Marami nang naging lalaki, pwede ba bang mabuntis?

Q: Doc, marami na po akong naging lalaki..peru hindi po ako nabuntis ngyun po na may asawa na ako gosto ko po mabuntis peru hindi pa ako nabubuntis natatakot po ako baka po dina ako mabuntis..may pekto po kaya yun kaya hindi ako mabuntis dahil sa dami nang naging lalaki ko…dahil ang 22o po dati po akong nag trabaho sa bar peru tumigil naku nung pinakasalan ako nang asawa ko ngyun.

A: Ang pagkakaroon ng maraming sex partners noong nakaraan ay hindi naman nangangahulugang hindi ka na mabubuntis. Sa katunayan, halos kalhati ng mga kababaihan ay inaabot ng dalawang taon matapos makipagsama sa isang lalaki bago mabuntis.

Subalit kailangan mo ring suriin ang iyong sarili. Nagkaron ka ba ng STD noon? May mga STD gaya ng chlamydia na nagdudulot ng tinatawag na ‘pelvic inflammatory disease’ na posibleng makaapekto sa pagbubuntis. Kung ito ay posible, at kung higit na sa 2 years at hindi ka parin nabubuntis, magpatingin sa isang gynecologist o iba pang doktor upang masuri ito at iba pang posibleng problema.

Paano malaman kung baog ang isang babae?

Ang pagkabaog o infertility ay ang kawalan ng kakayahang mabuntis (sa babae) o makabuntis (sa lalaki) sa kabila ng isang taon o higit pang pakikipagtalik ng walang ginagamit na kontrasepsyon. Maraming posibleng sanhi ang pagkabaog. Kung ang isang babae ay hindi magkaanak sa loob ng isang taon kahit na sinusubukan nya ito kasama ng kanyang kapartner na lalaki, maaari silang magpatingin sa isang doktor upang masuri silang dalawa.

Basahin: Paano malaman kung baog ang isang lalaki?

Dahil ang pagkabaog ay isang problema ng maraming tao, ang mga malalaking ospital ay may seksyon, o di gaya mga spesyalista na eksperto sa larangan ng ‘fertility’, at meron ding mga ‘fertility clinic’ na nakatutok dito. May kamahalan nga lang ang ilang sa mga ito sapagkat kalimitan, private ang mga ito.

Iba’t ibang eksaminasyon at obserbasyon ang isasagawa sa isang babae para malaman kung baog ba siya, at, kung oo, anong sanhi nito. Kabilang dito ang mga blood tests upang madetermina ang antas ng mga hormones gaya ng progesterone at estrogen. Maaari ring i-ultrasound ang matris at obaryo upang matingnan kung may problema ba dito. Pwede ring gawin ang ‘hysteroscopy’ kung saan may ipapasok na intrumento upang masilip ang matris. Maaari kasing may mga balakid, gaya ng mga myoma, sa pagbubuntis. Dito narin malalaman kung anong pwedeng solusyon sa pagkaboag. Halimbawa, kung may nakaharang sa bukol sa matris, pwede itong alisin.

Pagkatapos ng mga test na ito, sasabihin ng doktor kung anong palagay nya, kung baog ka ba o hindi. Ang ilang sanhi ng pagkabaog ay may solusyon.