Mga senyales ng food poisoning

Ang food poisoning ay nararanasan kung sakaling ang pagkaing nakain ay kontaminado ng nakalalasong kemikal o mga mikrobyong may dalang sakit. Sa oras na makapasok sa sistema ang lasong humalo sa pagkain, tiyak na manghihina ang katawan at makakaranas ng ilang mga sintomas.

Mga karaniwang sensyales at sintomas ng Food Poisoning

Ang mga sintomas na maaaring maranasan ay dapende sa uri ng lason o mikrobyo na humalo sa pagkain, ngunit ang mga pinakakaraniwang senyales na maaaring maranasan ay ang sumusunod:

  • Pananakit ng sikmura
  • Pagtatae
  • Pagsusuka
  • Katamtamang lagnat
  • Panghihina ng mga kalamnan
  • Pagliliyo
  • Pananakit ng ulo

Mga senyales ng matinding pagkakalason sa pagkain

Bukod pa sa mga senyales na naunang nabanggit sa pagkakaranas ng karaniwang food poisoning, maaaring pang dumanas ng mas seryosong mga sintomas kung skaling matindi ang pagkakalasong naranasan. Ang mga ganitong kaso ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay kung mapapabayaan kung kaya’t ito ay tinuturing na emergency o nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

  • Patuloy na pagtatae sa loob ng 3 araw
  • Pagkakaroon ng mataas na lagnat
  • Matinding pagka-uhaw at panunuyo ng bibig
  • Hirap sa pag-ihi

Ano ang dapat gawin kung makaranas ng food poisoning?

Mahalaga na agad na madala sa pinakamalapit na pagamutan ang taong dumaranas ng pagkakalason sa pagkain. Dapat tandaan na ang pagkakaligtas mula sa pagkakalason ay nakasalalay sa kung gaano kabilis ang pagbibigay ng karampatang lunas para sa nararanasang kondisyon.

Sakit na Nakukuha sa Pagkain (Food Borne Disease)

Ang food borne diseases ay tumutukoy sa klasipikasyon ng mga sakit na nakukuha mula sa pagkain. Ito ay binubuo ng mga sakit na dulot ng kontaminasyon ng mga mikrobyo, parasitiko, o kaya’y pagkakahalo ng kemikal o nakalalasong substansya na maaaring makasama sa kalusugan ng tao.

Ang mga pangunahing sintomas na maaaring maranasan kaugnay ng mga sakit na nakuha sa pagkain ay matinding pagtatae at pagsusuka. Ngunit sa kalaunan, maaari itong kumalat sa katawan at magdulot ng mas nakapipinsalang epekto sa ilang mahahalagang bahagi ng katawan gaya ng utak, atay, at puso.

2074748w

Mga pangunahing sanhi ng sakit na nakukuha sa pagkain

1. Bacteria

  • Salmonella, Campylobacter, at Enterohaemorrhagic Escherichia coli. Ang grupo ng bacteria na ito ang pangunahing sanhi ng mga sakit na nakukuha mula sa pagkain. Nakaaapekto ito sa milyon-milyong indibidwal sa buong mundo at nagdudulot ng lagnat, pananakit ng ulo, pagtatae, pananakit ng tiyan at pagsusuka. Minsan pa, nagdudulot din ito ng pagkaubos ng tubig sa katawan (dehydration), at maging kamatayan. Karaniwang nakukuha ang mga ito pagkain na hindi naluto nang husto, maduming tubig, at kontaminadong gulay at prutas.
  • Listeria. Ang listeria ay nakaaapekto naman sa ipinagbubuntis na sanggol o sa bagong silang na sanggol. Isa ito sa mga dahilan ng hindi inaasahang pagkalaglag ng batang ipinagbubuntis o agad na pagkamatay ng bagong silang na sanggol. Nakukuha ito sa mga produktong gatas na hindi napakuluan nang maayos.
  • Vibrio cholerae. Ito naman ang nagdudulot ng sakit na cholera na may sintomas ng pagsusuka at pagtatae na maaaring humantong sa pagkawala ng tubig sa katawan at kamatayan. Ito ay nakukuha sa maduming suplay ng tubig at pagkain.

2. Virus

  • Norovirus. Nagdudulot ng pagsusuka, pagtatae, at matinding pananakit ng sikmura ang impeksyon ng norovirus na nakukuha sa mga kontaminadong pagkain.
  • Hepatitis A Virus. Nakaaapekto naman sa kalusugan ng atay ang impeksyon ng Hepa A virus na nakukuha din sa kontaminadong pagkain.

