Paano makaiwas sa sakit na epilepsy?

Ang pagkakaroon ng epilepsy ay hindi basta-basta maiiwasan, bagaman may ilang mga hakbang na makatutulong upang mapababa ang posibilidad ng pagkakaranas o pagsisimula ng atake ng mga sintomas ng sakit. Kaugnay nito, maaaring sundin ang mga sumusunod na hakbang:

  • Inumin nang tama ang gamot. Huwag iibahin o babaguhin ang gamot na inireseta para sa sakit. Hanggat maaari huwag ding kakaligtaan ang pag-inom ng gamot. Ito ang pinakamahusay na paraan ng pag-iwas sa sakit.
  • Pagtulog nang sapat. Makatutulong din na mapababa ang posibilidad ng pag-atake ng epilepsy kung magpaparoon ng sapat na tulog araw-araw.
  • Regular na pag-eehersisyo. Tiyak na nakapagpapalakas ng pangangatawan ang regular na pag-eehersisyo na makatutulong na naman na pababain ang posibilidad ng pagkakasakit.

Mahalaga rin na ipaalaman sa ibang tao ang kondisyon upang alam ng mga ito ang dapat gawin sa oras na maganap ang isang atake ng epilepsy.

 

Ano ang gamot sa epilepsy?

Sa ngayon, halos 70 porsyento ng mga kaso ng sakit na epilepsy ay nagagamot na o gumaling na sa tulong ng anti-epileptic na gamot. Sa tulong nito, maaaring mapigil ang pagsisimula ng atake ng seisure o panginginig ng mga kalamnan. Minsan, maaari ding isabay ang gamot sa iba pang mga gamot upang mas maging epektibo. Bagaman ang mga gamot na ito ay maaaring may side effects na maidulot gaya ng sumusunod:

  • pagkapagod
  • pagkahilo
  • karagdagang timbang
  • pagiging marupok ng mga buto
  • problema sa pagsasalita
  • problema sa memorya

Upang mas maging epektibo ang paggagamot, maaaring sundin ang mga sumusunod na hakbang:

  • Gamitin ang gamot nang naaayon sa reseta ng doktor
  • Laging sumangguni sa doktor kung ninanais magpalit ng gamot.
  • Huwag titigil sa paggagamot hanggit hindi sinasabi ng doktor
  • Ipaalam kaagad sa doktor kung nakararanas ng mga side effects

 

Paano malaman kung may epilepsy?

Upang matukoy ang pagkakaroon ng epilepsy, kinakailangang sumailalim sa pagsusuri ang isang pasyente. Sa simula ay pag-aaralan ng doktor ang mga sintomas na nararanasan at ang kasaysayan ng sakit ng pasyente. Kadalasan, ang pagkakaroon ng dalawang magkasunod na atake ng seizure ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng sakit na epilepsy. Ngunit para makatiyak, maaaring isagawa din ang mga sumusunod na eksaminasyon:

  • Electroencephalogram (EEG) – Ito ang pinakamahusay at epektibong instrumento sa pagtukoy ng sakit na epilepsy. Nababasa kasi nito ang mga kuryente o electrical signals na nagmumula sa utak.
  • CT Scan – Maaaring makita ang anumang abnormalidad sa utak sa pamamagitan ng eksaminasyon sa CT Scan. Maaaring makita dito ang pinsala, tumor at iba pang kondisyon na maaaring sanhi ng seizure.
  • Magnetic Resonance Imaging (MRI). Gaya rin ng CT Scan, natutukoy rin ang ano mang abnormalidad sa utak ng tao na maaaring sanhi ng atake ng seizure.
  • Positron emission tomography (PET). Gumagamit ng mahinang radiation upang mas makita ng maayos kondisyon sa utak. Sa tulong nito, maaaring malaman ang sahi ng seizure.

Ano ang mga sintomas ng epilepsy?

Ang mga pangunahing sintomas at senyales na mararanasan sa pagkakaroon ng epilepsy ay ang sumusunod:

  • Pagkalito o pagkawala ng malay-tao
  • Hindi makontrol na panginginig o paninigas ng katawan
  • Hirap sa pag-iisip
  • Pansamantalang pagkawala ng mga abilidad na makadama, makadinig at makakita

Sa kalaunan, maaari pang dumanas ng ilang mga mas seryosong kondisyong pisikal at sa pag-iisip.

  • pagpapasa
  • pagkakaroon ng mga bali sa katawan
  • pagkakadanas ng depresyon at pagkabagabag

Bukod sa mga nabanggit, maaari ding dumanas ng iba pang mga sintomas at kondisyon na depende naman sa uri ng kondisyon ng epilepsy na nararanasan.

