Paano makaiwas sa heatstroke?

Ang pagkaka-heatstroke ay napakadaling mapansin at kayang-kaya maiwasan. Kaya naman, simple lang din ang mga paraan para maiwasan ang sobrang pag-init ng katawan o overheating. Narito ang ilan sa mahuhusay na hakbang:

  • Magsuot ng maluluwag na damit sa panahon ng tag-init.
  • Umiwas sa pagkakaroon ng sunburn sapagkat maaaring maapektohan ng kondisyon ito ang abilidad ng katawan na i-regulisa ang temperatura sa loob ng katawan.
  • Uminom ng maraming tubig sa panahon ng tag-init.
  • Huwag mananatili nang matagal sa lugar na sobrang init gaya ng sasakyan na nakaparada sa katirikan ng araw.
  • Hanggat maaari, huwag lumabas ng bahay sa oras na 10AM hanggang 4PM kung kailan pinakamatindi ang init ng araw.
  • Huwag biglaang pupunta sa mga lugar na mainit, tiyaking nasa tamang kondisyon ang katawan bago lumipat sa lugar na mainit na hindi nakasanayan ng katawan.
  • Maging alisto sa init ng kapaligiran lalo na kung dumaranas ng ilang kondisyon gaya ng pagiging obese o sobrang timbang.
  • Kung nakararamdam na ng sobrang init ng katawan, magtungo sa lugar na may lilim, presko at may malamig na hangin.

Ano ang gamot sa heatstroke?

Ang gamutan sa kondisyon na heatstroke ay nakasentro sa pagpapababa ng temperatura ng katawan pabalik sa normal na temperatura. Ito ay mahalaga maisagawa sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang pinsala sa mga organ ng katawan lalo na sa utak. Narito ang mabibisang hakbang para pabalikin sa normal na temperatura ang katawan:

  • Pag-aalis ng makakapal na damit na maaaring makapagpa-init ng katawan. Ito ang pangunahing hakbang para mapababa ang temperatura ng katawan. Makatutulong nang malaki ang pagtatanggal ng damit na maaaring makadagdag ng init sa katawan.
  • Pagpapaligo sa malamig na tubig. Ito ang pinakasimple at pinakamadaling hakbang para mapababa ang mataas na temperatura. Ang pasyente ay maaaring ilublob sa bathtub na may malamig na tubig upang mabilis na bumagsak ang init ng katawan.
  • Pagbabalot ng cooling blanket at pagtatapal ng yelo. Mabilis ding nakakapagpalamig ng katawan ang paglalagay pagbabalot sa pasyente ng malalamig na bagay.
  • Iba pang cooling techniques. May mga cooling techniques na isinasagawa sa ospital upang mapababa ang temperatura. Isa dito ang evaporation cooling techniques kung saan pahahanginan ang pasyente na may kasamang malamig na water vapor.
  • Paggamit ng gamot kontra sa panginginig ng katawan. Maaaring bigyan ng gamot, tulad ngĀ benzodiazepine, ang pasyenteng nanginginig dahil sa mga hakbang gaya ng paglalagay ng yelo o paglublob sa malamig na tubig. Pinipigilan ng gamot na ito ang panginginig sa pamamagitan ng pagpapa-relax sa mga kalamnan. Tandaan na ang panginginig ng mga kalamnan ay nakadaragdag laman ng init sa katawan.
  • Pag-inom ng malamig na tubig. Kung ang pasyente ay hindi naman nawalan ng malay at may kakayanan pang makainom, malaking tulong ang pagpapa-inom ng malamig na tubig.

 

 

Paano malaman kung dumaranas ng heatstroke?

Ang pagkakadanas ng heat stroke ay kadalsang hindi na nangangailangan pa ng mga komplikadong pagsusuri o eksaminasyon para lang makumpirma. Ito ay madaling natutukoy sa mga kapansin-pansin na sintomas at mga senyales. Ngunit upang matignan din ang iba pang posibleng kondisyon, maaaring isagawa ang mga sumusunod na pagsusuri.

