Lumalabas na parang sipon sa aking titi: Ano ito?

Q: Ano po b ung lumalabas na parang sipon s aking titi dahil po b ako’y my sipon sana po matulungan niyo ko.

A: Kung ikaw ay sexually active o nakipagtalik/nakikipagtalik sa sino man, babae o lalaki, maaaring ikaw ay may tulo, isang sakit na nakukuha sa pakikipag-sex o isang STD. Magpatingin kaagad sa doktor pang ito’y makompirma at mabigyan ka ng angkop na antibiotics para dito. Para sa karagdagang kaalaman, basahin ang artikulong “Ano ang gamot sa tulo ng lalaki” sa Kalusugan.PH

Paano makaiwas sa tulo o gonnorhea?

May ilang hakbang na dapat sundin upang maiwasan na mahawa sa tulo o gonorrhea. Narito ang ilang hakbang:

  • Paggamit ng condom sa pakikipagtalik. Bagaman hindi 100% na siguradong maka-iiwas sa sakit kung gagamit ng condom, ito pa rin ang pinakaligtas na paraan upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng sakit kung makikipagtalik.
  • Pag-iwas sa pakikipagtalik. Ang pag-iwas sa pakikipagtalik ang pinakamainam na paraan para maiwasan na magkaroon ng sakit na tulo.
  • Tiyaking malinis ang kapareha mula sa impeksyon ng sakit. Bago makipagtalik, siguraduhing walang sakit na nakakahawa ang kapareha. Kung maaari, hilingin sa kapareha na magpa-suri muna sa doktor.
  • Huwag makipagtalik sa taong may sintomas ng sakit. Kung nakikitaan ng mga sintomas ang kapareha, umiwas nang makipagtalik para hindi mahawa.
  • Umiwas sa pakikipagtalik sa mga prostitutes. Dahil hindi makatitiyak kung sino ang mga naging kapareha ng binayaran sa pakikipagtalik, may posibilidad na mayroong impeksyon ng mga STD ito. Hangga’t maaari, umiwas nang makipagtalik dito.

Ano ang gamot sa tulo o gonorrhea?

Antibiotiko o antibiotics ang solusyon sa sakit na tulo. Maaaring bigyan ng ceftriaxone na isang gamot na tinuturok at sinasabayan pa ng azithromycin o doxycycline na mga gamot na iniinom. Kinakailangang ipatingin sa doktor kung anong uri ng antibiotiko at gaanong kadami at gaanong kadalas (dose and frequency) ng gamutan. Kung mayroon kang tulo o gonorrhea, malamang ay mayroon din ang iyong asawa o sexual partner kaya dapat siya ay ipatingin at gamutin rin. Ang tulo o gonorrhea ay maaaring may kasama ding iba pang STDs, lalo nasa mga taong may high risk behavior gaya nang pakikipagtalik sa mga prostitute, pakikipagtalik sa kapwa lalaki, at iba pa. Kapag kabilang ka dito, magandang magpasuri rin sa doktor sa ibang mga STDs gaya ng chlamydia at HIV/AIDS.

Paano malaman kung may tulo o gonorrhea?

May ilang eksaminasyon ang isinasagawa upang matukoy ang pagkakaroon ng tulo o gonorrhea. Maaaring magsagawa ng urinalysis upang matukoy kung may presensya ng bacteria sa daluyan ng ihi o kaya sa puwerta ng babae. Kung ang impeksyon ay nagaganap naman sa ibang bahagi ng katawan gaya ng lalamunan o tumbong, maaaring kumuha ng sample mula dito sa pamamagitan ng swabbing at saka susuriin sa laboratoryo kung positibo sa bacteria.

 

Ano ang mga sintomas ng tulo o gonorrhea?

