Ang mga dapat mong malaman tungkol sa Pasa

Ano ang pasa?

Ang pasa, o bruise sa Ingles at hematoma naman sa terminong medikal, ay ang pamumula o pangingitim ng balat dahil sa malakas na pagtama ng bahagi ng katawan sa isang matigas na bagay gaya ng pagtama ng malakas na suntok, pagkakaaksidente sa lansangan, pagtama ng hita o tuhod sa sulok ng lamesa, at iba pa.  Ito ay maaaring bahagyang nakaumbok (contusion) o kaya naman ay patag lang at may kulay na mala-ube (ecchymosis).

Ang dalas ng pagkakaroon ng pasa ay nakadepende sa edad ng tao. Sa pagtanda ng tao, mas nagiging marupok ang mga ugat kung kaya mas madali rin magkaroon ng pasa. Maaari ring maapektohan ng mga gamot na iniinom ang dalas ng pagkakaroon ng pasa. Halimbawa ng mga gamot na maaaring makaapekto sa pagkakaroon ng pasa ay ang ibuprofen at naproxen.

Bakit nagkakaroon ng pasa?

Ang pasa ay nabubuo kapag ang dugo ay umagos palabas mula sa mga maliliit ugat na dinadaluyan ng dugo (capillaries) na napinsala dahil nga sa malakas na pagtama ng katawan sa isang matigas na bagay. Ang umagos na dugo ay namumuo at sa simula ito ay mamula-mula, ngunit sa kalaunan ay nangingitim na siya namang nakikita bilang pasa.

Senyales ng anong sakit ang pagpapasa?

Ang pagkakaroon ng pasa ay kadalasang dahil lamang sa isang malakas na pagtama ng katawan sa matigas na bagay. Ngunit minsan, sa ibang pagkakataon, maaring magkaroon na lamang bigla ng pasa na hindi namamalayan. Ang mga kasong ito ay maaaring senyales ng pagdurugo sa loob ng katawan o internal bleeding o kaya naman ay kaso ng autoimmune disease o pag-atake ng sariling immune system sa mga ugat na daluyan ng dugo.  Ang sakit na endocartitis ay maaari ring magsanhi ng pagpapasa sa ilang bahagi ng katawan. Upang makatiyak, ipatingin sa doktor ang mga pasa.

May gamot ba para mawala ang pasa?

Walang gamot sa pagkakaroon ng pasa, bagamat may ilang hakbang na makatutulong para makaiwas sa pagkakaoon nito. Sa simula pa lang ng pagkakatama ng bahagi ng katawan, lagyan na kaagad ng yelo ang bahaging tumama upang maiwasan ang pagkakaroon ng malaki at kapansin-pansin na pasa. Umiwas din muna sa mga gamot na nakapagpapanipis ng dugo gaya ng iburpofen at naproxen lalo na kung mayroong pagdurugo sa loob ng katawan.  Sa mga taong may malulusog na pangangatawan, ang pasa ay kusa ring nawawala makalipas lamang ang ilang araw.