Paano makaiwas sa low blood o hypotension?

Ang susi para maiwasan ang pagbagsak ng presyon ng dugo ay ang pagpapanatili na malusog ang pamumuhay. Upang ito ay maisakatuparan, maaaring sundin ang mga sumusunod na hakbang:

  • Uminom ng maraming tubig araw-araw.
  • Kumain ng masusustanysang pagkain.
  • Magdahan-dahan sa pagtayo o pagupo.
  • Umiwas sa alak at paninigarilyo.
  • Kumain lamang ng tama at sapat at mababa sa carbs.

Ano ang gamot sa low blood o hypotension?

Dahil ang pagkakaroon ng low blood pressure ay nagdudulot lamang ng mga simple at panandaliang pagkahilo at iba pang mga sintomas, kadalasan ay isinasawalang-bahala lang at bibihirang gamitan ng gamot. Ngunit kung ang mga sintomas na nararanasan ay nagiging sagabal na sa pang-araw-araw na gawain, makabubuting bigyan na ito ng pansin. Ang paggagamot sa mababang presyon ng dugo ay depende sa sanhi nito. Kung ang low blood pressure ay dahil sa iba pang sakit gaya ng sakit sa puso, diabetes at hyperthyroidism, makatutulong na gamutin mismo ang mga sakit. Kung dahil naman sa mga iniinom na gamot, maaaring kailanganing palitan o baguhin ang dosage nito. Ang iba pang lunas sa low blood pressure ay ang sumusunod:

  • Karagdagang asin sa pagkain. Ang asin ay nakapagpapataas ng presyon ng dugo kung kaya makatutulong na dagdagan ang alat ng mga pagkain.
  • Pag-inom ng tubig. Ang pagdaragdag ng tubig sa katawan ay makapagpaparami din ng dami ng dugo, kung kaya, maiiwasan din ang low blood pressure.
  • Pag-inom ng gamot. Ang mga gamot na fludrocortisone at midodrine ay makatutulong sa pagpapataas ng presyon ng dugo.

Paano malaman kung may low blood o hypotension?

Ang pagtukoy sa pagbaba ng presyon ng dugo ay maaaring kailanganin upang malaman kung ano ang pinakasanhi nito. Makatutulong ito para malaman kung paano bibigyang lunas ang napapadalas na kondisyon. Maaaring masukat ang blood pressure sa pamamagitan ng sphygmomanometer. Gamit ito, maaaring mabasa kung mataas o mababa ang blood pressure. Kapag ang presyon ng dugo ay higit na mababa sa normal na sukat na 120/80, itinuturing itong low blood pressure. Bukod sa paggamit ng sphygmomanometer, maaari din makita ang pagkakaroon ng mababang presyon ng dugo sa pamamagitan ng mga sumusunod na eksaminasyon:

  • Pagsusuri sa dugo o blood testing. Maaring matukoy dito kung mataas o mababa ang asukal sa dugo, o kung may anemia. Ang mga kondisyong ito ay nakaaapekto sa pagbagsak ng presyon ng dugo.
  • Electrocardigram (ECG). Maaaring mabasa ang pagkilos ang puso at lakas ng daloy ng dugo sa pamamagitan ng instumentong ito na gumagamit ng mga electrical signals na dinidikit lamang sa balat ng braso, hita at dibdib.
  • Echocardiogram. Binabasa din nito ang pagkilos ng puso pati na ang dugo na ginagamitan naman ng tunog o ultrasound idinidikit sa dibdib.
  • Valsalva maneuver. Ginagamit ito upang matukoy kung may mali sa paggana nervous system kasabay ng ilang ulit na pagbasa sa bilis ng tibok ng puso at paghinga.
  • Tilt Table Test. Ginagamit ito upang matukoy kung ang pagbagsak ng presyon ng dugo ay dulot ng problema sa nerves ng katawan dahil sa mga pagbabago ng posisyon ng katawan.

 

Ano ang mga sintomas ng low blood o hypotension?