3. Parasitiko

  • May ilang uri ng maliliit na parasitiko na maaaring makuha lamang sa pagkain. Kabilang dito ang ilang mga bulate  gaya ng Ascaris at maliliit na organismo gaya ng Entamoeba histolytica, at Giardia. Ang mga ito ay karaniwang nakukuha sa hindi lutong pagkain.

4. Prions

  • Ang prions ay uri ng protina na maaaring makaapekto sa sistema ng katawan kung makakain. Kabilang sa mga sakit na may kaugnayan sa prions ay ang Mad Cow Disease at Creutzfeldt-Jakob Disease

Nakalalasong Kemikal at mga Substansya

Bukod sa mga maliliit na organismo na nakapagdudulot ng sakit sa katawan, maaari ding makaapekto sa kalusugan ang kontaminasyon ng ilang mga kemikal at substansya sa pagkain at inumin.

  • Natural na lason. May mga kabute, amag, lumot sa tubig at iba pang mga substanysa ang tiyak na makasasama sa kalusugan kung sakaling maihalo sa pagkain. Kabilang din dito pagkakalason ng red tide sa mga tahong at talaba.
  • Persistent Organic Pollutants (POP). Ang mga substansyang humahalo sa kapaligiran at mga pagkain na sumailalim sa mga ilang mga proseso (halimbawa ay ang pagpepreserba ng mga pagkain) ay maaari ding makasama sa kalusugan sa paglipas ng panahon. Ang pag-ipon nito sa kapaligiran at katawan ng tao ay isa sa mga tintuturong dahil ng paghina ng resistensya, at pagkakaroon ng kanser sa katawan.
  • Heavy metals. Ang kontaminasyon ng heavy metals gaya ng lead, cadmium, at mercury sa pagkain at inumin ay tiyak din na makasasama sa kalusugan ng tao. Ito’y maaaring makuha sa polusyon sa tubig, hangin, at maging sa lupang pinagtataniman ng mga gulay na kinakain.

Kaalaman tungkol sa Lason ng Red Tide

Ang lason ng red tide ay nakukuha mula sa pagkain ng mga apektadong tahong, talaba, tulya, halaan, at iba pang laman dagat na nasa kabibe o shell. Ang pagkakalasong ito ay nagdudulot ng panganib sa buhay na  maaaring maranasan sa loob lamang ng 12 oras mula sa pagkakakain ng kontaminadong lamang-dagat. Ang pagdami ng organismong nagdudulot ng red tide ay nagaganap sa maraming lugar sa mundo kabilang na ang Pilipinas.

talaba

Ano ang sanhi ng pagkakalason ng red tide?

Nagmumula ang lason ng red tide sa maliliit na organismo na naninirahan sa katubigan, na kung tawagin ay dinoflagellates, na siya namang nakakain ng mga shellfish. Kapag nakain ng tao ang apektadong tahong, talaba, tulya at iba pang uri ng shellfish, maaaring maipasa ang lason at magdulot ng mga sintomas sa tao.

Ano ang mga sintomas at senyales ng pagkakalason ng red tide?

Kung sakaling makakain ng tahong na apektado ng red tide at makapasok sa katawan ang lason, maaring dumanas ng ilang mga sintomas na pangunahing nakaaapekto sa nervous system ng katawan. Kabilang sa mga maaaring maramdaman ang sumusunod:

  • Pamamanhid sa paligid ng bibig at mukha
  • Pagkahilo
  • Pakiramdam na pagkaparalisa sa kamay at paa
  • Panghihina ng katawan
  • Pagbilis ng pulso
  • Hirap sa pagsasalita, paghinga at paglunok
  • Pananakit ng ulo
  • Pagsusuka
  • Pagtatae
  • Pananakit ng sikmura

Ang mga sintomas na nabanggit ay mabilis mararamadanam na maaaring maranasan sa loob lamang ng 12 oras mula nang makakain ng apektadong lamang-dagat.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang pagkakalason ng red tide ay itinuturing na medikal emergency o nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Sa oras na maramdaman ang mga sintomas na nabanggit, agad magtungo sa doktor lalo na kung kakatapos lamang kumain ng laman-dagat.

