Paano makaiwas sa high blood pressure o altapresyon?

Pinakamainam na sundin ang mga hakbang sa pag-iwas sa altapresyon kaysa sa pag-inom ng mga gamot. Narito ang ilan sa mga hakbang na dapat sundin para manatling mababa ang presyon ng dugo:

  • Pagbabawas ng timbang kung overweight o obese. Sinasabing mas mababa ng anim na beses ang posibilidad ng pagakakaroon ng altapresyon kung nasa tamang timbang ang pangangatawan.
  • Pagtigil sa paninigarilyo.
  • Pagkain ng masusustansyang pagkain, gaya ng prutas at gulay.
  • Pagbabawas ng asin sa mga nilulutong pagkain. Sinasabi rin na bumabagsak ang presyon ng dugo kung hindi kakain ng maalat na pagkain.
  • Regular na pag-eehersisyo. Pinakamababa ang posibilidad ng pagkakaroon ng altapresyon sa mga taong aktibo ang pamumuhay. Malaking tulong ang pag-eehersisyo ng madalas sa isang linggo.
  • Pagtigil sa pag-inom ng alak. Ang sobrang pag-inom ng alak ay nakapagpapataas ng presyon, kung kaya’t makabubuti na itigil muna ito.
  • Pagbawas ng stress. Ang stress ay nakapagpapataas din ng presyon kaya’t dapat din itong iwasan hanggat maaari.

Ano ang gamot sa high blood pressure o altapresyon?

Dahil delikado ang pagkakaroon ng high blood pressure, kinakailangang agad itong mapababa nang hindi ito makasira sa normal na pagkilos ng puso at iba pang bahagi ng katawan. Mayroong ilang gamot na makatutulong pababain ang presyon ng dugo:

  • Angiotensin-converting enzyme (ACE) inhibitors
  • Angiotensin II receptor blockers (ARBs)
  • Diuretics
  • Beta-blockers
  • Calcium channel blockers
  • Alpha-blockers
  • Alpha-agonists
  • Renin inhibitors
  • Combination medications

Layunin ng mga gamot na ito na ibalik sa normal na presyon ang dugo. Kinakailangan bantayan ng doktor ang mga pagbabago sa dugo kung kaya’t makabubuti ang masigasig na pagbalik sa doktor sa loob ng ilang buwan. At kapag naibalik na sa normal ang presyon, maaaring kailanganin naman ang pagmementena. Ngunit higit sa gamutan, pinakamainam pa rin na solusyon ang pag-iwas sa mga bagay na nakapapataas ng presyon ng dugo at ilang hakbang sa pagbabago sa lifestyle ng tao.

Bawang bilang gamot sa high blood

May ilang pag-aaaral na ang makapagpapatunay na epektibo ang bawang sa pagpapababa ng presyon ng dugo. Dapat ay kainin ang bawang ng hilaw at ibabad lamang sa ilalim ng dila. Ngunit bukod sa benepisyong ito, nakatutulong din sa pagbawas ng cholesterol at panganib ng sakit na cancer ang pag-konsumo ng bawang.

Paano malaman kung may high blood o altapresyon?

Tinuturing na “taksil na sakit” ang pagkakaroon ng high blood pressure sapagkat hindi mo ito madaling nalalaman sa pag-uumpisa pa lang. Magugulat ka na lang na malala na ang kondisyon mo at nakakaranas ka na ng mga matitinding sintomas. Kung kaya’t mahalaga na regular na nagpapa-check-up upang matukoy agad pagkakaroon ng altapresyon. Maaaring masukat ang blood pressure sa pamamagitan ng sphygmomanometer. Gamit ito, maaaring mabasa kung mataas o mababa ang blood pressure. Kapag ang presyon ng dugo ay higit sa normal na na bilang na 120/80, itinuturing itong high blood pressure. Narito ang stages o antas ng altapresyon:

  • Normal: 120 over 80 (120/80)
  • Prehypertension: 120-139 over 80-89
  • Stage 1 high blood pressure: 140-159 over 90-99
  • Stage 2 high blood pressure: 160 o higit pa over 100 pataas
  • High blood pressure in people over age 60: 150 o higit pa over 90 pataas

Bukod sa sphygmomanometer, gumagamit din ng iba pang instrumento upang mabasa ng mas tiyak ang takbo ng puso at presyon ng dugo. Ginagamit ang Electrocardiogram (ECG) at Echocardiogram upang basahin ang kilos ng puso at mabantayan ang posibilidad ng matinding karamdaman na dulot ng hypertension.

