Mga kaalaman tungkol sa goiter

Ano ang goiter o bosyo?

Ang goiter, o bosyo, ay ang paglaki ng thyroid gland, isang bahagi ng katawan na natatagpuan sa leeg. Ang pangunahing sintomas nito ay ang paglaki o paglobo ng leeg, at ang pagkakaroon ng bukol sa ilalim ng lalamunan, na maaaring nasa kanan, kaliwa, o kaya parehas.

Ano ang sanhi ng goiter o bosyo?

Noong una (at hanggang ngayon, sa maraming bahagi ng mundo), ang karaniwang sanhi ng goiter o bosyo ay ang kakulangan ng iodine, isang kemikal na kailangan ng ‘thyroid’ upang makabuo ng mga ‘hormone’ na mahalaga sa pagpapanatili ng kaayusan sa pagtakbo ng katawan. Ngayon, dahil sa paglaganap ng paglalagay ng iodine bilang sangkap ng mga pagkain, kagaya ng ‘iodized salt’, bihira na ang mga taong nagkakaron ng bosyo dahil sa kakulangan ng iodine, bagamat sa mga liblib na lugar, gaya ng mga kabundukan na malayo sa dagat, posible parin itong maging isang sanhi.

Bukod sa kakulangan ng iodine, ang pagkakaroon ng mga ‘autoimmune disorder’, o mga sakit kung saan nagkakamali ang katawan sa pagtukoy kung ano ang bahagi nito at ano ang hindi, ay isa ring sanhi ng goiter o paglaki ng thyroid. Ang mga sakit na ito ay nakakaapekto sa produksyon ng ‘hormone’ sa thyroid gland. Kung pinaparami nito ang nabubuong ‘hormone’, ang tawag sa karamdaman ay ‘hyperthyroidism’. Kung nababawasan naman ang pagbuo ng ‘hormone’, ang tawag ay ‘hypothyroidism’.