Ano ang gamot sa lason ng red tide?

Ang paggagamot sa nalason ng red tide ay binubuo ng suporta sa panghihina ng pangangatawan at pagtatanggal ng lason sa katawan.

  • Dahil maaaring hirap sa paghinga ang taong nalason ng red tide, maaaring bigyan ng suporta sa paghinga ang pasyente.
  • Kinakailangan din ang agarang pagtatanggal sa lason ng red tide sa pamamagitan ng pagpapainom ng sabaw ng buko at pulang asukal.
  • Maaari pang bigyan ng ilan pang mga gamot na tutulong para maibsan ang mga sintomas na nararanasan gaya ng pagkahilo, pagsusuka at pananakit ng sikmura.

Paano makaiwas sa lason ng red tide?

Laging maging alisto lalo na kung mayroong babala ng red tide sa isang lugar. Kung sakaling mayroong babala ng red tide, maaaaring gawin ang mga sumusunod:

  • Umiwas sa pagkain ng mga tahong, talaba, halaan at iba pang mga shellfish. Umiwas din sa pagkain ng mga maliliit na hipon at maliliit na isda.
  • Hugasang mabuti ang mga pagkaing lamang-dagat gaya ng isda, alimango, at pusit. Tanggalin ang lamang loob, at hasang ng mga ito.
  • Tanggalin din ang ulo ng mga hipon.

 

 

Botcha o Double Dead Meat, ano ang mga dapat mong malaman?

Double dead meat o botcha ang tawag ng mga Plipino sa karne ng hayop (maaaring manok, baka, o baboy) na nauna nang namatay dahil sa karamdaman o sakit, ngunit kinatay pa rin para ibenta sa pamilihan. Ito ay delikado at maaaring magsanhi ng ilang karamdaman kung makakain.

Sa Maynila, ang mga lugar na kadalsang binabagsakan ng mga karneng botcha ay sa Balintawak Market, Divisoria, at Pasay Market. Maging alisto at maagap kung mamimili ng karne sa mga lugar na nabanggit.

pork

Paano malalaman kung double dead ang karneng binebenta?

Maaaring tukuyin kung ang karneng binebenta sa pamilihan ay double dead sa pamamagitan ng mga sumusunod:

1. Maputla ang kulay ng karne. Ang karneng naunang namatay dahil sa sakit ay agad na mapapansin sa kulay pa lang nito. Kadalasan ito’y mas maputla kung ikukumpara sa ibang karne na sariwa. Bukod pa rito, maaari ring makitaan ng mala-berde o mala-abong kulay ang karne, at kung matagal na itong patay, maaaring nangingitim pa ang kulay ng karne.

2. May mabahong amoy. Isa ring paraan para madaling matukoy kung ang karne ay double dead ay ang pagkakaroon nito ng mabahong amoy. Dahil ito sa mga bacteria na naunang pumasok sa katawan ng namatay na hayop bago pa katayin.

3. Malamig at matigas dahil sa yelo. Dahil nga sa mga hindi kanaisnais na katangian ng karneng botcha, kadalsang pinapatigas ito sa yelo para hindi agad mapansin. Pagdudahan na kaagad ang karne kung sa unang hawak ay malamig ito na tila nanggaling sa freezer.

4. Hindi nilinis ang balat. Mapapansin din na ang balahibo o buhok ng karne ay nakadikit pa rin sa balat. Ito’y sapagkat hindi madaling maaalis ang balahibo ng mga hayop na naunang namatay bago pa katayin kaya’t kadalasan ay hindi na ito nalilinis.

5. Mas mababa ang presyo. Ang mga karneng double dead hindi madaling nabibili kaya naman bagsak ang presyo nito sa mga pamilihan.

Ano ang maaaring epekto sa kalusugan ng pagkain ng double dead na karne?

Babala ng Department of Health, ang double dead na karne o botcha ay maaaring magdulot ng sakit kung makakain. Dahil ito sa mga bacteria at iba pang mga mikrobyo na kaagad na pumapasok sa katawan at karne ng hayop sa oras na mamatay ito. Narito ang ilang mga sakit na maaaring maranasan sa pagkain ng karneng double dead:

  • Food poisoning
  • Pagtatae
  • Pagkamatay

Ano ang mga katangian ng sariwang karne?

