prutas at gulay ay nakakatulong rin. Hindi ba’t yan naman ang payo ng mga matatanda nung una pa?

Habang umiinom ng gamot, regular paring kunin ang BP upang makita ng doctor kung gumaganda ba ang BP mo. Kadalasan, kapag maganda ang BP ay maaring bawasan ng doktor ang gamot. Masigla ka na, makakatipid ka pa! Walang gamot na makakapagtanggal ng high blood pero kung gagawin mo ang mga payo na mag-exercise at kumain ng masustansya,tiyak na gaganda ang iyong pakiramdam.