 

Ano ang mga sintomas ng high blood pressure o altapresyon?

Ang pagkakaroon ng high blood pressure ay hindi kadalasang nagpapakita ng mga senyales at sintomas hanggat hindi ito umaabot sa grabeng kondisyon. At minsan pa, ang mga simpleng pananakit na kadalasan ay binabalewala ay umpisa na pala ng pagkakaroon ng sakit na altapresyon. Narito ang mga sintomas na maaaring maranasan sa pagkakaroon ng high blood pressure:

  • Matinding pananakit ng ulo
  • Pagkapagod
  • Panlalabo ng paningin
  • Pananakit ng dibdib
  • Hirap sa paghinga
  • Iregular na pagtibok ng puso
  • Pagtibok na nararamdaman sa batok at likod ng tenga

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang pagkakaranas ng mga sintomas ng altapresyon ay dapat ikabahala at agad na ipakonsulta sa doktor. Magpatingin agad sa doktor upang mabigyan ng karampatang lunas na makapagpapababa sa presyon ng dugo. Tandaan na ang lumalalang kaso ng hypertension ay nakapagdudulot ng kapaguran sa puso pati na sa mga ugat na daluyan. Kung mapapabayaan, maaari itong humantong sa mas malalang kondisyon gaya ng stroke na maari namang makamatay.

Mga kaalaman tungkol sa High Blood Pressure o Altapresyon

Ang high blood pressure, na kilala rin sa tawag na altapresyon o hypertension, ay isang karaniwang sakit na nakaaapekto sa puso at daluyan ng dugo. Kapag ang presyon ng dugo na dumadaloy sa mga ugat ay higit sa normal, may posibilidad na sumikip ang mga ugat na dinadaluyan at magdulot ng hindi komportableng pakiramdam. Kapag may altapresyon, mas nagsisikap sa pagtibok ang puso at tumitigas naman ang mga ugat na daluyan. At dahil dito, mas napapagod ang puso. Ang ganitong kondisyon ay delikado at maaaring humantong sa ilang mas seryosong sakit na maaaring makamatay gaya ng atake sapuso.

Ano ang blood pressure?

Ang blood pressure o presyon ng dugo ay ang pwersa ng dugo na tumutulak sa mga pader ng ugat na dinadaluyan nito, kagaya ng pwersa ng hangin na loob ng isang lobo. Ang pwersang ito ay maaaring tumaas (hypertension) o bumaba (hypotension) at parehong nakaaapekto sa kalusugan ng tao. Ang normal na blood pressure ay 120/80, ngunit ito ay maaaring magbago dahil sa ilang salik gaya ng mga pagkilos  o gawain, pagkapagod, pati na ang matinding kaba.

Paano binabasa ang blood pressure?

Ang dalawang numero na nakikita sa pag-basa ng presyon ng dugo ay ang systolic at diastolic pressure. Ang unang numero, o systolic pressure, ay ang presyon ng dugo kasabay ng pag-tibok ng puso, habang ang ikalawang numero, o diastolic pressure, ay ang presyon naman kapag nakapahinga ang puso. Kapag ang presyon ng dugo ay humigit sa normal na 120/80, ikaw ay may high blood pressure, at kung mas mababa naman dito, may low blood pressure naman. Gumagamit ng sphymomanometer  sa pagsukat ng presyon ng dugo.

Ano ang sanhi ng high blood pressure?

Ang pagkakaroon ng altapresyon ay maaring dulot ng ilang bagay o gawain sa araw-araw. Narito ang ilan sa mga sanhi ng high blood pressure:

  • Paninigarilyo
  • Pagiging over-weight o obese
  • Sobrang alat sa pagkain
  • Sobrang pag-inom ng alak
  • Kawalan ng pisikal na gawain
  • Stress
  • Matandang edad
  • Iba pang karamdaman
  • Namamana

Muli, ang pagkakaroon ng high blood pressure

Sino ang maaaring magkaroon ng high blood pressure?

Bukod sa mga salik na nabanggit, may mga tao din na may mas mataas na posibilidad na magkaroon ng altapresyon. Sila ang sumusunod:

  • Mga taong may kasaysayan ng high blood pressure sa pamilya
  • Mga mahilig manigarilyo
  • Mga lahing African-American
  • Nagbubuntis
  • Mga babaeng umiinom ng birth-control pills
  • Mga taong mataba o over-weight
  • Mga taong hindi aktibo
  • Mga sobrang umiinom ng alak
  • Mga taong mahilig kumain ng matataba at maalat
  • Mga taong higit 35 na taong gulang

 

Ano ang nararamdaman ng isang pasyente na may high blood?