Upang makasiguro na ligtas ang karneng bibilhin, dapat ding malaman ang mga katangian ng sariwang karne. Narito ang mga pamantayan para sa pagbili ng ligtas na karne:

  • Mamula-mula ang kulay ng karne.
  • Walang masangsang na amoy
  • Malambot at hindi pinatigas sa freezer
  • Malinis at wala nang nakadikit na mga balahibo o buhok
  • Ang presyo ay naaayon sa itinakda ng DTI

Parusa sa mga mahuhuling magbebenta ng double dead na karne

Kaagad na i-report sa kinauukulan kung makakakita ang karneng botcha na binebenta pa rin sa mga pamilihan. Maaaring makulong ng 5 taon ang taong mahuhuli na nagbebenta ipinagbabawal na karne bukod pa sa multa na P5,000 hanggang P10,000 bilang paglabag sa Consumer Act of the Philippines.

Paano makaiwas sa cholera?

Gaya ng iba pang sakit na nakukuha sa mga pagkain at inumin, malaking kabawasan sa posibilidad ng pagkakaroon ng cholera kung makatitiyak na malinis ang pinagmumulan ng pagkain at inumin. Gayun din ang mga paraan na pagpapanatiling malinis sa katawan. Narito ang ilang hakbang para makaiwas sa sakit na cholera:

  • Tiyaking malinis ang pagkain at inumin. Makabubuti kung ang tubig na pinagmumulan ng inumin at panghalo sa mga pagkain ay ligtas at malaya mula sa kontaminasyon ng dumi ng tao. Huwag din basta-bastang iinom sa tubig na galing sa gripo hanggat hindi ito nasasala at napapakuluan.
  • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay. Tiyaking husto at wasto ang paghuhugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng palikuran.
  • Tiyaking naluto ng tama ang pagkain. Hanggat maaari, kainin lamang ang pagkain na bagong luto at naluto ng husto.
  • Magpabakuna laban sa cholera. Sa ngayon, mayroon nang bakuna para sa sakit na cholera. Ito ang Shanchol at mORC-VAX na tumatagal nang hanggang 2 taon. Uminom nito lalo na kung mapapadpad sa mga lugar na napapabalitaang may kaso ng cholera.

Ano ang gamot sa Cholera?

Upang maiwasan ang dehydration na dulot ng pagkakaroon ng Cholera, agad dapat na mapalitan ang nawawalang tubig sa katawan. Maaring bigyan ng inumin na may ORS (oral rehydration salts), gatorade at iba pang inumin na makakatulong pabalikin ang nawalang electrolytes sa katawan bilang paunang lunas. Ang patuloy na pagdudumi at pagsusuka ay nangangahulugan lamang ng masmatinding pangangailangan ng karagdagang tubig sa katawan. Matapos ang tuloy-tuloy na pag-inom, binibigyan ng antibiotics ang pasyente upang mapatay ang mga bacteria na nasa tiyan. Sa mga malalalang kaso, binibigyan ng tetracycline, doxycycline, furazoledone,, erthromycin at cyprofloxacin. Ang mga gamot na ito ay maaaring iniinom o kaya naman ay tinuturok.

 

Paano malaman kung may sakit na cholera?

Ang pagkakaroon ng impeksyon ng cholera ay madaling natutukoy sa pag-oobserba sa duming inilalabas. Kung ito ay sobrang matubig na tila hugas-bigas ang kulay, at may naiipon na malaulap na kulay sa dumi, maaaring ito ay cholera. Upang makasiguro, tinitignan pa rin sa ilalim ng microscope ang sample na nakuha mula sa dumi. Kung positibo, makikitaan ito ng maliliit at mabibilis gumalaw na bacteria na may buntot (flagella), ito ang V. cholerae. Maaari ding suriin ang bacterie sa laboratorio at gawan ng culture upang mas lalong makasigurado.

Ano ang mga sintomas ng Cholera?

