Paano makaiwas sa sakit na Hand Foot and Mouth Disease?

Walang partikular na paraan para maiwasan ang impeksyon ng virus, bagaman maaaring makapagpababa ng panganib ng pagkakahawa kung magiging malinis sa katawan. Narito ang ilang mga hakbang sa pagpapanatiling malinis ng sarili at ng kapaligiran upang hindi agad mahawa sa sakit na Hand Foot and Mouth Disease:

  • Ugaliin ang paghuhugas nang mabuti sa mga kamay. Laging maghuhugas ng kamay bago at pagkatapos kumain o kaya’y sa tuwing gagamit ng palikuran. Gumamit ng sabon at banlawang mabuti.
  • I-disinfect ang buong bahay. Ugaliin din ang paglilinis ng tahanan at lagi ring ididisinfect upang mapatay ang mga kumakalat na virus, lalo pa’t ang mga bata ay madalas sumusubo ng mga bagay na kanilang napupulot.
  • Ihiwalay ang pasyenteng may sakit. Hanggat maaari, huwag ipapalapit ang mga batang hindi pa nagkakasakit sa mga pasyenteng may Hand Foot and Mouth Disease nang sa gayon ay maiwasan ang pagkakahawa.

Ano ang gamot sa Hand Foot and Mouth Disease?

Sa ngayon, wala pang gamot na direktang makapagpapagaling sa impeksyon ng coxsackieviruses. Ito ay kusang gumagaling matapos ang isang linggo o 10 araw ng pagkakasakit. Ang tanging magagawa lamang ay ang pagkalinga sa pasyente upang maibsan ang mga sintomas na nararanasan. Narito ang ilan sa mga mahusay na paraan ng pag-aalaga sa may sakit:

  • Pagpapahid ng gamot para sa mga sugat sa bibig nang maibsan ang pananakit nito. Maaaring gumamit ng anumang topical-oral anesthetic.
  • Pag-inom ng mga over-the-counter na gamot bilang pangontra sa pananakit. Maaaring uminom ng paracetamol o kaya ay ibuprofen.
  • Pagpapakain sa bata ng malalambot upang mas madaling malunok.
  • Pag-iwas sa mga maaanghang at maaalat na pagkain upang mabawasan ang pananakit ng mga sugat sa bibig.
  • Makatutulong din ang pag-inom ng malalamig na inumin o kaya gatas.

 

Paano malaman kung may Hand Foot and Mouth Disease?

Ang pagkakaroon ng sakit na Hand Foot and Mouth Disease ay madaling natutukoy ng doktor sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  • Ang pasyente ay bata na ang edad ay 10 na taong gulang o mas bata pa.
  • Makikitaan ng mga sintomas ng Hand Food and Mouth Disease
  • Itsura at lokasyon ng mga pagsusugat

Upang mas makatiyak pa, maaaring kumuha ang doktor sample mula sa lalamunan ng payente at isailalim ito sa pag-aaral sa laboratory. Kung matukoy ang presensya ng coxsackieviruses, sigurado na ang pagkakasakit.

Ano ang mga sintomas ng Hand Foot and Mouth Disease?

Ang sakit na Hand Foot and Mouth Disease ay maaaaring magdulot ng ilang mga sintomas at senyales na gaya ng sumusunod:

  • Lagnat
  • Pananakit ng lalamunan (sore throat)
  • Mabigat na pakiramdam
  • Masakit at mapupulang pagsusugat sa dila, palibot ng bibig, sa loob na bahagi ng pisngi, at sa mga gilagid.
  • Mapupulang butlig na walang pangangati sa palad, mga daliri, talampakan, at minsan, pati sa puwit.
  • Madaling pagka-irita
  • Kawalan ng gana sa pagkain

Ang mga sintomas na nabanggit ay kadalasang unang lumalabas matapos ang 3 hanggang 6 na araw mula sa pagkakahawa ng sakit. Nagsisimula sa paglalagnat lamang, kasunod ay ang pagbigat ng pakiramdam at hirap sa paglunok. At pagkatapos ng isang araw, maglalabasan na ang pagsusugat sa kamay, paa, at sa bibig.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Dahil ang sakit na Hand, Foot and Mouth Disease ay nagdudulot lamang ng mga katamtamang sintomas at kusa rin namang gumagaling, madalas ay hindi na kailangang magpatingin sa doktor. Magtungo lamang sa pagamutan kung hindi sigurado sa sakit na nararanasan, o kaya’y dumaranas ng mas seryosong mga komplikasyon.