Ang sakit na tulo o gonorrhea ay kadalasang walang pinapakitang sintomas o senyales, ngunit kung meron man, ito nakikita o nararanasan sa ari. Bukod pa rito, maaari ding lumabas ang mga sintomas sa iba pang bahagi ng katawan. Ang mga sintomas na maaaring maranasan ay ang sumusunod:

  • Mahapding pag-ihi
  • Tumutulong nana mula sa ari
  • Pamamaga ng bayag sa mga kalalakihan
  • Madalas vaginal discharge na maaaring may amoy
  • Pagdurugo ng ari
  • Pananakit ng tiyan at puson

Bukod sa ari, maaari ding makaapekto sa ibang bahagi ng katawan ang mga sintomas ng gonorrhea, gaya ng:

  • Tumbong o Rectum: Nagkakaroon ng pangangati sa butas ng puwit at maaaring labasan ng mga nana.
  • Mata: Mahapding mata at madaling masilaw. Maaari ding may lumabas na nana mula sa mata.
  • Lalamunan: Makakaranas ng sore throat at pamamaga ng kulani sa bandang leeg.
  • Kasu-kasuan: Makakaranas ng pananakit sa mga kasi-kasuan kung magkaka-impeksyon din sa lugar na ito.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kadalasan ay nahihiya ang taong nakakaranas ng mga sintomas ng tulo kung kaya’t mas pipiliin niyang mag-self medicate. Ngunit dapat tandaan na hindi dapat mahiyang lumapit sa doktor sa kahit na anong kondisyong nararanasan sapagkat ang mga doktor ay may prinipsyo ng “confidentiality“. Agad na magpatingin kung sakaling mahirapan sa pag-ihi o kaya’y may lumalabas na nana sa pag-ihi. Kinakailangang magamot kaaagad ang impeksyon bago pa ito magdulot ng komplikasyon.

Mga kaalaman tungkol sa Tulo o Gonorrhea

Ang tulo o gonorrhea ay isang uri sexually transmitted disease o sakit na naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik na nakaaapekto sa parehong babae at lalaki. Ito ay impeksyon ng isang uri ng bacteria sa urethra o daluyan ng ihi, sa rectum o tumbong, at maging sa lalamunan. Sa mga kababaihan, maaari rin itong makaapekto sa cervix o kuwelyo ng ari ng babae. Maaari din itong maipasa ng apektadong ina sa kanyang sanggol na bagong silang kung saan naapektohan naman ang mata ng bata. Ang sakit na ito ay tinatawag na tulo sapagkat kadalasang may nana na tumutulo (purulent discharge) mula sa ari ng lalake o babae na apektado ng sakit na ito.

Ano ang sanhi ng tulo o gonorhrea?

Ang sakit na ito ay dulot ng impeksyon ng bacteria sa Neisseria gonorrhoeae. Naipapasa ang impeksyon na ito sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng pakikipagtalik. Bukod sa impeksyon sa ari ng babae at lalake, maaari din itong makaapekto sa iba pang bahagi ng katawan. Kung magsasagawa ng oral sex, maaring makaapekto ito sa lalamunan, kung anal sex naman makaaapekto ito sa rectum o tumbong. Bukod sa mga ito, maaari din itong makaapekto sa mata ng bagong silang na sanggol kung ang ina ay apektado ng sakit.

Sino ang maaaring magkasakit ng tulo o gonorrhea?

Ang taong mayroong higit sa isa na kapareha sa pakikipagtalik ang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na tulo. Higit ding mataas ang posibilidad sa mga taong nagbabayad ng protitutes para makipagtalik.

Ano ang mga komplikasyon ng sakit na gonorrhea?

Ang pagkakaroon ng gonorrhea ay maaaring makaaepkto sa kakayahan ng babae o lalake na makabuo ng anak. Sa madaling salita, maaari itong maka-baog kung mapapabayaan. Maaari din kumalat ang bacteria sa ibang bahagi ng katawan at magsanhi ng lagnat at pananakit ng mga kasu-kasuan. Mas mataas din ang posibilidad na mahawa ng HIV infection dahil sa sakit na ito. Sa mga sanggol naman na naapektohan ng gonorrhea sa mata ay maaaring mabulag.

 

 

Buko at detergent powder: gamot sa tulo?

Q: Dati po nagkatulo ako, nagamot po yon after 2 weeks po sumakit nanaman at my nanang lumalabas. Uminom po ako ng buko na my halong detergent powder yun po kasi sabi ng kaibgan ko pero kinabukasn po dugo na ng iniihi q ano po b ito? At anong dpat gwin?? Salamat oo.