Ang mga sintomas na dulot ng Cholere ay maaaring maranasan ilang oras matapos makapasok ang mga bacteria, maaari rin naman sa loob ng 5 araw. Depende ito sa kung gaano kadami ang bacteria na nakapasok sa tiyan. Ang mga nararamdaman sintomas ay ang sumusunod:

  • Matubig na pagtatae
  • Pagsusuka
  • Mabilis na pagtibok ng puso
  • Kawalan ng elastisidad ng balat.
  • Panunuyo ng lalamunan, bibig at ilong.
  • Pagbagsak ng presyon ng dugo
  • Madaling pagkauhaw
  • Pamumulikat

Ang nilalabas na dumi ay sobrang matubig  kung kaya’t ang taong may cholera ay nanganganib na maubusan ng tubig sa katawan. Ang dumi rin ay may masangsang na amoy na tila malansang isda.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang pagkakaroon ng cholera ay nangangailangan ng agarang pagpapagamot, kung kaya’t kinakailangan ang agad na atensyon ng doktor. Tandaan na ang Cholera ay maaaring makamatay kung mapapabayaan. Mabilis na mauubos ang tubig ng katawan dahil sa sakit na Cholera.

Mga kaalaman tungkol sa Cholera

Ang cholera ay isang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria na Vibrio cholerae na maaaring makuha mula sa maduduming pagkain at inumin. Nakapagdudulot ito ng tuloy-tuloy na pagtatae na kung hindi maaagapan ay maaring maging sanhi ng dehydration at kamatayan.

Gaano kalaganap ang sakit na cholera?

Ang sakit na cholera ay talamak sa iba’t ibang lugar noong panahon ng ika-18 na siglo. Dahil ito sa kakulangan sa kalinisan sa mga tubig na pinanggagalingan ng mga inumin ng sambayanan. Maging sa Pilipinas, ilang beses nang nagkaroon ng cholera outbreak sa Manila na nagdulot ng kamatayan ng nakararami noong mga panahon na iyon. Sa ngayon, tanging sa mga bansa na hindi maayos ang sistema ng patubig madalas itong nararanasan, kabilang ang mga bansa sa Africa, ang India, pati na ang ilang lugar sa Timog-America. Tinatayang umaabot pa rin sa 3 hanggang 5 milyon na kaso taon-taon at sanhi ng halos 10 libong kamatayan taon-taon sa mga lugar na nabanggit.

Paano nakukuha ang sakit na Cholera?

Ang impeksyong ng bacteria na Vibrio cholerae ang nagdudulot ng sakit na cholera. Kadalasan itong nakukuha sa mga maduming inumin (imbak na tubig o tubig galing sa poso). Kung ang kontaminadong tubig na ito ay magamit na panghugas sa pagkain, o kaya ay maihalo sa pagluluto, naikakalat din ang bacteria na V. cholerae. Sa oras na makapasok ang bacteria sa bituka ng tao, maglalabas ito ng lason na siya namang magdudulot ng matubig na pagtatae.

Sino ang maaaring magkasakit ng Cholera?

Ang lahat ng tao na makakainom ng tubig na may bacteria ay maaaring magkaroon ng sakit na cholera. Ngunit higit itong nakakaapekto sa mga taong mababa ang resistensya, malnourished at sa mga kabataan na ang edad ay 2-4 na taon. May mga pag-aaral din na nagsasabing higit din na naaapektohan ang mga taong may Type-O na dugo.

 

Paano makaiwas sa Typhoid Fever?

Ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng typhoid fever na dulot ng impeksyon ng Salmonella, ay ang pagpapanatili ng malinis na pangangatawan, gayun din ang malainis na pagkain. Upang makamtan ito, maaaring sundin ang sumusunod na hakbang:

  • Ugaliin ang paghuhugas ng kamay. Malaking kabawasan sa posibilidad na maipasa-pasa ang Salmonella kung uugaliin ang paghuhugas ng kamay bago kumain at pagkatapos gumamit ng palikuran. Maaari din gumamit ng hand sanitizers o alcohol matapos maglaro sa labas o pagkatapos magtrabaho.
  • Iwasan ang pag-inom ng tubig-gripo. Hanggat maaari, uminom lamang ng mineral water o yung tubig na pinakuluan upang maiwasan ang pagpasok ng mikrobyo sa katawan.
  • Tiyaking bagong luto ang pagkain. Kumain lamang ng pagkaing mainit pa at bagong luto. Mas maliit ang posibilidad na mabuhay ang microbyo at bacteria sa mga mainit na pagkain.
  • Umiwas sa mga Steet Food. Ang isa sa mga pangunahin pagkain na kontaminado ng Salmonella ay ang mga pagkain na nabibili sa lansangan. Makakatulong kung umiwas sa pagkain nito.
  • Panatilihin malinis ang bahay. Tiyaking regular na nalilinis ang bahay lalo na ang banyo upang maiwasan ang kontaminason.