  • Absence seizure. Isang uri ng atake kung saan napatitig sa kawalan ang pasyente na may pailan-ilan pang panginginig ng mga kalamnan. Ito ay pinakakaraniwan sa mga bata.
  • Tonic seizure. Ang atake na nagdudulot ng paninigas sa katawan, partikular sa likod, mga braso at mga binti. Kadalasang natutumba o napapahinga ang pasyenteng dumaranas nito.
  • Atonic sezure. Tinutukoy sa uring ito ang kawalan ng kontrol sa mga kalamnan kung kaya’t bumabagsak na lamang sa sahig ang pasyente.
  • Clonic seizure. Sa uring ito, nararansan ang serye na pabalik-balik na pag-atake ng panginginig at paninigas ng katawan partikular sa mukha, braso at leeg.
  • Myoclonic seizure. Ang biglaang panginginig at paninigas ng mga braso at binti ay ang tinutukoy naman ng uring ito.
  • Tonic-Clonic seizure. Ang pinakamatinding uri ng atake ng epilepsy ay ang tonic-clonic seizure. Dito’y nawawalan ng malay-tao at kontrol sa mga kalamnan, at maaari pang makagat ang dila dahil sa atake.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Marapat lang na magpatingin sa doktor kung dumanas ng mga sumusunod:

  • Paninigas o panginginig ng mga kalamnan na nagtatagal ng higit 5 minuto
  • Nahihirapang huminga o bumalik ang malay-tao matapos ang atake ng seizure
  • Magkasunod na atake ng seizure
  • Pagkakaranas ng seizure na may kasabay na mataas na lagnat
  • Dumanas ng pinsala sa katawan gaya ng pilay o sugat matapos ang atake ng seizure
  • Kasabay ng kondisyon ng pagbubuntis.

Kaalaman tungkol sa sakit na Epilepsy

Ang epilepsy ay isang karamdaman na nakaaapekto sa central nervous system ng isang tao na kung saan nagkakaroon ng abnormalidad sa maayos na paggana ng mga nerve cell sa utak. Dahil dito, nakakaranas ng pabalik-balik na panginginig at paninigas ng mga kalamnan (seizure) na maaaring maiikli lamang o mahahabang serye ng pag-atake. Ang sakit ay mayroong maraming uri at may iba’t iba ring mga sintomas at lunas.

Ano ang sanhi ng epilepsy?

Hindi lahat ng kaso ng epilepsy ay natutukoy ang mismong dahilan. Halos kalahati ng lahat ng mga kaso ng sakit na ito ay nananatiling misteryo pa rin kung ano nga ba ang tunay na sanhi. Sa ngayon, narito pa lamang ang mga natukoy na posibleng dahilan ng pagkakaroon ng epilepsy:

  • Sobrang kuryente (electrical signals) na lumalabas mula sa ilang mga cells sa utak.
  • Karamdamang nakaaapekto sa utak. Maaaring impeksyon, tumor, at iba pang mga kondisyon.
  • Pagkawala sa balanse ng kemikal sa utak.
  • Sobrang pag-hinga
  • Sobrang tubig sa katawan
  • Matinding kapaguran
  • Kakulangan sa tulog

Ano ang mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng epilepsy?

Ayon sa mga pag-aaral, may ilang salik na posibleng makapagpataas ng posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na epilepsy.

  • Edad. Sinasabing ang pagkakadanas ng sakit ay pinakamataas sa mga bata, at sa mga matatanda na ang edad ay 60 na taon pataas.
  • Kasaysayan ng sakit sa pamilya. Dahil pinaniniwalaang maaaring mamana ang sakit na epilepsy, pinaniniwalaan na hindi malayong magkaroon ng sakit kung isa sa pamilya at dumaranas nito.
  • Pinsala sa ulo. Ang pagkakaranas ng matinding pinsala sa ulo, na maaaring nakaapekto sa paggana ng utak, ay pinaniniwalaang nakakakontribyut din sa pagkakaroon ng sakit na epilepsy.
  • Pagkakaranas ng stroke at impeksyon. Ang pagkakaroon ng pagbabara o pagputok ng ugat sa utak, at iba pang kondisyon gaya ng impeksyon ay hindi malayong makaapekto sa normal na paggana ng utak at humantong sa pagkakaranas ng epilepsy.

Ano ang mga posibleng komplikasyon ng sakit na epilepsy?

Dahil ang pag-atake ng panginginig at paninigas ng katawan ay maaaring mangyari kahit kailan, sa hindi inaasahang panahon, ang ilang mga komplikasyon na konektado sa sakit na ito ay aksidente na nagdudulot ng matinding panganib sa buhay ng tao. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  • Pagkalunod
  • Pagkahulog mula sa mataas na lugar
  • Aksidente sa pagmamaneho

Bukod sa mga nabanggit, kung makaaapekto ang sakit sa isang nagbubuntis na ina, maaaring malagay sa panganib hindi lamang ang buhay ng ina kundi pati na rin ang buhay ng ipinagbubuntis na bata.