Ang pagbaba ng presyon ng dugo ay maaring magdulot ng ilang sintomas gaya ng sumusunod:

  • Pagkahilo
  • Pagkahimatay
  • Kawalan ng konsentrasyon
  • Panlalabo ng paningin
  • Pagliliyo
  • Pamumutla
  • Panlalamig ng balat
  • Hinihingal
  • Pagkapagod
  • Depresyon
  • Pagkauhaw

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Ang pagbaba ng presyon ng dugo ay kadalasang hindi naman seryoso at hindi rin lubusang nakakabahala, ‘di tulad ng altapresyon o pagtaas ng presyon ng dugo. Gayunpaman, maaaring dapat pa ring magpatingin sa doktor lalo na kung ang pagkahilo, pagkahimatay at iba pang mga sintomas ay madalas nararanasan.

Mga kaalaman tungkol sa ‘low blood’ o hypotension

Ang low blood pressure o hypotension ay ang pagkakaron ng mababang presyon ng dugo sa katawan. Ibig-sabihin nito mahina ang pagdaloy ng dugo. Kadalasan, ang mga kaso ng low blood pressure ay nakapagdudulot lamang ng mga simpleng sintomas gaya ng pagkahilo at pagkahimatay, ngunit sa mga malalalang kaso, maaari itong magdulot ng panganib sa buhay. Masasabing low blood pressure kapag ang nakuhang sukat ng presyon ng dugo ay umabot na ng 90/60. Ito ay higit na mababa kaysa sa normal na sukat na 120/80.

Ano ang blood pressure?

Ang blood pressure o presyon ng dugo ay ang pwersa ng dugo na tumutulak sa mga pader ng ugat na dinadaluyan nito, kagaya ng pwersa ng hangin sa loob ng isang lobo. Ang pwersang ito ay maaaring tumaas (hypertension) o bumaba (hypotension) at parehong nakaaapekto sa kalusugan ng tao. Ang normal na blood pressure ay 120/80, ngunit ito ay maaaring magbago dahil sa ilang salik gaya ng mga pagkilos  o gawain, pagkapagod, pati na ang matinding kaba.

Paano binabasa ang blood pressure?

Ang dalawang numero na nakikita sa pag-basa ng presyon ng dugo ay ang systolic at diastolic pressure. Ang unang numero, o systolic pressure, ay ang presyon ng dugo kasabay ng pag-tibok ng puso, habang ang ikalawang numero, o diastolic pressure, ay ang presyon naman kapag nakapahinga ang puso. Kapag ang presyon ng dugo ay humigit sa normal na 120/80, ikaw ay may high blood pressure, at kung mas mababa naman dito, may low blood pressure naman. Gumagamit ng sphymomanometer  sa pagsukat ng presyon ng dugo.

Ano ang sanhi ng low blood pressure?

Ang pabagsak ng presyon ng dugo ay maaaring dulot ng mga sumusunod sa kondisyon o sakit:

  • Pagbubuntis
  • Kondsyon o sakit sa puso
  • Kondisyon o sakit sa mga glandula ng katawan gaya ng thyroid at adrenal glands
  • Mababang asukal sa dugo o hypoglycemia
  • Diabetes
  • Mababang tubig sa katawan o dehydration
  • Pagkabawas ng dugo
  • Matinding impeksyon sa katawan
  • Matinding allergy o anaphylaxis
  • Kakulangan ng sustansya sa katawan gaya ng Bitamina B-12 at Folate
  • Mga gamot na iniinom: Diuretics, Alpha Blockers, Beta Blockers, at mga antidepressants

Ano ang iba’t ibang uri ng low blood pressure?

Ang pagkakaranas ng low blood pressure ay maaari ring mahati sa ilang uri. Narito ang ilan sa mga uri ng low blood pressure:

  • Orthostatic o Postural hypotension – Ito ang pagbagsak ng presyon ng dugo dahil sa biglaang pagtayo mula sa pagkakahiga o pagkakaupo. Nararanasan ang pagbagsak ng presyon kapag pumalya ang katawan sa pagsasaayos ng daloy ng dugo na biglaang nagbago dahil sa puwersa ng gravity. Ito ay lalong madalas sa mga taong nagbubuntis, umiinom ng gamot na pampababa ng presyon, may sakit sa puso, at may diabetes.
  • Postprandial hypotension – Ito ang pagbagsak ng presyon ng dugo na nararanasan pagkatapos kumain. Pagkatapos kumain, ang dugo ay pumupunta sa paligid ng bituka upang masimulan ang proseso ng pagsipsip ng sustanysa, at dahil dito, isinasaayos ng katawan ang presyon ng dugo upang makadaloy pa rin sa ibang bahagi ng katawan. Kapag pumalya ang katawan sa pagsasaayos ng presyon, maaaring makaranas ng pagbagsak ng presyon ng dugo.
  • Neurally mediated hypotension – Ito ang pagbagsak ng presyon ng dugo kapag nanatiling nakatayo sa matagal na panahon. Kinakailangang muling isaayos ng katawan ang presyon ng dugo kung nakatayo ng matagal sapagkat nahihirapan ang katawan na maiakyat sa utak ang dugo dahil din sa pwersa ng gravity. Minsan, maaaring malito ang nerves sa puso at isiping nakararanas ng altapresyon kung kaya’t lalong bumabagsak ang presyon ng dugo.

Sino ang maaaring magkaroon ng low blood pressure?

Ang lahat ng tao ay maaaring makaranas ng mababang presyon ng dugo, ngunit ito ay maaaring mapadalas dahil sa sumusunod:

  • Ang edad ay 65 pataas.
  • Umiinom ng mga gamot na pangmentena
  • Mayroong sakit tulad ng Parkinson’s Disease, diabetes, at ilang kondisyon sa puso

Totoo bang nakapagdudulot ng pagbaba ng presyon ng dugo ang kulang sa tulog?

Sa kabaligtaran, ang kakulangan ng tulog (masmababa sa 6 na oras ng tulog) ay nakapagdudulot ng pagtaas na presyon ng dugo at hindi pagbaba. Ang pagkahilo o panlalabo ng paningin na nararanasan mula sa bitin na tulog ay maaaring dahil sa biglaang pagtayo mula sa pagkakahiga.

Ang low blood ba ay katumbas ng anemia?

Hindi. Ang low blood ay tumutukoy sa mahinang presyon ng dugo habang ang anemia naman ay tumutukoy sa kakulangan ng hemoglobin sa dugo. Magkaiba ang dalawang kondisyon na ito at magkaiba din ang gamutan nila. Ngunit maaaring magdulot ng magkaparehong epekto sa katawan sapagkat parehong hindi nakakaaabot ng tama ang sapat na suplay ng oxygen sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mga kaalaman tungkol sa Pagsusuri ng Dugo o Blood Testing

Ano ang Blood Testing at para saan ito?

Ang pagsusuri ng dugo ay isang mabisang uri ng diagnostic test o pamamaraan sa pagtukoy ng kondisyon o karamdaman na isinasagawa sa laboratoryo. Sa pamamaraang ito, natutukoy ang ilang mga bagay gaya ng bilang ng mga cells, balanse ng mineral at kemikal na natural na nasa dugo, pati na ang presensya ng ibang bagay na karaniwang wala naman. Ang anumang pagbabago sa normal na bilang, sukat, at lebel ng mga bagay na bumubuo sa dugo ay maaaring indikasyon ng karamdaman, abnormalidad o anumang kondisyon sa katawan. Maaari din itong isagawa upang mabantayan ang reaksyon ng katawan mula sa mga binibigay na gamot, o kaya naman ay para makita ang ilang kaganapan sa katawan, partikular sa atay at bato.

Kanino at kailan isinasagawa ang pagsusuri ng dugo?

Kahit na sinong tao ay maaaring isailalim sa pagsusuri ng dugo lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Maaaring ito ay para matukoy ang sanhi ng nararanasang sintomas o abnormalidad sa katawan, o kaya naman ay para lamang makasiguro na ang katawan ay nasa normal na kondisyon. Mahalaga rin ang blood testing sa pagmomonitor ng mga kaganapan sa katawan. Sinusuri din ang dugo bago magsagawa ng paglilipat ng dugo o blood transfusion.

Paano isinasagawa ang pagsusuri ng dugo at anu-ano ang sinusuri dito?

