Kahalagahan ng Vitamin B9 o Folate

Ang vitamin B9 ay isa sa walong uri ng Vitamin B na mahalaga sa maayos na paggana ng katawan. Ang bitaminang ito na kilala rin sa tawag na folate, folicin at folic acid, at minsan rin binansagang Vitamin M, ay may mahalagang papel sa pagbuo at pag-aayos ng DNA, paglago ng cells, at maging sa proseso ng cell division. Malaki rin ang ginagampanan ng folate sa maayos na pagbubuntis ng isang ina. Karaniwang nakukuha ang Vitamin B9 sa mga buto at butil, mga madahong gulay, at mga prutas.

Ang Vitamin B9 ay maaari ding makuha sa mga supplement na karaniwang inirereseta para gamutin ang kakulangan sa Vitamin B9, kondisyon ng anemia, at para maiwasan ang pagkalaglag ng pagbububuntis sa mga kababaihan.

Gaano karaming Vitamin B9 ang kailangan ng katawan sa araw-araw?

Ang itinakdang dami ng vitamin B9 na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong nasa hustong edad ay 400 micrograms. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.

Ano ang maaaring mangyari kung sumobra sa Vitamin B9?

Ang Vitamin B9 ay madaling humahalo sa tubig (water soluble) at madaling nareregulisa ng katawan kung kaya’t bibihira ang kaso ng pagkaoverdose nito. Kaya naman wala rin itinakdang limitasyon para dito.

Ano ang epekto sa katawan kung kulang ang Vitamin B9?

Ang kakulangan sa Vitamin B9 ay maaaring magdulot ng anemia, at mabagal na paglaki sa mga kabataan. Kaugnay din ng kakulangan ng bitaminang ito, maaari ding makaranas ng madaling pagkapagod, pagiging iritable, at kawalan ng gana sa pagkain. Sa mga inang nagbubuntis, ang kakulangan din ng folate ay maaaring magdulot ng depeksyon sa sanggol o kaya ay pagkalaglag ng bata.

10 Pagkain na Mayaman sa Vitamin B9

1. Munggo

Isa sa mga may pinakamataas na lebel ng folate ay ang munggo. Ang mga butong karaniwang nakikita sa hapag ng mga Pilipino ay may taglay na 320 microgram ng folate sa bawat isang tasa nito.

mung-beans

2. Spinach

Ang mga berde at madahong gulay tulad ng spinach ay kilala rin sa pagkakaroon ng mataas na vitamin B9. Ang isang tasa ng nilutong gulay na spinach ay maaaring makuhanan ng hanggang 263 microgram ng folate.

3. Asparagus

Ang gulay na asparagus ay mapagkukunan din ng folate. Ang kalahating tasa nito ay maaaring makuhanan ng hanggang 134 microgram ng folate.

asparagus

4. Letsugas

Ang isang tasa naman ng gulay na letsugas o lettuce ay mayroon ding folate na tinatayang aabot sa 64 microgram.

5. Abukado

Ang isang buong prutas naman ng abukado na may katamtamang laki ay maaaring mapagkunan ng hanggang 163 microgram ng folate.

whole and half avocado isolated on white

6. Broccoli

Mayroon namang 168 microgram ng vitamin B9 sa isang tasa ng hiniwang gulay na broccoli.

7. Mangga

Ang prutas na mangga na isa ring karaniwang bilihin sa mga palengke ay maaaring mapagkunan ng vitamin B9. Hanggang 145 microgram ng folate ang maaaring makuha sa isang buong prutas na ito.

mango

8. Papaya

Ang isang buong prutas ng papaya ay makukuhanan din ng Vitamin B9 at ito ay umaabot sa 60 microgram.

9. Orange

Ang isang buong prutas na orange ay makukuhanan ng hanggang 47 microgram ng folate, habang ang isang tasa ng katas ng prutas na ito ay mayroon namang 76 microgram ng folate.

Vitamin C sa Ponkan

10. Okra

Ang kalahating tasa ng gulay na okra ay maaaring makuhanan ng hanggang 30 microgram ng folate.

Kaalaman sa Gamot na Folic Acid

Generic name: folic acid

Brand name: Actimed Folic Acid, Enhansid, Folard, GNC Folic Acid, Purifol

Para saan ang gamot na ito?

Ang folic acid ay isang uri ng Vitamin B na natural na nakikita sa mga pagkaing gaya ng mga buto at butil (lentils, peas, beans), orange, atay, asparagus, broccoli at spinach. Ito ay tumutulong sa pagbuo at pagmentena ng mga bagong cells sa katawan at pinipigilan din nito ang mga pagbabago sa istraktura ng DNA upang mapigilan ang pagkakaroon ng kanser. Ang gamot na folic acid ay inirereseta kung sakaling may kakulangan ng folic acid sa katawan.

Anu-ano ang mga preparasyon ng gamot na Folic Acid?

Ang gamot na folic acid ay maaaring nakahanda bilang tableta, gamot na tinuturok, o kaya ay pulbos na tinitimpla.

Paano ito ginagamit?

Dahil ang paggamit ng gamot na ito ay naiiba-iba depende kung ano at kung gaano kalala ang kondisyon na nararanasan, gamitin lamang ang gamot na ito ayon sa inireseta ng doktor.

