Ang Type 1 Diabetes ay hindi maiiwasan, pero ang Type 2, na siyang higit na mas karaniwan, ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagkain ng masustansya, pag-eehersisyo o pagiging mas aktibo, at pagbabawas ng timbang.
Pagkain ng masustansya at pag-iwas sa matataba at sobrang tamis na pagkain
Ang pagkain ng masustansya ay hindi lamang nakaka-iwas sa diabetes, nakakiwas din ito sa iba’t ibang sakit gaya ng hypertension (high blood), sakit sa puso, at marami pang iba. Ugaliing kumain ng prutas at gulag araw-araw, at piliin ang mas masustansya o healthy na pagkain tuwing pipili sa pamilihan. Bawasan ang pagkain ng matataba – pero okay lang tumikim paminsan-minsan ng lechon. Iwasan ang sobrang matatamis. Maaaring sa una, matabangan ka sa mga pagkain na konti lang o walang asukal pero pag nasanay ka, mapapansin mo na sasarap din ang mga pagkain ito — nasasapawan ang asukal ang likas na lasa ng mga pagkain.
Maging aktibo; mag-ehersisyo!
Anumang edad, may mga physical activity na pwedeng gawin at i-enjoy. Piliin kung anong nababagay sa iyong pamumuhay o lifestyle. Hindi kailangang gumasta para magkaron ng aktibong pamumuhay – libre lang ang tumakbo sa inyong barangay tuwing madaling araw, o makipaglaro ng basketball sa mga kapitbahay. Piliin ang mga aktibidad na napupusuan mo, at alamin ang mga programa na inyong komunidad – baka may libreng Zumba o iba pang physical activity. Ang pag akyat ng bundok o paglalakad sa gubat, dalampasigan, at iba pang dako ng kalikasan, ay isa ring magandang aktibidad.
Magbawas ng timbang
Malaki ang nagagawa ng pagbabawas ng timbang sa pag-iwas ng diabetes, at ang naunang dalawang payo ay siya naring susi para makamit ito. Tandaan, hindi madaling gawin ang mga hakbang na ito, lalo na sa umpisa, pero mas dumadali ito kung nakasanayan na. Isipin na lang na higit na mas mahirap kung magkakaron ka ng diabetes: ang pag-iwas ay mas maganda kaysa lunas!
Kung ikaw ay may diabetes na, hindi pa huli ang lahat
Ang pagsasagawa ng mga hakbang na nabanggit natin dito ay malaki din ang maitutulong kahit sa mga taong na-diagnose na ng diabetes. Muli, hindi lamang gamot ang kailangan. Kailangan ng pagbabago ng pagkain at pamumuhay, at kung ikaw ay may tiyaga, malaki ang magagawa nito tungo sa kalusugan.