1. Blood test. Tinutukoy dito ang ilang mineral gaya ng sodium at potassium upang matukoy kung gaano kagrabe ang pinsalang naidulot ng heatstroke sa central nervous system.

2. Urine test. Ang pagkakaroon madilaw o kulay tsaa na ihi ay kadalasang konektado sa pagkakaranas ng sobrang init na temperatura sa katawan.

3. Imaging tests. Ang mga pagsusuri tulad ng X-ray, CT Scan, o MRI ay makatutulong upang matukoy kung gaano kagrabe aling mga bahagi ng katawan ang naapektohan ng heatstroke.

 

Ano ang mga sintomas ng heatstroke?

Ang mga taong nanganganib dumanas ng heatstroke ay maaaring makaramdam ng mga sumusunod na sintomas at senyales:

  • Mataas na temperatura ng katawan. Ang mga taong umaabot sa 40 degree Celsius ang temperatura ng katawan ang pangunahing senyales ng pagkakaheatstroke. Kung ito ay magtutuloy-tuloy ng mahabang panahon, maaari itong humantong sa pagpalya ng buong katawan.
  • Kaibahan ng pag-uugali. Ang pagiging balisa, bugnutin, hirap sa pagsasalita, pagkalito, o pagdedeliryo ay mga sintomas ng pagtungo sa heatstroke.
  • Kakaibang pagpapawis. Ang sobrang pagpapawis o hindi paglabas ng pawis na hindi pangkaraniwan para sa isang indibidwal ay maaari ding sintomas ng heatstroke.
  • Pagliliyo at pagsusuka. Dahil sa sobrang init ng katawan, maaaring makaramdam ng pagliliyo at pagsusuka.
  • Pamumula ng balat. Makikitaan din ng kakaibang pamumula ng balat ang taong dumaranas ng heatstroke.
  • Mabilis na paghinga o madaling pagkahingal. Dahil pa rin sa sobrang init, bumibilis ang paghinga ng tao sapagkait ito ay isang paraan ng pagpapanatiling malamig ng katawan. Bumibilis ang paghinga kung tataas din ang temperatura ng katawan.
  • Mabilis na tibok ng puso. Kasabay ng mabilis na paghinga ay ang pagbilis din ng tibok ng puso, gayun din ang presyon ng dugo. Lahat ng ito ay dahil sa mainit na temperatura ng katawan.
  • Pananakit ng ulo. Isa rin ang utak sa mga madaling maapektohan ng sobrang pagtaas ng temperatura. Kaya naman, sadiyang mananakit ang ulo kung mag-iinit ng sobra ang katawan.
  • Panghihina ng mga kalamnan. Gaya ng panghihina ng ilang mga organs ng katawan, ang mga kalamnan din ay lubos na naaapektohan ng sobrang init ng katawan.
  • Pagkahimatay. May posibilidad na mawalan ng malay ang taong na-heatstroke.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang kaso ng heatstroke ay tinuturin na medical emergency. Ibig-sabihin, nangangailangan ito ng agarang lunas sapagat kung mapapabayaan, ay maaring humantong sa mas malalang kondisyon o pagkamatay.

Mga kaalaman tungkol sa Heatstroke

Ang katawan, tulad din ng sa mga makina ay maaaring pumalya o masira kung mapapabayaang mainit o mag-overheat. Ganito ang maaaring mangyari sa katawan ng tao kung mapa-sobra sa pagtaas ng temperatura. Ang heatstroke ay ang kondisyon na dulot ng sobrang pagtaas ng temperatura ng katawan o overheating. Maaari itong maranasan kung mananatiling naiinitan ang katawan nang mahabang panahon na umaabot sa temperatura na 40 degree Celcius. Isa itong seryosong kondisyon na maaaring makaapekto sa maayos na paggana ng katawan lalo na sa utak, at kung mapapabayaan ay maaari makamatay. Ito ay itinuturing na emergency, at nangangailangan ng agarang paggagamot.