  • Ang gamot na folic acid ay maaaring inumin nang may laman ang tiyan o kaya’y walang laman.
  • Ang tableta ay inumin ng isang buo at huwag hahatiin o dudurugin, sabayan ng isang basong tubig.
  • Kung sakaling makalimutan ang pag-inom, agad na inumin ang gamot sa oras na maalala. Ngunit kung malapit na sa oras ng kasunod na pag-inom, ituloy na lamang ang nakatakdang pag-inom at huwag nang balikan ang nakaligtaang pag-inom.
  • Hanggat hindi pinapayo ng doktor, huwag doblehin ang iniinom na gamot o ibahin ang oras ng pag-inom nito.
  • Itago sa refrigerator o sa lugar na may katamtamang temperatura at iwasang mabilad sa araw. Ilayo rin ito sa maabot ng mga bata. Agad ding itapon ang napasong gamot.

Ano ang mga dapat tandaan sa paggamit ng Folic Acid?

Bago resetahan ng gamot, ipaalam kaagad sa doktor kung ikaw ay may kondisyon gaya ng sumusunod:

 

  • allergy sa folic acid
  • buntis, may planong magbuntis, o nagpapasuso
  • problema sa atay at bato
  • hemolytic anemia
  • sumasailalim sa dialysis
  • madalas umiinom ng alak
  • pagkakaroon ng impektsyon sa katawan

Ang gamot na folic acid ay hindi mahusay na pampalit sa sustansyang natural na nakukuha sa sa mga pagkain. Ito ay karagdagang nutrisyon lamang kung sakaling may kakulangan ng folic acid sa katawan. Makabubuti pa rin ang pagkain ng balanse at masusustansyang pagkain.

Gamitin lamang ang folic acid nang naaayon sa inireseta ng doktor, o nakasunod sa direksyon na nakasulat sa pakete ng gamot. Mahalaga din na sundin ang nakatakdang pagbisita sa doktor upang mabantayan progreso ng paggagamot sa sakit, malaman kung may pagbabago sa dami ng gamot na iinumin, o matignan kung may karagdagan pang pagsusuri na gagawin habang ginagamot.

 

Paano ang pag-gamit nito sa mga bata?

Ang pag-inom ng folic acid sa mga kabataan ay nangangailangan ng masusing gabay mula sa doktor. Huwag basta-basta magbibigay ng gamot nang hindi kumukunsulta sa doktor o pediatrician.

May side effects ba ang Folic Acid?

Bagaman ang side effects mula sa pag-inom ng gamot na folic acid ay bibihira, lalo na kung susunding mabuti ang direksyon ng pag-inom nito, hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng pagkakaranas ng mga side effect. Narito ang ilan sa mga karaniwang epekto ng pag-inom ng folic acid.

  • pagpapantal, hirap sa pag-hinga, at pamamaga ng katawan na sintomas ng allergy
  • pagliliyo at kawalan ng gana sa pagkain
  • pagkakabag
  • pag-iiba ng panlasa
  • problema sa pagtulog
  • pagiging iritable

Kung nababahala sa epektong nararanasan, agad na kumunsulta sa doktor upang magabayan.

Ano ang maaaring mangyari kung mapasobra ang pag-gamit ng gamot?

Ang sobrang pag-inom ng folic acid ay maaaring magdulot ng pamamanhid ng mga kamay, pananakit ng bibig at dila, panghihina, pagkalito, madaling pagkapagod, at hirap sa konsentrasyon. Agad na magtungo sa pagamutan sa oras na maoverdose ng gamot na ito.

Folic acid at pagbubuntis

Q: paano po kung nauudlot ang pag inom ng folic acic n nireseta sa akin? ano po ang pwedeng idulot nito saking pagdadalang tao lalo na’t unang anak ko po ito.?

A: Ang folic acid ay rekomendadong inumin ng mga nagdadalang-tao sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis (hanggang 12 na linggo), sapagkat ito’y nakakatulong maka-iwas sa pagkakaron ng mga karamdaman sa baby gaya ng mga neural tube defect (NTD) o problema sa spinal cord.

Nirerekomenda na ang mga buntis o ang mga gustong mabuntis ay uminom ng folic acid, 400 mcg bawat araw, hanggang 12 na linggo. May mga pagkain rin gaya ng mga gulay at ‘brown rice’ na may folic acid, at magandang kainin ng mga buntis.

Kung ikaw ay buntis at hindi ka naka-inom ng folic acid at hindi pa nakaka-12 linggo ay iyong pagdadalang-tao, bumalik sa pag-inom ng folic acid. Maraming preparasyon ng folic acid na nabibila sa alin mang botika. Kung nakalampas na ang 12 weeks, hindi na kailangang uminom nito. Huwag mag-alala sa lagay ng iyong baby, sapagkat hindi naman nangangahulugan na magkakaron ng sakit ang iyong baby kung hindi ka naka-inom ng folic acid. Subalit, makipag-ugnayan sa iyong doktor o OB-GYN kung anong mga dapat gawin. Halimbawa, ang Vitamin D ay rekomendadong inumin hanggang sa panganganak.

Tingnan ang artikulong “Wastong Nutrisyon Para sa Mga Buntis” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman tungkol sa wastong pagkain habang buntis.