Masama bang mahanginan ang may tigdas hangin?

Q: Masama bang mahanginan ang may tigdas o tigdas hangin?

A: Ang masamang epekto ng ‘hangin’ o ‘nahanginan’ sa katawan ng tao ay isang paniniwala na karaniwan sa ating kultura. Sa kaalamang medikal, walang malakas na ebidensya na nag-uugnay sa pagkakasakit at ‘hangin’ subalit may katotohanan rin naman na kung ang isang tao ay may sakit, magandang iwasan ang anumang matinding init, hangin, lamig, o pagkabasa. Ngunit kung ang pinag-uusapan natin ay hangin na nagmumula sa electric fan, o air-con, wala namang masama dito. Sa katunayan, sino mang may sakit – tigdas, tigdas-hangin, o sinoman – ay dapat maging komportable at maaliwalas ang pakiramdam.

Basahin ang artikulong “Tigdas Hangin” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman.

Paano maka-iwas sa tigdas-hangin o german measles?

Simple lamang ang pag-iwas sa tigdas-hangin: pagpapabakuna laban ito. Para sa mga bata at matanda, madali na lamang ngayong maiwasan ang tigdas-hangin. Magpunta lamang sa inyong doktor o ospital upang magpaturok ng bakuna. Ito’y lalong mahalaga sa mga kababaihang nais magdalang-tao na hindi pa nagkakaro ng tigdas-hangin, sapagkat ang ‘congenital rubella’ ay isang komplikasyon ng pagkakaron ng tigdas-hangin habang buntis na nakaka-apekto sa baby.

Tingnan ang mga rekomendado bakuna sa mga baby.

Tingnan ang sagot sa tanong tungkol sa congenital rubella.

TIGDAS-HANGIN SA KALUSUGAN.PH
Mga kaalaman sa tigdas hangin
Mga sintomas ng tigdas-hangin
Paano malamn kung may tigdas-hangin
Ano ang gamot sa tigdas-hangin?
Paano maka-iwas sa tigdas-hangin?

Paano malaman kung may tigdas-hangin o german measles?

Dahil ang tigdas-hangin ay madaling matukoy base lamang sa itsura ng mga pantal, at sa pagkakasunod-sunod ng mga sintomas, hindi kinakailangan ng pagsusuri o mga laboratoryo upang malaman kung tigdas-hangin ang karamdaman.

Subalit, kung hindi klaro ang kondisyon, maaaring mag-request ang inyong doktor ng blood test kung saan titingnan ang ‘IgG’ at IgM’ antibody, na siyang reaksyon ng ‘immune system’ ng katawan sa virus na may taglay ng tigdas-hangin. Kung may ibang hinihinalang posibleng sanhi ng rashes, gaya ng dengue, maaari ring makatulong ang blood test upang makita ang bilang ng mga platelet, at iba pa.

Ano ang gamot sa tigdas-hangin o german measles?

Walang gamot sa tigdas-hangin o german measles kung hindi ang maghintay na ito ay kusang mawala. Inuulit ko: ang tigdas-hangin ay isang karamdaman na kusang nawawala at hindi kinakailangan ng anumang gamot.

Subalit para sa mga sintomas ng tigdas-hangin, may mga pwedeng inumin na gamot o gawin upang magbigay-ginhawa. Kabilang na dito ang mga sumusunod:

  • 1. Uminom ng Paracetamol o Ibuprofen upang mawala ang lagnat, pananakit, at mabawasan ang pangangati. Huwag magbigay ng Aspirin sa mga bata. Sa pangangati, maaari ring uminom ng antihistamine.
  • 2. Huwag kamutin ang mga pantal, baka ito’y ma-impeksyon pa.
  • 3. Uminom ng maraming tubig, sapagkat kung ang pasyente, lalo na kung bata, ay nilalagnat, mabilis itong maubusan ng tubig sa katawan kaya dapat patuloy ang pag-inom ng tubig at iba pang liquids gaya ng juice.
  • 4. Bawal munang pumasok.
  • Isang linggo kalimitang tumatagal ang tigdas-hangin, at sa panahong ito ay maaaring makahawa ang pasyente, kaya para ikabubuti nya at para maka-iwas tayo sa pagpapalaganap pa ng tigdas-hangin, magpahinga na lang muna sa bahay.

