Paano makaiwas sa hika o asthma?

Dahil walang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng hika, ang tangi lamang magagawa upang makaiwas sa sintomas ng sakit ay ang pag-iwas sa mga “triggers” na nakapagpapasimula ng atake ng hika. Ngunit bukod dito, maari ding sundin ang mga sumusunod na hakbang:

  • Bantayan ang paghinga
  • Agapan agad ang mga pangunahing senyales ng atake ng hika
  • Inumin nang tama ang mga niresetang gamot.
  • Magpabakuna laban sa trangkaso at iba pang sakit na maaring makaapekto sa baga
  • Regular na magpatingin sa doktor upang mabantayan ang pagbuti o paglala ng kaso ng hika.

Ano ang gamot sa hika o asthma?

Sa ngayon, wala pang gamot ang makapagpapagaling sa mismong sakit na hika. Ang tanging meron lang ay mga gamot na maka-kokontrol sa mga sintomas na nararanasan. Ngunit bago ang lahat, dapat ay maintindihan muna kung ano ang mga sanhi at “triggers” na makapagpapasimula ng atake ng hika sapagkat para maging pinakamabisa ang mga gamot sa hika, dapat ay maiwasan din ang mga nakapagdudulot nito. Ang gamot sa hika ay binubuo ng mga anti-inflammatory na gamot at mga bronchodilators na tumutulong na paluwagin ang daluyan ng paghinga. Ang mga ito ay kadalasang ginagamit sa pamamagitan ng inhalers na maaaring bitbitin o kaya ay nebulizer o breathing machine, ngunit maaari din naman na iniinom. Kumunsulta sa doktor o pulmonologist upang malaman kung ano ang nararapat na gamot para sa hika.

Paano malaman kung may hika o asthma?

Sa simula, ang pagkakaroon ng hika ay hindi agad natutukoy sapagkat ang iba’y wala namang malinaw na sintomas na pinapakita. Upang matukoy ang pagkakaroon ng hika, maaaring isagawa ang ilang pagsusuri sa baga at daluyan ng paghinga. Maaaring gumamit ng spirometry kung saan sinusuri ang nagaganap na paninikip ng daluyan ng paghinga sa pamamagitan ng pagsukat sa hangin na pumapasok sa baga. Maaari din magsagawa ng Peak Flow Test upang masukat kung gaano kalakas ang baga. Ang anumang senyales ng panghihina ng baga ay maaring dahil sa hika. Maaari din suriin ang baga sa pamamagitan ng X-ray para matanggal ang posibilidad ng pagkakaroon ng ibang sakit sa baga.

Ano ang mga sintomas ng Hika o asthma?

Ang pamamaga at sobrang mucus sa mga daluhan ng paghinga ang nagdudulot ng mga sintomas na nararanasan sa pagkakaroon ng hika. Ang mga sintomas na maaaring maranasan kasabay ng atake ng hika ay ang sumusunod:

  • Pag-ubo, lalo na sa gabi
  • Matunog na paghinga o wheezing
  • Hirap sa paghinga
  • Paninikip ng dibdib
  • Panghihina
  • Hirap sa pagtulog

Sa ibang kaso naman kung saan malala ang atake ng hika, ang indibidwal ay maaaring makaranas ng sumusunod:

  • Pamumutla
  • Pagpapawis
  • Mabilis at putol-putol na paghinga
  • Hirap sa pagsasalita
  • Pag-aasul ng labi at mga kuko

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang mga sintomas ng karaniwang kaso ng hika ay madali namang nalulunasan sa pamamagitan ng mga gamot na nireseta para sa hika. Ngunit sa pagkakaroon ng malalang kaso ng hika, maaaring maging sobrang mapanganib at makamatay. Ang malalang kaso ng hika ay maaaring ituring na emergency kung nahihirapan na sa paghinga at hindi bumubuti ang pakiramdam kahit pa may gamutan.

 

Mga kaalaman tungkol sa hika o asthma

Ang hika o asthma ay isang karaniwang kondisyon kung saan nagkakaroon ng paninikip at pamamaga sa daluyan ng paghinga, at dahil dito, nakakaranas ng pag-ubo at hirap sa paghinga. Minsan, ang pag-atake ng hika ay nagiging sagabal sa mga gawain lalo na kung ang mga sintomas na nararanasan ay mas matindi. Sa ngayon ay wala pang gamot na makapagpapagaling sa mismong hika, ang tangang nagagawa lang ay kontrolin ang mga sintomas na nararanasan.

Ano ang sanhi ng hika?

Wala pang katiyakan kung ano nga ba ang sanhi ng pagkakaroon hika, ngunit sabi ng ilang eksperto, ito raw ay namamana mula sa magulang na may hika. Ang tanging malinaw lang, mayroong “triggers” na nakapagpapasimula ng atake ng hika.

Ano ang mga “triggers” ng atake ng hika?

Ang pag-atake ng hika ay maaaring magsimula dahil sa ilang triggers. Maaaring ang mga ito ay nagdudulot ng iritasyon o allergic reaction sa daluyan ng paghinga kung kaya’t nagkakaroon ng pamamaga at paninikip. Narito ang ilan sa mga tinuturong triggers ng hika:

  • Mga allergens gaya ng alikabok, pollen mula sa halaman, at balahibo ng hayop.
  • Impeksyon sa daluyan ng pag-hinga gaya ng sipon at ubo
  • Pagpapagod
  • Malamig na hangin
  • Usok mula sa mga sasakyan at pabrika
  • Mga gamot na iniinom gaya ng apirin, ibuprofen, at naproxen
  • Stress
  • Buwanang dalaw sa mga kababaihan

Sino ang maaring magkaroon hika?

Ang pagkakaroon ng hika ay pinakamataas kung ikaw ay may kadugong mayroon ding hika. Mataas din ang posibilidad ng pagkakaroon nito kung mayroon allergies sa ilang mga bagay, o kung sobra ang timbang o overweight. Ang mga taong naninigarilyo ay may posibilidad din na magkaroon ng hika, gayundin ang paninigarilyo habang buntis na maaaring maipasa sa dinadalang bata.