Hindi bababa sa 617 na bagong kaso ng apektado ng human immunodeficiency virus (HIV) ang naitala sa bansa sa buwan lamang ng Marso sa kasalukuyang taon, at pinaniniwalaang tataas pa sa katapusan ng buwan ng Mayo. Ito ay ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) na inilabas para sa dinaos na 32nd International AIDS Candlelight Memorial sa Quezon City noong Biyernes (Mayo 15).
Ang mga kasong ito ang pinakamataas na naitala sa kasaysayan ng Pilipinas. Ngunit ang higit na nakababahala ay ang patuloy na pagbaba ng edad na apektado ng nakamamatay na sakit. Mula sa grupong 30-39 na taong gulang noong taong 2000-2004, bumaba ito sa 25-29 na taong gulang noong 2005-2009, at ngayon, bumaba pa sa 20-24 ngayong 2010-2015.
Dagdag pa sa ulat, ang karamihang apektado ng sakit ay mga kalalakihan na nakikipagtalik sa kapwa lalaki sa mga sumusunod na mga lugar:
- Quezon City – 6.6%
- Manila – 6.7%
- Caloocan – 5.3%
- Cebu – 7.7%
- Davao – 5.0%
- Cagayan de Oro – 4.7%
Ayon naman sa World Health Organization, kung ang bilang ng kaso na nakaaapekto sa populasyon ay hihigit sa 5%, magging mahirap na para pa kontrolin ang patuloy na pagdami pa nito.