Paano makaiwas sa Genital Warts o Kulugo?

Ang pinakaepektibong paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng kulugo sa ari ay ang pagpapaturok ng bakuna laban sa HPV. Ang bakunang Gardasil ay nakakatulong makaiwas sa ilang uri ng kulugo na dulot ng human papillomavirus. Makatutulong din ang bakunang ito sa HPV na nagdudulot ng Cervical Cancer. Nirerekomenda na mabigyan ng bakuna ang babae at lalake sa edad na 11 o 12 o bago magsimulang maging aktibo sa pakikipagtalik.

Bukod sa bakuna, epektibo din ang paraan ng “safe sex practices” o ang pakikipagtalik na gumagamit ng condom. Mas makabubuti rin kung mananatiling isa lang ang kapareha.

Ano ang gamot sa Genital Warts o Kulugo?

Kung ang kulugo ay walang idinudulot na kahit na anong pakiramdam, maaaring hindi na ito pakialaman, ngunit kung ito ay nagdudulot ng sintomas gaya ng pangangati, pagdurugo, o pananakit, nararapat lang na ito ay isailalim sa gamutan. Ang pagtanggal sa kulugo  ay maaaring sa paraang pinapahid na gamot gaya ng imiquimod, podophyllin and podofilox, at trichloroacetic acid. Ang mga gamot na ito ay dapat isagawa lamang ng eksperto sapagkat may side effects na maaaring makasama o makairita sa balat sa paligid ng kulugo.

Bukod sa gamot na pinapahid, maaari din tanggalin ang kulugo sa pamamagitan ng ilang procedure. Maaari itong palamigin at patigasin gamit ang liquid nitrogen sa pamamagitan ng cryotherapy. Pwede din itong sunugin sa pamamagitan ng kuyente o electrocautery, o kaya naman ay sunugin gamit ang laser. Puwede rin itong tanggalin sa pamamagitan ng simpleng operasyon.

Paano malaman kung may genital warts o Kulugo?

Ang pagkakaroon ng kulugo sa ari ay hindi madaling mapansin kung kaya’t nilalagyan ng acetic solution ang bahaging may umbok upang mamuti ang hinihinalaang kulugo. Matutukoy ng doktor ang kulugo gamit ang ilang lente na pang-silip. Sa mga kababaihan, nagsasagawa ng ilang eksaminasyon upang masilip ang loob na bahagi ng ari; ginagamitan ito ng speculum upang buksan at hawakan ang puwerta. Matapos ang pagsilip, kumukuha ng maliit na sample mula sa bahagi ng kulugo at susuriin sa laboratoryo kung positibo sa pagiging cancer. Mahalagang matukoy agad ang pagkakaroon ng kulugo sa ari lalo na sa mga kababaihan sapagkat may panganib na humantong ito sa sa cervical cancer.

Ano ang mga sintomas ng Genital Warts o Kulugo?

Ang mga tumutubong kulugo sa ari ang pangunahing sintomas ng sakit na ito. Sa mga kababaihan, ang kulugo ay maaaring tumubo sa puwerta (vagina), sa kuwelyo ng ari (cervix), at maging sa bungad ng ari. Sa lalaki naman, tumutubo ang kulugo sa ulo, sa katawan ng ari, o kaya naman ay sa bayag. Maaari din tumubo ang mga kulugo sa paligid o mismong butas ng puwit. Bukod pa dito, may posibilidad din na tumubo ang mga kulugo sa bibig at sa lalamunan. Ang kulugo ay maaaring maliliit na umbok at maaaring kulay abo o kulay laman. Puwede din itong bilugan o patag na maaaring tumubo na kumpol-kumpol. Kadalasan ay nakakaranas ng pangangati o kaya’y hindi kumportableng pakiramdam sa bahaging tinubuan ng kulugo. Higit sa lahat, may posibilidad din na duguin ang ari tuwing nakikipagtalik.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Maaaring magpatingin sa doktor kung ikaw o ang iyong kapareha ay tinubuan ng kulugo sa ari. Agad magpakonsulta at humingi ng payo para sa gamutan.

