Mga karaniwang tanong tungkol sa luslos o hernia

Mula kay James Heilman, MD

Ano ang luslos o hernia?

Ang luslos ay isang kondisyon kung saan hindi saradong-sarado ang harang ng loob ng tiyan (abdomen) at ang ibabang bahagi ng isang tao kasama na ang bayag at ang singit (inguinal area). Dahil hindi saradong-sarado ang harang na ito, kung may malakas na pwersa gaya ng pag-ubo, pag-iri, pagbubuhat ng mabigat, paglaki ng tiyan, at iba pa, maaaring lumuslos ang bahagi ng bituka papunta sa bayag o sa may bandang singit, at magsanhi ng pagbukol sa bahaging ito, paglaki ng bayag, at pananakit.

Ano ang mga sintomas ng luslos?

Ang isang tao ay maaaring may luslos ngunit hindi niya ito nararamdaman hanggang sa magkaron nga ng isang pwersa na magpapaluslos sa kanya. Kapag magkaron ng pagluslos, ang mga sintomas ay paglaki ng bayag, bukol sa may bandang singit, at pananakit o pagkirot. Kadalasan, ang luslos ay pwedeng mawala ng kusa; maari itong maging pasumpong-sumpong. Subalit pwede ring masakal ang bahagi ng bituka na lumuslos at ito ay isang emergency na kailangang maagapan kaagad. Sa ganitong sitwasyon ay masakit na masakit ang magiging pakiramdam ng taong may luslos.

Ano ang gamot sa luslos?

Kung gamot sa luslos o hernia ay isang operasyon na magsasara sa haligi ng tiyan upang masiguradong wala nang butas na pwedeng pagluslusan ng bituka. Ito ay isa sa mga pinaka-karaniwang operasyon na isinasagawa ng mga surgeon sapagkat ang luslos ay isang karaniwang karamdaman.

Ano po ba ang maaring gawin kapag kumikirot na ang luslos ng lalaki?

Kung masakit na masakit ang luslos, o nakakaramdam ka ng panibago o hindi karaniwang pagkirot, magpatingin sa doktor. Ngunit kung hindi naman masyadong masakit at sinumpong ka ng luslos, ang isang epektibong gawain ay mahiga at pwede mong iangat ng konti ang bahagi na may luslos (maglagay ng unan). Relax ka lang, iwasan umiri at umubo at kusang mawawala ang luslos. Para sa mga iba na sanay na sa kanilang luslos, nagagawa nilang hilutin ang luslos upang bumalik sa tiyan mula sa bayag. Maaari rin itong gawin ng doktor. Para sa kirot, maaari ring magreseta ang doktor ng pain reliever gaya ng Paracetamol o Ibuprofen.

Pwede rin bang magkaron ng luslos ang isang babae?

Oo, pwede rin, bagamat mas malimit itong nangyayari sa mga kalalakihan. Kung sa babae mangyari ang luslos ay sa bandang singit ito uumbok, o kaya sa may gilid ng pwerta.

Pag may luslos ba ang lalaki di na makakabuntis?

Makakabuntis parin! Hindi dapat mag-alala ang mga lalaking may luslos dahil hindi naman apektado ang kanilang kakayanang makabuntis.

Sa anong edad pwedeng operahan ang isang batang may luslos?

Q: magandang araw po kung sinumang makabasa sa sulat na ito ako po ay may katanungan tungkul sa aking anak ang aking anak ay may loslus o hernia dalawang taon palang cya ngayon ano ang dapat kung gawin pwedi naba syang operahan sa edad na dalawang taong gulang at saan naman ako mapa opera sa anak ko ang tatay ko po rin ay may loslus ito po bang klasing sakit ay namama po ba salamat po at sana matulongan ninyo ako kc naawa napo ako sa aking anak na babae at sa tatay ko salamat olit

A: Kahit anong edad ay pwedeng operahan ang isang bata para sa luslos o hernia. Mas maganda kung mas maaagapan ito, subalit may mga pag-aaral din na nagsasabing mas maganda kung maghintay kung ang isang baby ay higit sa isang taong gulang bago operahan. Sa madaling salita naka-depende ang pagiging angkop ng operasyon sa partikular na kondisyon ng isang bata kaya mas magandang isangguni ang kanyang kondisyon sa isang surgeon o iba pang doktor upang mabigyan ang kanyang mga magulang na kaukulang payo.