Q: anu anu po ba ang nararamdamn ng isang high blood patient?

A: Sa madaling salita, gusto mong malaman kung ano-ano ang sintomas ng hypertension o high blood. Uunahin ko ang mahalagang sabihin: maaaring wala. Oo, hindi ibig-sabihin na high blood ay may sintomas. Maraming beses, wala kang mararamdaman, high blood ka na pala. Kaya nga kailangang ma-monitor ng BP apparatus o pangkuha ng BP ang isang pasyente na ‘high blood’

KSubalit ang ibang mga pasyente naman ay may nararamdaman rin. Kabilang dito ay sakit ng ulo o batok tuwing tumataas ang BP. Pwede ring makaramdam ng pagod at hilo. Kung apektado ang puso, pwede ring makaramdan ng kabigatan sa dibdib.

Dahil maraming sintomas ang high blood, at maaari ring wala, dapat masuri ang sino mang may-high blood upang makita ang ebidensya ng high blood hindi lamang sa sintomas, kundi pati sa mismong pag-sukat ng ‘blood presssure’ at iba pang mga laboratoryo. Marami namang pwedeng gawin upang mapigilan ang paglala ng high blood, at kabilang dito ang pag-iwas sa matataba at maaalat na pagkain, at ang pag-eehersisyo ng regular.

Hypertension o high blood: Mga kaalaman

High blood ang pangkaraniwang tawag sa hypertension, isa sa pinaka-malaganap na sakit sa buong mundo, lalo na ng mga may edad. Hindi alam kung ano talagang dahilan ng high blood, pero ito’y naiugnay sa pagkain ng mga matataba at maaalatkakulangan sa pag-eensayo, at pagkakaron ng mga kamag-anak na mayroon ding high blood. Kakabit ng high blood ang mga sakit sa puso na maaring magdulot sa heart attack; kakabit rin dito ang mga sakit ng mga ugat sa utak na maari naming magdulot ng stroke. Kaya napakahalagang maagapan ang sino mang mataas ang presyon, upang maiwasan ang mga komplikasyon ng high blood.

Ano ang mga sintomas ng high blood? Sa umpisa, maaring wala kang mararamdaman. Sa pagkuha ng BP lamang malamaman! Kaya maganda na lahat ng mga edad 40 pataas ay regular na nagpapakuha ng BP. Paglaon, maaring maging sintomas ang pagsakit ng ulo, hilo, o kaya naman “palpitation” o parang may pumipitik sa ugat na malapit sa dibdib.

Kung mataas ang basa sa BP mo, o kaya may mga sintomas kang nararamdaman, magpatingin na sa doctor. Huwag kaagad magbigay sa sarili ng kung anu-anong gamot kasi kailangang timplahin ng doktor ang mga gamot ayon sa iyong personal na kalagayan. Maari ring ipasuri ng doktor sa laboratorio ang iyong cholesterol, sapagkat kalimitang magkasama ang high blood at high cholesterol. Pagkatapos ng mga ito, saka ka rerestahan ng gamot. Wag kalimutang sundin ang reseta. Kung araw araw ang sabi, araw-arawin mo rin! Kung namamahalan ka sa gamot, huwag mag atubiling sabihin sa doctor para subukan niyang magreseta ng mas mura. Tanungin rin sa botika kung mayroon silang generic na gamot. Nasa batas ito na dapat ibigay nila ang pinaka-murang gamot na kaparehas ang bisa.

Bukod sa gamot, maraming stratehiya para mapababa ang BP. Regular na ensayo ay mabuti; at higit na mabuti ang pag-iwas sa matataba ang maalat na pagkain. Pagkain ng malulusog na pagkain kaya ng prutas at gulay ay nakakatulong rin. Hindi ba’t yan naman ang payo ng mga matatanda nung una pa?

Habang umiinom ng gamot, regular paring kunin ang BP upang makita ng doctor kung gumaganda ba ang BP mo. Kadalasan, kapag maganda ang BP ay maaring bawasan ng doktor ang gamot. Masigla ka na, makakatipid ka pa! Walang gamot na makakapagtanggal ng high blood pero kung gagawin mo ang mga payo na mag-exercise at kumain ng masustansya,tiyak na gaganda ang iyong pakiramdam.