Paano makaiwas sa Hepatitis C?

Sa ngayon, wala pang bakuna na makapipigil sa pagkakaroon ng Hepatitis C. Kung kaya, ang tanging magagawa lamang ay ang pag-iingat na hindi mahawaan nito. Maaring sundin ang mga sumusunod na hakbang:

  • Tiyaking malinis at bago ang mga kagamitan sa pagpapabutas para sa hikaw at pagpapatatoo.
  • Maging maingat sa paghawak ng mga kagamitan na ipinang tuturok lalo na kung nagtatrabaho sa lugar na mayroong mga dugong kontaminado ng virus.
  • Umiwas sa ipinagbabawal na gamot
  • Bagaman bibihira lang ang pagkakakaroon ng Hepatitis C mula sa pakikipagtalik, makatutulong pa rin na makaiwas sa pagkakasakit nito kung gagamit ng condom sa pakikipagtalik.

 

Ano ang gamot sa Hepatitis C?

Sa pangkasalukuyan, walang gamot para sa Hepatitis C na ibinibigay para sugpuin mismo ang virus. Ang tanging magagawa lamang ay gamutin ang mga sintomas na maaaring maranasan. Para sa Hepatitis C na acute o hindi malala, maaaring bigyan lamang ng karagdagang nutrisyon at dagdag na inumin sapagkat maaari naman itong nawawala ng kusa. Ngunit kung ang Hepatitis C ay chronic o malala at tumagal na, maaaring bigyan ng mga antiviral na gamot gaya ng lamivudine, adefovir, telbivudine at entecavir na makatutulong makapagpabagal sa pagdami ng virus. Sa mga lalong malubhang kalagayan naman, bagaman hindi nito kayang mapigilan ang sakit na Hepatitis C, maaaring isagawa ang liver transplant o ang paglilipat ng bago at masiglang atay. Pagkatapos ng paglilipat ng atay, maaaring magtuloy-tuloy pa rin ang pag-inom ng antiviral na gamot sapagkat malaki ang posibilidad na manumbalik ang HCV.

Paano malaman kung may Hepatitis C?

Tanging sa pagsasagawa ng blood test maaaring makasiguro sa pagkakaroon ng hepatitis. Maaari suriin gamit ang Liver Function Tests o LFT kagaya ng ALT, AST, Alkaline Phosphatase, at iba pa, upang masukat ang katayuan ng atay. Ang anumang pagbabago sa lebel ng mga ito ay maaaring indikasyon ng pagkakaroon ng problema sa atay gaya ng pagkakaroon ng Hepatitis. Maaari ding magsagawa ng Liver Biopsy upang mapag-aralan kung gaano katindi ang pinsala sa atay at kung ito ba ay dulot ng hepatitis.

Ano ang mga sintomas ng Hepatitis C?

Ang pagkakaroon ng Hepatitis C ay kadalasang walang pinapakita o mararamdamang kahit na anong sintomas lalo na sa unang bahagi ng pagkakasakit nito.  Ngunit maaari rin naman na may lumabas na sintomas gaya ng sumusunod:

Mga karaniwang sintomas ng Hepatitis C

  • Kawalan ng ganang kumain
  • Pagiging matamlay o pagkakaron ng pakiramdam ng pagod
  • Pananakit ng mga kalamnan at kasu-kasuan
  • Paninilaw ng balat sa buong katawan
  • Pagkakaron ng ihi na kulay tsaa at iba pang pagbabago sa pag-ihi

Ang malalang kaso ng Hepatitis C ay maaari namang magdulot ng:

  • Biglaang paglaki ng tiyan
  • Biglaang paninilaw
  • Pagiiba ng pag-uugali, pagiging irritable o magagalitin
  • Pagiging pala-tulog o antukin, pagkalito

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kung mayroon kang sintomas ng Hepatitis C, magpatingin na agad sa doktor. Anong klaseng doktor? Sa umpisa, kahit sa General Practioner o Family Doctor muna magpatingin. Maari ring lumapit sa isang ispesyalista sa tiyan at bituka o Gastroenterologist. Kailangan ang agarang aksyon upang maagapan ang posibleng pag-lala nito at anumang komplikasyon sa atay at sa katawan.

Mga Kaalaman tungkol sa Hepatitis C

Ang hepatitis C, o Hepa C, ay isa ring uri ng sakit na nakapagdudulot ng pamamaga ng atay na sanhi ng isang uri ng hepatitis virus na naipapasa sa pamamagitan ng dugo. Ito rin ang itinuturing na pinakaseryoso sa tatlong uri ng Hepatits (A, B, at C). Ang sakit na ito ay karaniwang walang sintomas na pinapakita.

Ano ang sanhi ng Hepatitis C at paano ito nakukuha?

Ang Hepa C ay dulot ng Hepatitis C Virus (HCV) na nakukuha mula sa mga kontaminadong dugo. Maaari itong makuha sa pamamagitan ng aksidenteng pagturok ng karayom na naunang naitusok sa taong may sakit na Hepa C, sa pagpapapatato (tattooing) at pagpapahikaw gamit ang mga kagamitan na hindi malinis, sa paghihiraman ng karayom sa tuwing gumagamit ng bawal na gamot na tinuturok (IV drugs), at iba pang pamamaraan na ginagamitan ng karayom na itinutusok sa ugat ng dugo. Maaari din itong maipasa ng ina sa kanyang bagong silang na sanggol.

Sino ang maaaring magkasakit ng Hepatitis C?

Ang mga taong nanganganib na magkaroon ng Hepa C ay ang sumusunod:

  • Mga nagtatrabaho sa mga pagamutan na mayroong mga dugo na kontaminado ng Hepa C
  • Mga gumagamit ng itinuturok na ipinagbabawal na droga
  • Mga taong may HIV
  • Mga taong nagpatato o nagpabutas para sa hikaw sa hindi malinis na paraan
  • Mga taong matagal nang sumasailalim sa hemodialysis
  • Mga sanggol na isinilang ng ina na may hepatitis C

Ano ang kaibahan ng Hepatitis C sa Hepa A at B?

Ang Hepatitis C ay naiiba sa Hepatitis B at A sa paraan ng pagkakahawa at sa kondisyon na maari nitong idulot sa atay. Hindi tulad ng Hepa A na nakukuha lamang sa dumi ng tao na maaring maihalo sa pagkain, at Hepa B na nakukuha naman sa dugo, semilya, at iba pang likido ng katawan, ang Hepa C ay kadalasang nakukuha lamang sa kontaminadong dugo. Hindi rin tulad ng Hepa A na hindi malala at kadalasang gumagaling ng kusa, ang Hepa C ay katulad ng Hepa B na maaring magtagal at humantong sa malalang kaso na posibleng magdulot ng pagpalya ng atay o kaya naman ay kanser sa atay.  Higit sa lahat, ang Hepatitis C ay wala pang bakuna hanggang sa ngayon.

Ano ang mga komplikasyon ng Hepatitis C?

Ang pagkakaroon ng chronic o malalang kaso ng Hepatitis C ay maaring magdulot ng ilang kondisyon sa atay na maaaring makaapekto sa paggana nito gaya ng sumusunod:

  • Pinsala sa atay o liver cirrhosis
  • Kanser sa atay o liver cancer
  • Pagpalya ng atay o liver failure