Paano makaiwas sa Hepatitis A?

Dahil ang hepatitis ay isang sakit na kadalasang naipapasa sa pagkain, ang pagpapanatiling malinis ng katawan, gayun din sa pagiging malinis sa preparasyon ng pagkain, ang mga susi sa pag-iwas sa pagkakaroon ng sakit na ito. Narito ang iba pang hakbang na makakatulong sa pag-iwas sa Hepatitis A:

  • Pagpapaturok ng bakuna laban sa Hepatitis A. Tiyaking may bagong turok ng bakuna laban sa hepatitis lalo na kung mataas ang panganib ng pagkakaroon nito
  • Uminom ng malinis na tubig. Tiyaking ang tubig na iinumin ay napakuluan, nasala o galing sa bote kung sakaling dadayo sa ibang lugar.
  • Iwasan ang ‘di ligtas na paraan ng pakikipagtalik. Ang pakikipagtalik sa kapwa lalaki, ang di paggamit ng condom, at pagsasagawa ng oral at anal sex ay nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng hepatitis A. Iwasan ito hanggat maaari.
  • Ugaliing maghugas ng kamay. Maghugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng banyo.
  • Iwasan ang pagahanda ng pagkain kung may impeksyon ng hepatitis A. Kung may sakit na hepatitis, magpahinga na lamang at iwasan ang humawak sa inihahandang pagkain.

Ano ang gamot sa Hepatitis A?

Sa ngayon, wala pang gamot na direktang makapagpapagaling sa impeksyon ng hepatitis sapagkat ito ay gumagaling naman ng kusa. Ang katawan ng tao ay may kakayahang pagalingin ang sarili mula sa impeksyon ng hepatitis virus sa paglipas ng panahon. Ang kailangan lamang gawin ay bantayan at maibsan ang mga sintomas na nararanasan. Narito ang ilang sa mga dapat gawin para maibsan ang mga sintomas na nararamdaman:

  • Tamang pahinga – Dahil ang sakit na hepatitis ay nakapagdudulot ng matinging pagkapagod, makatutulong ang sapat at mahabang pahinga.
  • Tuloy-tuloy na pagkain – Isa rin sa mga sintomas ng hepatits ay ang pagsusuka at pagliliyo, kung kaya makatutulong ang kauntian ngunit tuloy-tuloy na pagkain upang maiwasan ang pagkabusog na maaring maisuka.
  • Pagpahingahin ang atay. Bantayan ang mga iniinom na gamot at itigil na ang pag-inom ng alak.

 

Paano malaman kung may Hepatitis A?

Tanging sa pagsasagawa ng blood test maaaring makasiguro sa pagkakaroon ng hepatitis. Sa pamamagitan ng Liver Function Tests o LFT na isang paraan ng pagsusuri ng dugo na ispesipiko para matignan ang kalagayan ng atay, maaaring matukoy ang anumang karamdaman na nakaaapekto sa atay gaya ng hepatitis A. Kumukuha lamang ng tamang dami ng dugo mula sa ugat at saka susuriin sa laboratoryo. Maari ring matukoy ang Hepatitis A sa pamamgitan ng Hepatitis Profile.

 

Ano ang mga sintomas ng Hepatitis A?

Ang mga sintomas ng hepatitis A ay kadalasang nararanasan makalipas ang ilang linggo matapos ang impeksyon. Ang mga kadalasang nararanasan ay ang sumusunod:

  • Pagkapagod
  • Pagsusuko at pagliliyo
  • Pananakit ng sikmura, lalo na sa itaas na kanang bahag kung nasaan ang atay.
  • Mamula-mulang kulay ng dumi
  • Kawalan ng gana sa pagkain
  • Pananakit ng mga kasu-kasuan
  • Madilim na kulay ng ihi
  • Paninilaw ng balat at mata o jaundice

Minsan ang mga sintomas na ito ay may kasabay na lagnat na tumatagal ng isang linggo o higit pa, at minsan rin, walang kahit na anong sintomas ang mararanasan.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Agad na magpasuri sa doktor kung nakakaranas ng alinman sa mga nabanggit na sintomas ng Hepatitis A. Kung agad na mabibigyan ng bakuna sa loob lang ng dalawang linggo mula sa pagkakahawa ng hepatitis A virus, maaari pang maagapan ang paglala ng sakit.

Mga kaalaman tungkol sa Hepatitis A

Ang Hepatitis A ay isang nakakahawang karamdaman na nakaaapekto sa mga cells ng atay na na siyang nagdudulot pamamaga ng atay. Ang pamamaga ng atay ang siyang sanhi ng hindi maayos na paggana nito. Ito ay dulot ng impeksyon ng Hepatitis A virus na isa sa mga uri ng hepatitis virus, ang mga virus na umaatake mismo sa atay. Ito ay nakukuha sa mga kontaminadong pagkain o inumin, o kaya’y sa pakikipag-interaksyon sa taong may sakit na hepatitis A.

Ano ang sanhi ng Hapatitis A at paano ito nakukuha?

Ang sakit na ito na dulot ng Hepatitis A virus ay nakukuha mula sa mga kontaminadong pagkain o inumin. Nagkakaroon ng kontaminasyon kung sakaling mahaluan ng kahit na kakaunting dami ng tae ng taong apektado ng sakit ang mga pagkain at inumin. Maaari ding makontamina ang mga pagkain kung hindi makapaghuhugas ng maayos pagkatapos gumamit ng banyo at hahawak sa mga pagkain. Maaari rin itong makuha sa mga talaba at tahong na hindi masyadong naluto. Ang pakikipag-talik din sa taong mayroong sakit na ito ay posible ding makahawa.

Sino ang maaaring magkasakit nito?

Ang panganib ng pagkakaroon ng sakit na hepatitis A ay pinakamataas sa mga taong napapadpad sa mga lugar na talamak ang kaso nito, halimbawa ay sa mga health workers at sa mga nagtatrabaho sa mga day care center. Mataas din ang posibilidad ng pagkakaroon nito dahil sa mga hindi ligtas na pamamaraan ng pakikipagtalik tulad ng oral at anal sex.

Ano ang kaibahan ng Hepatits A at B?

Ang Hepatitis A at B ay parehong sakit nanakaaapekto sa atay. Ngunit di tulad ng Hepatitis B, ang Hepatitis A ay kadalasang kusang nawawala at walang iniiwang komplikasyon na maaaring makasira sa atay. Ang hepatitis B ay maaaring magdulot ng mas malubhang pinsala sa atay at maaaring magtungo sa kanser sa atay o liver cancer.

Ano ang maaaring komplikasyon ng sakit na Hepatitis A?

Di tulad ng ibang uri ng hepatitis, ang mga kaso ng Hepatitis A ay kadalasang hindi lumalala at hindi din nakapagdudulot ng matinding pinsala sa atay. Ito ay madaling nagagamot at madali ring nawawala. Sa mga bihirang kaso, maaaring manghina ang atay at magkaroon ng problema sa maayos nitong paggana.