May mga bawal ba sa taong may tigdas-hangin?

Wala naman, bukod sa pag-inom ng aspirin kung bata pa, o sa pagpasok sa school o opisina upang hindi makahawa at para makapahinga. Tandaan: Hindi bawal maligo! Tingnan ang sagot ng Kalusugan.PH tungkol sa tanong kung pwede bang maligo.

Kung hindi parin gumagaling ang sakit sa loob ng isang linggo, magpatingin na sa doktor.

Ano ang sintomas ng tigdas-hangin o german measles?

Ang mga sumusunod ay mga pangunahing sintomas ng tigdas-hangin o german measles. Tandaan na bawat tao, matanda man o bata, may kani-kanyang katawan na iba’t iba ang reaksyon sa sakit, kaya ang mga sintomas ay naka-depende dito.

Rashes o pantal-pantal

Ang ‘rash’ o pantal-pantal ay ang pangunahing sintomas ng tigdas-hangin. Depende sa kulay ng balat, mamula-mula hanggang pink ang kulay ng rash. Ito ay nag-uumpisa muna sa ulo (kalimitan, sa likod ng tenga) at kumakalat pababa, sa dibdib, tiyan, hanggang sa mga kamay at paa.

Mala-trangkasong sintomas

Bukod sa ‘rash’, maaari ring magkaron ng ‘mala-trangkaso’ na sintomas gaya ng lagnat, ubo, at sipon. Ang mga sintomas na ito ay mas madalas mangyari sa mga nakakatanda, kung ikokompara sa mga bata. Bukod dito, ang pagkakaron ng tumutulong ilong (runny nose) o sakit ng ulo (headache) ay maaari ring maramdaman. Panghuli, ang pagkakaron ng mamula-mulang mata.

Mga kulani o lymph nodes

Minsan, kasabay o bago pa man magkaron ng rashes, maaaring magkaron ng mga kulani na namamaga (swollen lymph nodes) sa leeg.

Tigdas Hangin

Ano ang tigdas-hangin?

Tigdas-hangin (Ingles: german measles; medikal: rubella) ay isang karamdaman kung saan nagkakaroon ng pamamantal o rashes sa buong katawan. Di gaya ng tigdas kung saan ang pamamantal ay tumatagal ng 4-9 araw, ang pamamantal sa tigdas-hangin ay panandalian lamang, mula isa hanggang tatlong araw, bagamat ito’y maaari ring tumagal hanggang isang linggo. Bukod sa rashes, ang mga mala-trangkasong sintomas gaya ng ubo, sipon, at lagnat ay maaari ring maramdaman.

Ano ang sanhi ng tigdas-hangin?

Ang paniniwala noong una ay ang tigdas-hangin ay dulot ng hangin (kaya nga ganoon ang pinangalan sa karamdamang ito). Sa isang banda, may katotohanan ang paniniwala ng mga matatanda sapagkat ang tigdas-hangin, gaya ng tigdas, ay nakukuha sa paglanghap ng hangin na may taglay na virus. Ang virus na ito, tinatawag na Rubella virus, ay dinadala sa hangin ng mga taong mayroon ding tigdas-hangin.

Paano nahahawa ng tigdas-hangin?

Gaya ng nabanggit, ang paglanghap ng hangin na may taglay ng virus ay ang paraan para mahawa ng tigdas-hangin. Kung ang isang taong may tigdas-hangin ay umubo, humatsing, o nagsalita, kung nalanghap mo ang hangin mula sa kanya, pwede kang mahawa.

Gaanong katagal bago lumabas ang sintomas?

Mula sa pagkalanghap ng virus hanggang sa paglabas ng mga rashes, tinatayang lilipas ang ‘incubation period’ na 2 hanggang 3 linggo.