Paano makaiwas sa insomnia o hirap makatulog?

Ang sagot sa kung paano makakaiwas sa insomnia ay nakasalalay sa mabuting pamamaraan ng pagtulog at pamumuhay sa pang-araw-araw. Kinakailangan sundin ang mga sumusunod:

  • Regular na pag-eehersisyo. Ang pagiging aktibo sa umaga ay makakatulong sa pagkakaroon ng mas mahimbing na tulog sa gabi.
  • Bawasan ang siyesta o ang pagtulog sa hapon. Ang pagtulog sa hapon maaaring makaapekto sa pagtulog sa gabi.
  • Bawasan ang pagkonsumo ng pagkain at inuming may caffeine, alcohol at tumigil sa pagsisigarilyo. Ang mga bagay na ito nakaaapekto sa mas madaling pagtulog. Kaya’t mas mainam na ang mga ito ay maiwasan.
  • Matulog ng alinsunod sa oras. Kailangang panatilihin ang tamang oras ng pagtulog, gayundin ang paggising sa umaga.
  • Alamin ang gamot na iniinom. Ipatingin sa eksperto kung ang gamot na iniinom ay nakaka-kontribyut sa pagkakaroon ng insomnia o hirap sa pagtulog. Basahin din ang mga sangkap na nakasulat sa label ng gamot, maaaring ito ay may sangkap na caffeine na nakaka-gising.

 

 

Ano ang gamot sa insomnia o hirap makatulog?

Kung ang sanhi ng insomnia ay natukoy, maaaring magamot ang sakit sa pag-iwas sa sanhing ito. Maaari ding may baguhin sa sleeping habits sapagkat maaari ding ito ang dahilan ng hirap sa pagtulog. Kung hindi pa rin umepekto ang mga hakbang na ito, ang doktor ay maaaring magrekomenda ng ilang behavioral therapy na makakatulong sa pagtulog. Layunin ng therapy na ito na ituro sa pasyente ang mga tamang sleeping habits o ang mga dapat at hindi dapat gawin bago matulog. May ilang relaxation therapy din na itinuturo na makakatulong sa mas mahaba at malalim sa tulog.

Maaaring din namang magreseta ang mga doktor ng sleeping pills o gamot pampatulog na makakatulong sa pagpapahimbing ng pagtulog. Ilan sa mga gamot na maaaring i-reseta ay ang zolpidem, eszopiclone, zaleplon or ramelteon.

Mabisa bang pangontra sa insomnia ang mga sleeping pills?

Bagama’t makatutulong ang mga sleeping pills o mga gamot na pampatulog sa pagpapahimbing ng tulog, hindi ang pag-inom nito ang pangunahing solusyon na pinapayo ng mga doktor sa pasyente. Tandaan na ang mga sleeping pills ay maaaring makapagdulot ng ibang epekto sa katawan gaya ng problema sa pag-ihi at pagiging antukin sa araw.

Paano malaman kung may insomnia o hirap makatulog?

Sa pamamagitan ng mga sintomas na nabanggit, madali lang malaman kung may sakit na insomnia. Ngunit para matukoy kung ano ang posibleng sanhi nito, ang doktor ay maaring magsagawa ng isang interbyu. Upang mapaghandaan ng interbyu, kinakailangan ang mga sumusunod:

  • Listahan ng mga gamot na iniinom. Kadalasa’y hinihingan ng listahang ng mga gamot na iniinom sapagkat maaring isa o ilan sa mga ito ang sanhi ng hirap sa pagtulog.
  • Lisitahan ng lahat ng sintomas na nararamdaman
  • Mas mainam din na isama sa interbyu ang sinumang kasama ng pasyente sa pagtulog. Siya ay maaring makapag-bigay mahahalagang impormasyon tungkol sa pag-tulog ng pasyente.
  • Kailangan ding malaman ang sleeping pattern. Ito ay ang oras ng pag-tulog, oras kung kailan nagigising sa kalagitnaan ng pagkakatulog, at kung anong

Kung hindi pa rin malinaw ang maaaring dahilan ng pagkakaroon ng insomnia, maaaring ikaw ay patulugin ng isang gabi o higit pa sa ospital upang ma-obserbahan. Habang natutulog, maaaring may gamiting mga aparato na makakabasa sa paghinga, tibok ng puso, pati na ang mga aktibidad sa utak.

Ano ang mga sintomas ng insomnia o hirap makatulog?

Ang mga sintomas ng insomnia ay ang sumusunod:

  • Hirap sa pagtulog sa gabi.
  • Nagigising sa kalagitnaan ng pagkakatulog
  • Maagang nagigising sa umaga
  • Pagiging antukin sa araw.
  • Madaling mapagod
  • Kawalan ng pokus, hirap sa konsentrasyon at pagmememorya
  • Pananakit ng ulo

Kailan kinakailangang kumunsulta sa doktor?

Kung ang insomnia ay nakaaapekto na sa pang-araw-araw na gawain, makabubuti nang magpatingin sa doktor upang agad na matukoy kung ano ang sanhi ng hirap sa pag-tulog at agad itong malunasan. Maaring lumapit sa isang psychiatrist upang mabigyan ng kinauukulang gamot sa sakit, o kaya’y lumapit sa isang psychologist upang mas mapaliwanagan sa mga maaaring sanhi ng hirap sa pagtulog.

Mga kaalaman tungkol sa insomnia o hirap makatulog

Insomnia ang tawag sa sakit kung saan nakakaranas ng hirap sa pagtulog o di kaya’y madaling maalimpungatan sa kalagitnaan ng pagtulog. Ang kakulangan sa tulog na dulot ng sakit na insomnia ay maaaring maka-apekto sa pang-araw-araw na gawain o kaya nama’y maka-apekto rin sa kalusugan.  Ang insomnia ay maaring panandalian lamang na tumatagal ng ilang araw hanggang ilang linggo o kaya nama’y pangmatagalan na umaabot ng isang buwan o higit pa.

Bakit nagkakaroon ng insomnia?

Ang mga kaso ng insomnia ay maaring dulot ng:

  • Isang karanasang nakapag-dulot ng matinding stress gaya ng pagkawala ng trabaho, pagkamatay ng mahal sa buhay, o pagkahiwalay sa asawa.
  • Iba pang karamdaman
  • Mga kaganapan sa paligid gaya ng malakas na ingay, liwanag, matinding init o lamig.
  • Mga iniinom na gamot
  • Pagbabago sa nakasanayang oras ng pagtulog
  • Depresyon o matinding pag-aagam-agam
  • Sobrang pagkain sa gabi.
  • Pag-inom ng mga inuming may caffeine at alcohol.

Sino ang maaaring magkasakit ng insomnia?

Walang pinipiling edad o kasarian ang pagkakaroon ng sakit na insomnia ngunit ayon sa isang pag-aaral, mas mataas ng bahagya ang pagkakaroon ng insomnia sa mga kababaihan. Ito ay maaring konektado sa pagbubuntis o sa pagsapit ng menopausal period sa mga kababaihan.

Mas mataas din ang posibilidad na magkakaroon ng insomnia kung:

  • Ang edad ay 60 pataas.
  • May sakit sa pag-iisip gaya ng depresyon, bipolar disorder at nakakaranas ng troma.
  • Ang trabaho ay may pabag-bagong oras o shifting schedule
  • Naglakbay ng matagal at nakakaranas ng jet lag