Balitang Kalusugan: Libreng HIV Testing, ilulunsad ng DOH

Ilulunsad ng Department of Health ang libreng pagpapasuri sa human immunodeficiency virus o HIV mula Mayo 11 hanggang 15. Layunin ng programang ito na malaman ang tunay na bilang ng mga taong apektado ng nakamamatay na sakit sa bansa.

HIV test

Ang libreng pagpapasuri ay gaganapin sa lahat ng mga pampublikong pagamutan o health center sa mga barangay sa buong bansa, partikular sa mga lugar kung saan napabalitang mataas ang kaso ng HIV tulad ng NCR, Cebu at Davao.

Hinihikayat ni Secretary Janette Garin ang lahat sa kahit na anong etado sa buhay na samantalahin ang libreng pagpapasuri, at tinitiyak niya na mananatiling confidential ang lahat. Kaugnay nito, maaring sumangguni sa mga numerong sumusunod:  (02) 2563472, (0915)198.6978, (0922) 6350270, (0936) 1838963 at (0919) 638.5401.

Umaasa ang DOH na marami ang sasailalim sa programang ito sapagkat ang impormasyong makukuha dito ay mahalaga para sa mga susunod na hakbangin ng ahensya tungo sa pakikibaka sa sakit.

Sa mga nakalipas na mga taon, ang bilang ng mga pagpapasuri sa HIV ay nanatiling mababa sapagkat naroon pa rin ang takot at diskriminasyon ng lipunan sa mga positibo sa sakit o kaya naman walang sapat na pera sa pagpapasuri. Layunin ng DOH na mawala ang ganitong pag-iisip ukol sa sakit na HIV.

Inaasahan ng DOH na aabot sa 8,000 ang bilang ng mga bagong kaso ng HIV ngayong taon.

 

Malalaman ba kung HIV positive sa urine o blood test?

Q: Doc, Malalaman ba kapag HIV positive ka kapag nag-pa UTI test ka at nag na pa check ka po ng dugo?

A: Kung ang tinutukoy mong test sa UTI ay ang ‘urinalysis’ o pagsusuri ng ihi; at ang pag-check ng dugo ay ang CBC o ‘ complete blood count’, ang sagot ay hindi, hindi basta-basta nalalaman sa ganitong mga eksaminasyon ang pagkakaroon ng HIV/AIDS, kinakailangan ng espesyal ng eksaminasyon sa dugo upang ito ay masuri.

Ang mga sumusunod na artikulo sa Kalusugan.PH ay maaaring makatulong sa iyo: Listahan ng mga HIV testing center sa Pilipinas at “Paano malaman kung may HIV/AIDS?