Kaalaman tungkol sa sakit na Hand Foot and Mouth Disease

Ang sakit na Hand, Foot and Mouth Disease o HFMD ay isang karaniwang sakit sa mga sanggol at mga bata na dulot ng impeksyon ng virus. Dito’y dumaranas ng pamumula o pagsusugat sa bahagi ng bibig, mga kamay, at paa. Lubhang itong nakakahawa lalo na sa unang linggo ng pagkakasakit. At tulad din ng ibang sakit na dulot ng virus gaya ng bulutong at tigdas, ang HFMD ay walang lunas, bagkus ito ay kusang gumagaling matapos ang 10 araw ng pagkakasakit.

Gaano kalaganap ang sakit na Hand, Foot and Mouth Disease?

Sa Pilipinas, ang sakit na HFMD ay panakanaka lamang, at walang partikular na lugar o panahon itong pinipili. Wala ring napabalitang malaking pagkalat ng sakit sa nakalipas na mga taon.

Ano ang sanhi ng Hand Foot and Mouth Disease?

Ang sakit na ito ay dulot ng impeksyon ng virus na coxsackievirus. Nakukuha ito mula sa direktang pakikisalamuha sa taong may sakit. Maaaring ito ay mula sa maliliit na patak mula sa bibig at ilong, sa mga sugat sa kamay, paa at bibig, at pati rin sa dumi ng taong may sakit. Maaari rin makuha ang virus mula sa mga kontaminadong bagay na nahawakan ng taong apektado ng HFMD. Pinakamabilis itong makahawa sa unang linggo ng pagkakasakit.

Maaari pa bang magkasakit ulit ng HFMD kung dati nang nagkaroon ng sakit?

Gaya rin ng bulutong at tigdas, isang beses lamang maaaring magkasakit ng Hand Foot and Mouth Disease. Ito’y dahil may nabuo nang resistensya (antibodies) ang katawan mula sa unang pagkakasakit. Kung kaya, hindi na maaaring mahawa pa kung nagkasakit na dati nito.

Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakahawa ng sakit?

Ang pagkakasakit ng Hand Foot and Mouth Disease ay kadalasang nakaaapekto lamang sa mga batang ang edad ay 10 taong gulang o mas bata pa. At tumataas naman ang posibilidad ng pagkakasakit nito kung ang bata ay madalas sa lugar na matao gaya ng daycare centers o paaralan. Ito’y mas lalo pang mapanganib kung may napapabalitang may pagkalat ng sakit sa lugar.

Ano ang mga komplikasyon ng sakit na Hand Foot and Mouth?

Maaaring humantong sa ilang kondisyon ang pagkakasakit ng Hand Foot and Mouth Disease. Kabilang ang sumusunod:

  • Kakulangan ng nutrisyon. Dahil ang pagkakasakit nito’y kadalsang nagdudulot ng pagsusugat sa loob na bahagi ng bibig at sa lalamunan, ang bata’y nahihirapan lumunok. At dahil dito, maaaring tumanggi o halos hindi na kumain ang bata.
  • Viral meningitis. May ilang pagkakataon na ang coxsackievirus ay magdulot ng impeksyon sa bahagi ng utak at spinal cord na siyang humahantong sa pamamaga ng mga nasabing bahagi ng katawan.
  • Encephalitis. Kung ang impeksyon ay lumala at makaapekto sa loob ng utak, maaari itong magdulot ng pamamaga. Ito ay isang seryosong komplikasyon na nangangailangan ng agarang atanesyong medikal.