Ang pagsusuri ng dugo ay nagsisimula sa blood extraction o pamamaraan ng pagkuha ng dugo na kadalasang ginagawa ng mga nurse, medical technologists, paramedics o kaya naman ay mismong doktor lalo na sa mga kritikal sa kondisyon. Depende sa uri ng pagsusuring isasagawa, ang pagkuha ng dugo ay maaaring maramihan o kaya ay kakaunti lamang. Para sa mga simpleng pagsusuri ng dugo, maaaring kumuha lamang ng ilang patak ng dugo mula sa pagtusok sa daliri. Ngunit kung ang isasagawang pagsusuri ay mangangailangan ng marami-raming dugo, kinukuha ito direkta mula sa ugat na nasa tupi ng braso. Pinupuluputan ng malagoma na tali ang braso, na kung tawagin ay tourniquet, upang mas makita ng husto ang ugat na tutusukan. Kapag ang ugat ay lumitaw na, tinutusok ito ng karayom at saka hihigupan ng ilang mililitrong dugo gamit ang hiringilya. Ang dugong makukuha ay nilalagay sa espesyal na lalagyan o bote na makapipigil sa pamumuo ng dugo.

Ang nakuhang dugo ay inaaral sa laboratoryo at sinusuri depende sa kung ano ang pangangailangan. Maaaring ito ay silipin sa ilalim ng microscope, o kaya ay haluan ng iba’t ibang substansya para makita ang paggana ng dugo o para masukat ang mga lebel ng ilang kemikal na nasa dugo.

Anu-ano ang mga iba’t-ibang uri ng pagsusuri ng dugo?

Ang mga karaniwang pagsusuri ng dugo na ginagawa sa laboratoryo ay ang sumusunod:

  • Blood smear – Ito ang pinakasimpleng pagsusuri ng dugo sa ilalim ng microscope. Maaari itong isagawa upang matukoy ang presensya ng “foreign bodies” sa dugo, gaya ng pagkakaroon ng parastiko.
  • Complete blood count (CBC) – isinasagawa upang mapag-aralan ang bilang at kondisyon ng mga cells na nasa dugo. Kadalasan ay para matukoy ang pagkakaroon ng anemia.
  • Paggana ng Atay (LFT) – Maaaring suriin ang dugo ispesipiko para sa paggana ng atay o Liver Function Test (LFT). Matutukoy dito kung mayroong problema sa atay.
  • Paggana ng Bato (eGFR) – Ang paggana din ng mga bato ay maaaring matukoy sa pamamagitang ng ispesikipong pagsusuri para dito. Ang Estimated glomerular filtration rate o eGFR ay tumutukoy sa kakayahan ng bato na salain ang dugo.
  • Paggana ng Thyroid (TSH) –
  • Blood sugar (Glucose) level – Binabasa ang lebel ng asukal sa dugo upang mabantayan ang kondisyon ng diabetes.
  • Blood cholesterol level – Mahalaga rin na matukoy ang lebel ng cholesterol sa dugo upang maagapan ang posibilidad ng stroke at atake sa puso.
  • Pagsusuri para sa implamasyon o pamamaga – Ang ano mang impeksyon at pamamaga sa katawan ay maaari ding masuri sa pamamagitang ng mga ispesipikong blood tests gaya ng erythrocyte sedimentation rate (ESR), C-reactive protein (CRP) at plasma viscosity (PV). Ang pagtaas sa lebel ng mga ito ay indikasyon ng implamasyon sa katawan.
  • Pagsusuri  para sa Antigen at Antibody – Isinasagawa ito para malaman kung may kakayahan ang katawan na labanan ang ilang particular na sakit na dulot ng mga mikrobyo.
  • Blood Type – Isa sa mga pinakakaraniwang isinasagawa ay ang pagtukoy sa blood type ng isang tao. Mahalaga ito para maiwasan ang paghahalo-halo ng magkakaibang uri ng dugo lalo na kung maglilipat ng dugo (blood transfusion). Mahalaga din na matukoy ang blood types sa pagbubuntis.

Paano pinaghahandaan ang pagsusuri ng dugo?

