Pagtigas ng ari ng lalake: Nagbabago habang tumatanda?

Q: totoo po bang lumiliit o humihina ang paglaki ng ari ng lalaki kahit anong pag eerect dito?

A: Kung ang tanong mo ay tumutukoy sa pagbabago sa ari ng lalaki habang tumatanda, ang sagot ay: oo, mas ‘humihina’ ang paglaki ng ari ng lalaki. Kapag ang paghina na ito ay umabot na sa punto na nahihirapan na ang lalaki na makipag-talik, ito ay tinatawag na ED o ‘erectile dysfunction‘. Pero hindi ibig-sabihin nito na lumiliit ang ari ng lalaki. At hindi rin ibig-sabihin nito na hindi maaaring mag-enjoy ang mga nakakatanda sa pakikipagtalik. Meron lamang mga ilang pagbabagong pisikal na dapat maunawaan.

Maraming dahilan kung bakit humihina na kakayanan ng lalaki na patigasin ang kanyang ari habang tumatanda. Isa na dito ang pagbabago sa mga ‘hormone’ gaya ng testosterone. Pangalwa, isang malaking bahagi sa pagtigas ng ari ang ‘libido’ o ang tinatawag nating ‘libog’, na maaaring mawala sa ilan. Ang pagkakaron ng ‘stress’ sa buhay ay isang maaaring dahilan.

Ngunit, hindi lahat ay apektado ng mga pagbabagong ito. Muli, gusto kong idiin na hindi ibig-sabihin nito ay hindi na pwedeng mag-enjoy sa sex ang mga nakakatanda. Sa mga lalaki at babae, may mga pagbabago na basta’t tanggap ng isa’t isa ay hindi dapat maging balakid sa isang maayos na relasyon.