A: Una sa lahat, hindi gamot at maaaring makasama sa katawan ang pag-inom ng detergent powder. Dapat mo itong itigil na kaagad, dahil posibleng makasama ang detergent (at anumang mang likido o powder na hindi pagkain at hindi din gamot) sa atay, sa bato, at sa iba pang bahagi ng katawan. Sa halip, uminom ka ng maraming tubig o juice.

Ang pagdudugo ay maaaring senyales ng lumalalang impeksyon sa iyong ari, kung kaya’t dapat magamot ka na kaagad ng angkop ng antibiotics. Magpatingin ka sa doktor upang maresetahan ka ng antibiotics para sa tulo at masuri kung ano pang ibang dapat gawin.

Basahin ang artikulong “Ano ang gamot sa tulo ng lalaki” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman.

Makikita ba sa dugo na nagkaroon ka ng tulo?

Q: makikita pa po ba sa dugo na nagkaroon ka ng history ng tulo kahit matagal ka ng magaling..at anu po ang dapat gawin para tuluyang mag negative ka sa std kasi 1yr n po ito nakalipas e

A: Ang tulo (gonorrhea o chylamydia) ay hindi nakikita sa pangkaraniwang blood test; ang ginagamit dito ay pagsusuri ng ihi o nana na lumalabas (yung tulo). Ang mga karaniwang STD na nakikita sa mga pangkaraniwang pagsusuri ng dugo ay ang HIV, syphilis, at Hepatitis B.

Ano ang gamot sa tulo ng lalaki?

Q: Doc, ano po ba ang mabisang gawin para gumaling agad ang tulo ko? At ano po ba ang mga gamot na kailangan kung inumin para gumaling po agad ako? bago lang po kasi to, 5 days na po..

A: Ang tulo ay isang sexually-transmitted disease o sakit na nahahawa dahil sa pakikipag-sex. Ito ay tinatawag na tulo dahil sa sintomas na nana na tumutulo mula sa ari ng lalaki (o babae). Bukod sa tumutulong nana, isa ring karaniwang sintomas ang pagkakaron ng hapdi sa ari kapag umiihi. Bagamat hindi lahat ng tulo ay may ganitong mga sintomas, mahalagang maagapan kaagad ang sakit na ito upang maka-iwas sa mga komplikasyon at hindi makahawa sa iba.

Dalawang mikrobyo ay karaniwang sanhi ng tulo – ang gonorrhea at chlamydia. Ang dalawang ito ay pawang maaaring gamutin ng mga antibiotics. Para sa gonorrhea, na siyaang mas karaniwang sanhi, ang gamot ay isang tableta ng Ciprofloxacin o Levofloxacin. Bagamat ito’y maaring tumalab na sa marami, rekomendado din na uminom ng gamot para sa chlamydia sapagkat ito’y madalas kasama ng gonorrhea. Para naman sa Chlamydia, ang gamot ay Doxycycline o Azithromycin. Ang mga gamot na ito ay nangangailan ng reseta ng doktor at hindi pwedeng basta-basta inumin. Kaya mas maganda paring magpatingin sa doktor para dito – huwag mahiya.

Habang umiinom ng gamot at maging pagkatapos, ugaliing gumamit ng proktesyon gaya ng condom upang makaiwas sa STD. At kung ikaw ay may regular na kapartner sa sex mahalagang siya ay magamot din dahil maaaring siya ay nahawa rin ng sakit na ito.

Pwede ko bang mahawa ng tulo ang girlfriend ko?

Q: May nakatalik kasi ako hindi ko alam may tulo pala yong babae hindi ko nalaman agad kasi wala akong nararamdaman after 2 days nakipagtalik ako sa gf ko tapos mga after 1 week nalaman kona po nagka tulo na ako..Doc posible bang mahawa ang gf ko?

A: Oo, posible syang mahawa. Dapat malaman ng girlfriend mo na may tulo ka at dapat din syang magpatingin at uminom ng gamot para sa tulo. Dapat mo ring iwasang makipagtalik (oral o vaginal sex) sa kanya habang hindi pa gumagaling at natatapos ang gamutan para sa iyong tulo.

Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa gamutan sa tulo, basahin ang artikulong “Tulo: Kaalaman at Gamot” sa Kalusugan.PH.