Marami nang naging lalaki, pwede ba bang mabuntis?

Q: Doc, marami na po akong naging lalaki..peru hindi po ako nabuntis ngyun po na may asawa na ako gosto ko po mabuntis peru hindi pa ako nabubuntis natatakot po ako baka po dina ako mabuntis..may pekto po kaya yun kaya hindi ako mabuntis dahil sa dami nang naging lalaki ko…dahil ang 22o po dati po akong nag trabaho sa bar peru tumigil naku nung pinakasalan ako nang asawa ko ngyun.

A: Ang pagkakaroon ng maraming sex partners noong nakaraan ay hindi naman nangangahulugang hindi ka na mabubuntis. Sa katunayan, halos kalhati ng mga kababaihan ay inaabot ng dalawang taon matapos makipagsama sa isang lalaki bago mabuntis.

Subalit kailangan mo ring suriin ang iyong sarili. Nagkaron ka ba ng STD noon? May mga STD gaya ng chlamydia na nagdudulot ng tinatawag na ‘pelvic inflammatory disease’ na posibleng makaapekto sa pagbubuntis. Kung ito ay posible, at kung higit na sa 2 years at hindi ka parin nabubuntis, magpatingin sa isang gynecologist o iba pang doktor upang masuri ito at iba pang posibleng problema.

Pwede bang gumamit ng pills kung breastfeeding?

Q: pwede na po ba ako uminom ng Althea pills khit po nag be breastfeeding pa po aq sa 18 month old baby ko?

A: Wala namang problema sa pag-inom ng pills habang ikaw ay nagpapasuso ng baby, subalit isa sa mga side effect ng combined oral contraceptive pills gaya ng Althea at Diane ay ang mga ito’y nakakabawas ng gatas, kaya hindi sila pinapayo sa mga nag-be-breastfeeding kung gusto nilang ituloy ang pagpapasuso.

Kung gusto mong ituloy ang breastfeeding ng baby mo ngunit gusto mo ring makasiguro na hindi na mabubuntis ulit, pwede mong subukan ang paggamit ng mga progestin-only pills o ‘mini-pills’ gaya ng Daphne, Exluton, at iba pa. Pwede rin naman na gumamit na lang muna ng condom. Magpakonsulta sa iyong OB-GYN para sa karagdagang gabay tungkol sa angkop na pills para sa’yo.

May epekto ba ang pakikipag-sex sa menstrual cycle?

Q: Pano po mareregular ang menstration? Irregular po kasi ako, minsan 3x a year lang ako nagkakaroon, tpos pansin ko po nag start yun nung naging sexually active ako. My epekto po ba ang pakikipag talik sa pagirregular ng menstrual cycle q?

A: Ang pakikipagtalik ay maaaring maka-apekto sa menstrual cycle kung ikaw ay gumagamit ng pills. Ang mga pills ay sumusupil sa pagiging regular ng regla ng isang babae; minsan ‘spotting’ lamang ang ma-oobserbahan at kadalasan hindi buwan-buwan dadatnan ang babae na gumagamit ng pills. Ito ay normal na epekto ng pills at hindi dapat ikabahala.

Upang bumalik sa pagiging regular ng menstruation, itigil ang paggamit ng pills at pumili ng ibang paraan ng family planning gaya ng paggamit ng condom. Sa totoo, kahit na gumagamit ka ng pills advisable parin na gumamit ng condom upang maka-iwas sa mga STD.

Hindi dinatnan ng regla: Mga dahilan bukod sa pagiging buntis

Q: doc, di po ako dinadalaw ng isang buwan? hindi ako ne reregla ng isang buwan? ano po ba ito? delayed lang ba ndi nmn po ako nagamit?

A: Kung ikaw ay nakakatiyak na hindi isang posibilidad na ikaw ay buntis, hindi ka dapat mabahala kung hindi ka dinatnan sa nakatakdang panahon, sapagkat may mga dahilan bukod sa pagiging buntis na pwedeng magpaliwanag nito. Narito ang ilan sa mga karaniwang halimbawa:

  • 1. Dahil sa pills o iba pang gamot. Kung ikaw ay umiinom ng pills (birth control pills o OCPs) at iba pang gamot, maaari itong maka-apekto sa pagiging regular ng iyong regla.
  • 2. Dahil sa stress o pagbabago sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ikaw ba ay nagpalit ng trabaho, lumipat sa ibang lugar, o may matinding kaganap sa iyong buhay o sa iyong mga relasyon? Ang stress o pagod, maging pisikal man o emosyonal, ay maaaring makaapekto din sa iyong menstrual cycle.
  • 3. Dahil sa pagkakasakit. Nagkasakit ka ba noong mga nakaraang buwan? Pwede rin itong dahilan ng hindi pagdating ng regla. May mga sakit na nangangailang ipatingin sa doktor lalo na kung may iba ka pang sintomas na nararamdaman bukod sa hindi pagdating ng regla gaya ng lagnat, pagbabago sa timbang, pagbabago sa ganang kumain, at iba pa.
  • 4. Dahil sa pamamayat o pagtaba. Kung nagbago ang iyong timbang, pwede ring mabago ang pagiging regular ng iyong mens.

  • 5. Dahil sa sobrang ehersisyo o sports. Ikaw ba ay nahilig sa pagtakbo, gym workout, o iba pang aktidibades na pisikal? Ito ay maaaring ring isa pang kadahilanan.
  • Dahil maraming sanhi ang hindi pagdating ng regla bukod sa pagbubuntis, ito’y hindi dapat ikabahala. Ngunit kung ito ay magpatuloy ng higit sa dalawang buwan, at kung may iba ka pang sintomas na nararamdaman, magpatingin na sa isang OB-GYN o kahit sinong doktor upang masuri ang posibleng sanhi nito.