Sa mga simpleng pagsusuri ng dugo gaya ng pagtukoy ng bloodtype, CBC at blood smear, wala namang mahalagang paghahanda. Ngunit para sa iba pang pag-susuri, maaaring kinakailangang huwag munang kumain isang araw o ilang oras bago ang pagkuha ng dugo. Maaaring pagbawalan sa pag-inom ng kahit na anong gamot, pati na ang pag-inom ng alak. Sunding mabuti ang payo ng doktor bago isagawa ang pagsusuri ng dugo.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng pagsusuri ng dugo?

Ang resulta ng pagsusuri ng dugo ay maaaring makuha sa loob ng ilang oras lamang hanggang isang buong araw, o kaya ay isang buong linggo. Depende ito sa uri ng pagsusuri na isinagawa.

Ano ang maaaring epekto sa katawan ng pagsusuri ng dugo?

Ang pagsusuri ng dugo na sumunod sa pamantayan ng pagsasagawa nito ay kadalsang wala namang epekto sa katawan kung kaya ang pamamaraang ito, sa pangkalahatan, ay itinuturing na safe. Ngunit kung sakaling may pagbabago o pagkakamali sa mga hakbang ng pagkukuha ng dugo, maaaring magdulot ng ilang epekto na kadalasang hindi naman seryoso gaya ng pagkakaroon ng pasa sa lugar ng pinagtusukan. Minsan pa, maaari ding magkaroon ng impeksyon sa lugar ng pinagtusukan lalo na kung hindi malinis ang pamamaraan ng pagkuha ng dugo.

Paano makaiwas sa anemia?

Hindi lahat ng uri ng anemia ay pwedeng iwasan, pero makakatulong ang mga pagkain ng mga pagkain na mayayaman sa bitamina. Lalo na ang mga pagkain na mataas sa Iron, Vitamin C, Vitamin B12, at Folic Acid:

Mga pagkain na mataas sa iron

Tulad ng nabanggit sa naunang artikulo, mataas sa iron ang mga karne gaya ng karneng baka lalo na ang parteng atay. Mataas din sa iron ang mga iba’t ibang klase ng beans, mga gulay gaya ng spinach at malunggay, at mga prutas.

Mga pagkain na mataas sa Folic Acid

Ang Folic Acid ay natural na nasa mga prutas at gulay. Marami ding mga pagkain ang ‘fortified’ o may halong folic acid gaya ng ilang mga tinapay.

Mga pagkain na mataas sa Vitamin B12

Ang bitaminang ito ay nasa karne, gatas, mga produktong gawa sa soy gaya ng taho, soymilk, at tofu.

Mga pagkain na mataas sa Vitamin C

Kabilang dito ang mga prutas na maasim gaya ng kalamansi, dalandan, pomelo, at ibang prutas gaya ng pakwan at melon.

Ang pag-inom ng mga multivitamins na mayroong mga bitaminang nabanggit ay maaari ding makatulong na maka-iwas sa anemia ngunit mas maganda kung ang mga bitaminang ito ay magmumula sa mga pagkain gaya ng prutas at gulay.

Ano ang gamot sa anemia?

Ano ang mabisang gamot sa anemia?

Depende ito sa partikular na sanhi ng anemia sa isang pasyente. Kung ang sanhi ng anemia ay kukulangan sa mga vitamins at minerals gaya ng folic acid, vitamin B12, at iron, ang pag-inom ng multivitamins na may taglay na mga bitamina at mineral na ito ay makakatulong sa pagpagagaling ng anemia. Pero halimbawa kung ang sanhi ng anemia ay ang pagkakaron ng ulcer, kailangang gamutin ang ulcer para magamot ang anemia. Gayunpaman, ang pag-inom ng multivitamins na may iron, folic acid, at Vitamin B12 ay maaaring inumin ng mga may anemia.

Epektibo ba ang iron na gamot laban sa anemia?

Epektibo lamang ang iron kung kakulangan ng iron ang sanhi ng pagkakaron ng anemia. Maaari itong subukan sapagkat may mga kaso talaga ng anemia na makakatulong ang iron, pero hindi lahat ng anemia ay mapapagaling ng iron.

Babala: Huwag iinumin ang iron supplements o multivitamins na may iron na kasabay ng pag-inom ng antacid o tetracycline na isang uri ng antibiotic. Huwag din isabay sa pag-inom ng iron ang pagkain o pag-inom ng mga pagkain o inumin na mataas ang caffeine gaya ng tsaa, kale, at tsokolate.