Ano ang sanhi ng heatstroke?

Ang pagkakadanas ng heatstroke ay maaring dahil sa ilang sitwasyon. Maaaring ito ay dahil sa mga sumusunod:

  • Pananatili nang matagal sa mainit o maalinsangang kapaligiran. Tiyak na nakaaapekto ang temperatura sa paligid sa temperatura ng katawan. Kaya naman, ang sobrang init na kapaligiran ay maaaring makapagpataas ng temperatura ng katawan. Ang pananatili nang matagal sa ganitong sitwasyon ay maaaring pag-umpisahan ng heatstroke.
  • Sobrang pagkilos. Ang sobra-sobrang pagkilos din ay nakapagpapataas din ng temperatura ng katawan, lalo na kung gagawin ito sa mainit na kapaligiran o sa ilalim ng araw. Ang tuloy-tuloy na pisikal na gawain na may kakaunting pagkakataon ng pagpapahinga ay maaari ding humantong sa heatstroke.
  • Pagsusuot ng mainit na damit. Tataas din ng husto ang temperatura ng katawan kung ang isusuot na damit sa mainit na panahon ay sobrang kapal. Halimbawa ay ang mga nagsisilbing mascot sa mga kaganapan na nananatili nang matagal sa mainit na kasuotan.
  • Sobrang pag-inom ng alak. Nakaaapekto ang pag-inom ng alak sa kakayahan ng katawan na i-regulisa ang temperatura ng katawan. Kaya naman, sa ilang pagkakataon, nagiging salik ang sobrang pag-inom nito sa pagtaas ng temperatura at pagkakadanas ng heatstroke.
  • Kakulangan ng tubig sa katawan. Malaki ang papel ng tubig sa pagpapanatili ng tamang temperatura ng katawan. Kaya naman nakakakontribyut din ang kakulangan nito sa pagkakadanas ng heatstroke.

Sino ang may mataas na posibilidad na makaranas ng heatstroke?

Ang heatstroke ay maaaring maranasan ng kahit na sino, ngunit may ilang salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakaranas nito. Narito ang ilan sa mga ito:

  • Edad. Ang mga sanggol at mga matatanda na ang edad at higit 65 na taon ang pinakaapektado ng pagbabago sa temperatura. Ang mga sanggol na hindi pa lubusang maayos ang sistema ng katawan sa pag-reregulisa ng temperatura, at ang matatanda na humihina naman ang abilidad na ito ang may pinakamataas na panganib ng pagkaka-heatstroke.
  • Gawain o trabaho na maglalagay sa mainit na kapaligiran. Ang mga taong nagtatrabaho sa maiinit na lugar gaya ng mga metro aide, traffic police, o mascot, at mga indibidwal na may nakakapagod na gawan gaya ng mga atleta ay may mas mataas na posibilidad ng pagkaka-heatstroke.
  • Biglaang pag-taas ng temperatura. Ang mga taong hindi sanay sa mainit na panahon at biglang pupunta sa lugar na mainit ay may malaki rin na posibilidad na ma-heatstroke.
  • Pagkakaroon ng ilang kondisyon o karamdaman. Ang pagiging sobrang bigat o obese, o kaya naman ang pagkakaroon ng kasaysayan ng stroke, sakit sa puso o altapresyon ay may mataas din na posibilidad ng pagkaka-heatstroke.

Ano ang maaaring komplikasyon ng heatstroke?

Ang pananatili ng katawan sa mataas na temperatura ay maaaring magdulot ng ilang mga komplikasyon. At ang mga pinakamalala ay ang pag-palya sa paggana ng ilang organ ng katawan gaya ng atay, bato at utak. Kung mapapabayaan, maaari rin itong humantong sa pagkamatay.