Mga kaalaman tungkol sa Genital Warts o Kulugo

Ang genital warts o kulugo sa ari ay isang karaniwang uri ng sexually transmitted disease (STD) na dulot ng ilang uri ng human papillomavirus (HPV). Ang kulugo ay maaaring maliit lang o kaya naman ay kasing laki ng butil ng mais o higit pa. Dahil ito nga ay isang uri ng STD, ito ay maaaring makahawa sa pamamagitan ng makikipagtalik at nakaaapekto sa ari ng babae o lalaki. Ngunit bukod sa ari, ang kulugo ay maaari ring tumubo rectum o tumbong, o sa lalamunan sa pamamagitan ng anal o oral sex.

Ano ang sanhi ng genital warts?

Ang ilang uri ng HPV o human papillomavirus ang nakapagdudulot ng kulugo sa ari at nakukuha naman sa pakikipagtalik. Minsan, kayang malabanan ng immune system ang impeksyon ng HPV ngunit kung mabibigo ito, tumutubo ang kulugo.

Sino ang maaaring magkasakit ng genital warts?

Ang mga taon aktibo sa pakikipagtalik, lalo na yung may mga high risk behavior gaya ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki o mga prostitutes ang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakaroon ng genital warts. Ang mga kabataang nasa edad 15-25 na sinasabing pinakaaktibo sa pakikipagtalik ang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakaroon ng kulugo sa ari.

Ano ang maaaring komplikasyon ng genital warts?

Kung ang kulugo sa ari ay mapapabayaan at hindi magagamot, may posibilidad na magkaroon ng komplikasyon na makasasama sa kalusugan. Maari itong humatong sa kanser0. Sa kababaihan, ang pagkakaroon ng cervical cancer ay sinasabing dulot ng komplikasyon ng genital warts. Sa mga nagbubuntis naman, maaaring mahirapan sa panganganak o kaya’y makaapekto sa isisilang sa sanggol.

 

Kulugo sa Ari: Isang Uri ng STD

Human Papillomavirus (HPV)—Mahigit isang daang uri ng HPV ang nasa mundo at ito ang sanhi ng karaniwang kulugo sa katawan. Karamihan ng uri ng HPV ay hindi nakakasama sa katawan. Kusa silang nawawala at nakikita bilang butlig sa balat, kahit sa bata man o matanda.

Tinatayang limampung porsyento (50%) ng mga taong aktibo sa pakikipagtalik ay maaring magkaroon ng HPV infection. Isa ang HPV sa pinaka laganap na STD sa buong mundo. May ilang uri ng HPV na sanhi ng kulugo o kakaibang pagtubo sa ari, puwit, o bibig. Ito ang tinatawag na low-risktype na HPV. Ang ibig sabihin ng low-risk type ay hindi gaanong malaki ang naka ambang panganib sa isang taong may ganitong HPV.  Kalimitan, kusang nawawala ag mga kulugong sanhi ng low-risk HPV. Depensa ng katawan ang siyang pangunahing panlaban sa ganitong klase ng impeksyon. May tinatawag ring high-risk type na HPV. Ibig sabihin nito, mas malaki ang panganib  na nakaamba sa mga taong may ganitong uri ng HPV infection. Ang mga high-risk type HPV ay maaring humantong sa iba’t ibang klase ng kanser gaya ng kanser sa kwelyo ng matris (cervical cancer), kanser sa ari (sa babae: vulvar cancer; sa lalaki: penile cancer), kanser sa puwitan (anal cancer), at kanser sa ulo, lalamunan, leeg, o bibig.

Paano nakukuha ang HPV?

Dahil sa ito’y isang STD, isang paraan upang mahawa ng HPV ay sa pamamagitan ng pagtatalik. Maaari ring makuha ito, ngunit di kadalasan, sa pamamagitan ng oral sex, anal sex, at sa kontak ngbody fluids o katas ng katawan gaya ng similya. Lahat ng tao ay may tyansang makakuha ng HPV infection lalo na kung mapusok ang kanilang pamumuhay at papalit-palit ng partner. Ngunit minsan, maaari ring magka HPV ang taong isang beses pa lamang nakipagtalik kung ang kanyang partner ay may HPV infection. Isang pagkakataon o tyansa lamang ang kailangan upang mahawa ng naturang sakit. Ang mga batang kakikitaan ng kulugo sa ari o puwitan ay kailangang suriin dahil sila ay maaaring biktima ng pangaabuso.