Paano makaiwas sa pagkakaroon ng bato sa apdo?

Maaaring makaiwas sa pagkakaroon ng bato sa apdo sa pamamagitan ng ilang mga hakbang gaya ng sumusunod:

  • Huwag magpapalipas ng gutom. Mas tumataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga bato sa apdo kung magpapalipas ng gutom. Kung kaya mas mainam na kumain pa rin ng tatlong beses sa isang araw
  • Huwag magbabawas ng timbang na mabilis. Iwasan ang pagbabawas ng timbang ng mabilis sapagkat tumataas din ang posibilidad na mabuo ang mga bato. Kontrolin ang pagbabawas ng timbang bawasan din ang pag-inom ng mga gamot na pampapayat.
  • Panatilihin ang tamang timbang. Ang pag-iwas sa sobrang timbang ay makatutulong sa pagpapababa ng panganib ng pagkakaroon ng bato sa apdo. Ang regular na pag-eehersisyo at pagkontrol sa mga kinakain ang mga pinakamainam na paraan para manatiling tama ang timbang.

Ano ang gamot sa bato sa apdo o gallstones?

Ang paggagamot sa pagkakaroon ng bato sa apdo ay maaaring hindi gamutin kung wala naman itong dinudulot na anumang sintomas na makaaapekto sa pang-araw-araw na gawain. Bagaman maaaring payuhan ng doktor na maging alerto sa mga posibleng pagsisimula ng mga sintomas sa mga darating na panahon.

Gayunpaman, sa oras na magsimula nang maramdamang ang mga pananakit dahil sa pagbabara o impeksyon na dulot ng mga namuong bato sa apdo, makabubuting agad na lumapit sa doktor upang magpagamot. Ang mga posibleng paggagamot sa ganitong kondisyon ay ang sumusunod:

  • Operasyon. Ang pagtatanggal sa mga nakabarang bato at sa mismong apdo ay bahagi ng cholecystectomy o ang operasyon para gamutin ang mga kaso ng pamumuo ng bato sa apdo. Ito ang pangunahing lunas para sa ganitong karamdaman. Ang pagtatanggal sa apdo ay ay hindi makaaapekto sa normal na paggana ng katawan at sa pagtunaw ng mga pagkain.
  • Pag-inom ng gamot. Maaaring resetahan ng gamot ang pasyenteng nakararanas ng mga sintomas upang matunaw ang mga namuong bato. Ang paggagamot na ito ay kadalasang nagtatagal ng ilang buwan hanggang ilang taon.

Paano malaman kung may bato sa apdo?

Natutukoy ang pagkakaroon ng bato sa apdo sa pamamagitan ng ilang mga paraan gaya ng mga sumusunod:

  • Mga imaging tests sa tiyan. Maaaring matukoy ang pagkakaroon ng bato sa apdo sa pamamagitan ng ilang imaging tests gaya ng X-ray, CT Scan o kaya Ultrasound. Ang pagsilip sa tiyan gamit ang mga nabanggit na pamamaraan ay ang mga pangunahing paraas para ma-diagnose ang pagkakaroon ng bato sa apdo. Maaari din nitong matukoy ang mga posibleng pagbabata sa mga daluyan ng bile na kadalasang nagsasanhi ng impeksyon at pananakit.
  • Paggamit ng iba pang paraan para masilip ang posibleng pagbabara ng bato. Gumagamit din ng hepatobiliary iminodiacetic acid (HIDA) scan, magnetic resonance imaging (MRI) at endoscopic retrograde cholangiopancreatography (ERCP) para matukoy ang posibleng pagbabara.
  • Pagsusuri sa dugo. Ang mga komplikasyon na dulot ng pagbabara sa mga daluyan at pagkakaroon ng mga bato sa apdo ay maaaring makita sa pamamagitan ng mga pagsusuri sa dugo. Maaaring makita dito ang mga impeksyon sa atay, sa mga daluyan, sa lapay o pancreas.

 

Ano ang mga sintomas ng pagkakaroon ng bato sa apdo?

Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagpapakita ng mga senyales o makararanas ng mga sintomas ang mga taong mayroong bato sa apdo. Nararanasan laman ang mga sintomas sa oras na bumara ang mga bato sa mga daluyan ng likido sa tiyan. Ang mga sintomas na maaring maranasan dahil dito ay ang sumusunod:

  • Pabugso-bugsong pananakit ng sikmura na tumitindi at gumagapang patungo sa itaas na kanang bahagi ng tiyan
  • Pabugso-bugsong pananakit ng sikmura na tumitindi at gumagapang patungo sa ibaba ng dibdib
  • Pananakit ng likod sa pagitan ng mga balikat
  • Pananakit ng kanang balikat

Ang mga pananakit na mararanasan ay dahil sa pagkakaroon ng bato sa apdo ay maaaring magtagal ng ilang minuto hanggang ilang oras.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Agad na magpatingin sa doktor sa oras na maranasan ang mga sintomas na nabanggit at nagdudulot ng hindi komportableng pakiramdam o nakagagambala na sa pang-araw-araw na gawain. Lalong kailangan mapgpatingin kung nagkaroon na rin ng lagnat, at naninilaw ang balat at mata, sapagkat ito ay maaaring simula na ng impeksyon sa atay at mga daluyan ng mga likido sa tiyan.

Mga kaalaman tungkol sa bato sa apdo o gallstones

Ang sakit na bato sa apdo o gallstones ay ang kondisyon ng pamumuo o paninigas ng mga likidong pantunaw ng mga kinain na naiipon o bumabara sa apdo o gall bladder. Ang apdo o gall bladder ay ang maliit na organ na hugis peras na makikita sa kanang bahagi ng tiyan sa ilalim ng atay. Ito ang nagsisilbing imbakan ng bile juice, isang likidong tumutulong sa pagtunaw ng pagkain, na nagmumula naman sa atay. Ang bato sa apdo ay maaaring kasing liit ng mga butil ng buhangin o kaya ay kasing laki ng bola ng golf. Maaari ding mabuo ang higit sa isang bato sa loob ng apdo. Ang malalalang kaso ng pagbabara nito ay maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon na mangangailangan ng pagtatanggal ng apdo, ngunit minsan, maaari ding walang kahit na anong sintomas ang maranasan sa pagkakaroon nito.

Ano ang sanhi ng pagkakaroon ng bato sa apdo o gallstones?

Walang malinaw na sagot sa tanong kung bakit nabubuo ang bato sa apdo, ngunit ang paliwanag ng ilang eksperto, ang pamumuo raw ng mga bato ay maaaring dahil sa mga sumusunod:

  • Sobrang cholesterol sa bile. Ang nilalabas na bile ng atay na napupunta sa apdo ay natural na mayroong kasamang cholesterol. Ngunit sa ilang pagkakataon, masyadong mataas ang lebel ng cholesterol. At dahil dito, nahihirapan ang bile na tunawin ang lahat ng cholesterol. Kaya naman, ang mga cholesterol na hindi natunaw ay namumuo at tumitigas bilang bato.
  • Sobrang bilirubin sa bile. Ang biliribin na isa ring kemikal na nilalabas ng atay ay maaari ding sanhi ng pagkakaroon ng bato sa apdo. Tumataas ang produksyon ng bilirubin sa pagkakaroon ng pagkasira ng atay o cirrhosis, at ilang mga impeksyon sa atay. Ang sobrang bilirubin ay nakapagpapataas din ng posibilidad ng pagkakaroon ng bato sa apdo.
  • Hindi makalabas ang bile mula sa apdo. Kung sakaling hindi makalabas ng maayos ang bile mula sa apdo, may posibilidad din na mamuo ito at maging bato sa apdo.

Sino ang maaaring magkaroon ng bato sa apdo?

May ilang salik na nakapagpapataas sa posibilidad ng pagkakaroon ng bato sa apdo, gaya ng kasarian, edad, lahing pinagmulan, at mga kondisyon na nararanasan sa katawan. Ang ilan dito ay ang sumusunod:

  • Pagiging babae
  • Edad na 60 pataas
  • Lahing Indian-American, o Mexican-American
  • Sobra ang timbang o obese
  • Pagiging buntis
  • Pagkain ng mga matataba at ma-cholesterol
  • Kakulangan ng fiber sa pagkain
  • Kasaysayan ng pagkakaroon ng bato sa apdo sa pamilya
  • Pagkakaroon ng sakit na diabetes
  • Mabilis na pagbawas ng timbang
  • Pag-inom ng mga gamot na pampapayat

Ano ang mga komplikasyon ng bato sa apdo?

Ang pagkakaroon ng bato sa apdo, lalo na kung mapapabayaan, ay maaaring magdulot ng pamamaga ng apdo na magdudulot naman ng matinging pananakit sa sikmura. Ito rin ay maaaring magdulot ng pababara sa daluyan ng bile at pancreatic juice na maaari naman magdulot ng mga impeksyon sa mga nasabing bahagi ng katawan. Bukod pa rito, posible rin na humantong sa pagkakaroon ng kanser sa apdo kung sakaling hindi maalis ang bumabarang bato dito.