Upang maiwasan ang pagkakaroon ng GERD o ang dalas ng pagkakaranas ng mga sintomas nito gaya ng heartburn, makatutulong ang ilang mga pagbabago sa mga nakasanayang gawain. Maaaring makatulong kung susundin ang mga sumusunod na hakbang:
- Pagpapanatili ng tamang timbang. Ang sobrang taba ng katawan lalo na sa bahagi ng tiyan ay maaaring makapagpasikip at makapisil sa sikmura na maaaring humantong sa pag-agos ng laman ng sikmura pabalik sa esophagus. Dahil dito, inirerekomenda ng mga doktor ang regular na pag-eehersisyo at pagkain ng balanse.
- Iwasan ang pagsuot ng masisikip na damit. Ang masisikip na damit ay maaaring magdulot din ng pagkakapisil sa sikmura at pag-agos ng laman nito pabalik sa esophagus.
- Iwasan ang mga pagkain at inumin na maaaring makapagpasimula ng acid reflux. Ang mga pagkain na kadalasang nagpapasimula ng acid reflux o ang pag-agos pabalik ng mga asido ng sikmura ay matatabang pagkain, alak, sibuyas, at kape.
- Iwasan ang sobrang pagkain. Kumain lamang ng tama at sapat upang hindi mapuno ng husto ang tiyan.
- Iwasan ang pag-higa pagkatapos kumain. Maaaring umagos pabalik sa esophagus ang mga kinain kung ang posisyon ng ulo ay mas mababa sa tiyan. Ito ay madalas na nararanasan sa nakahigang posisyon.
- Iwasan ang paninigarilyo. Sinasabing ang paninigarilyo ay nakaka-kontribyut sa pagpalya ng lower esophageal sphincter.