Oktubre 11, 2012 – Dahil sa kontaminadong gamot sa kirot na itinuturok sa likod, mahigit 137 katao (at tumataas pa ang dami) ang kompirmadong nagkaroon ng sakit na tinatawag na ‘fungal meningitis’, pamamaga ng mga gilid-gilid ng utak at ng ‘spinal cord’ na sanhi ng ‘fungi’, isang pamilya ng mga organismo na kabilang rin ang mga amag at mga kabute. Sa 137 na ito, 12 ang namatay dahil sa sakit na ito.
Ayon sa Centers for Disease Control (CDC) ng Estados Unidos, ang mga apektado ng sakit na ito ay kalat sa iba’t ibang mga estado sa Amerika – Florida, Indiana, Maryland, Michigan, Minnesota, North Carolina, Ohio, Tennessee at Virginia.
Napag-alaman narin ang gumawa ng panturok na gamot na kontaminado ng fungus ay ang New England Compounding Center (NECC). Ang gamot na kontaminado ay methylprednisolone acetate, isang uri ng steroid na gamot sa kirot sa likod o ‘back pain’.
Ang mga sintomas ng ‘meningitis’ ay: lagnat, sakit ng ulo, ‘stiff neck’, pagsusuka, hilo, pangangalos, at marami pang iba. Ang ‘fungal meningitis’ ay isang sakit na bihirang-bihira; ito’y hindi basta basta nakukuha, maliban na lamang kung may insidente gaya nito na ang mga fungus na napasama sa gamot.