Bukod sa gamot, ano pang ang pwedeng gawin para sa anemia?

Bukod sa pag-inom ng multivitamins na may iron, maganda ring kumain ng mga pagkain na mayaman sa iron, gaya ng karne lalo na ang mga atay, mga tahong, suso, at iba pang seafood. Pero tandaan na ang pagkain ng mga pagkaing ito ay hindi din dapat sobrahan lalo na sa may mga sakit sa puso o mataas ang kolesterol. Bukod sa mga ito, mataas din sa iron ay mga beans gaya ng sitaw, bataw, at patani; at maging mga gulay gaya ng spinach at malunggay.

Paano malaman kung may anemia?

Ang anemia ay maaaring makita sa complete blood count (CBC), isang laboratory test kung saan may kukunin na kaunting dugo sa katawan sa pamamagitan ng syringe. Sa blood test na ito, sisilipin sa microscope ang mga blood cells at bibilangin kung normal ba ang dami ng iba’t ibang uri ng blood cell. Para makita kung may anemia ba, at kung anong uri ng anemia, uusisiin ang mga ito:

1. Hemoglobin. Kung mababa ang hemoglobin, ibig sabihin, mababa ang bilang ng red blood cell. Ang normal na antas ng hemoglobin ay 14-18 mg/dL para sa mga lalaki at 12-16 mg/dL para sa mga babae. Kung mas mababa dito, maaari itong gamiting basihan para sabihing may anemia ang isang tao.

2. Hematocrit. Hematocrit naman ang porsyento ng red blood cell sa dugo. Kung ito’y mababa, maaaring mangahulugan ito na kulang ang red blood cell sa katawan.

3. MCH, MCHC, at MCV (Mean corpuscular hemoglobin, mean corpuscular hemoglobin concentration, at mean corpuscular volume). Ang mga ito ay sisilipin din dahil nagbibigay ito ng impormasyon tungkol sa hugis at anyo ng mga red blood cell. Ang impormasyon na ito ay makakatulong upang malaman kung anong uri ng anemia ang meron (kung meron man).

Bukod sa CBC, maaaring may iba pang mga laboratory test na ipagawa, depende sa suspetsa ng doktor na sanhi ng anemia. Halimbawa, kung kakulangan ng iron ay tinitingnan na posibilidad, maaaring mag-request ang doktor ng serum iron, karagdagang lab test na sinusukat ang antas ng iron sa dugo, para makita kung kulang nga ba talaga.

O, A, B, at AB: Ano ang iyong blood type?

Ang “blood type” ng isang tao ay isang paraan na ginagamit ng mga doktor at medical technologist upang mapaghiwahiwalay ang mga tao ayon sa uri ng dugo na hindi magdudulot ng anumang masamang reaksyon sa kanilang katawan. Ito ay mahalaga kung may mangangailangan ng pagsasalin ng dugo o blood transfusion.

Sa totoo lang, ang iba’t ibang blood type ay dahilan lamang sa isang maliit na pagkakaiba na isang bahagi ng ‘molecule’ na bumubuo sa ‘red blood cell’ ng mga tao. May apat na blood type: A, B, AB at O, bagamat marami pang ibang mga bibihirang ‘blood type’ na nadiskubre.

Ano ang aking blood type?

Ang blood type ng isang tao ay kadalasang kasama na iyong medical records. Kung meron kang regular na doktor, klinika, o ospital, maaari mo silang lapitan tungkol dito. Mayroon ding simpleng pagsusuri na pwedeng gawin upang malaman ito. Kung ikaw ay nag-donate ng dugo at nabigyan ng donor card, ang blood type mo ay nakasulat rin dito.

Paano namamana ang blood type?

Ang pagkamana ng ‘blood type’ ay hindi anoong kasimple. Kasi, bawat tao, may dalawang ‘gene’ na kapag nagsama ay nagdedetermina kung ano ang blood type. Ang iyong nanay at tatay ang tag-isa ng kontribusyon sa mga genes na ito. Tatlong uri ang genes, A, B, O. Pero ang O, never itong nananaig sa A at B. Kaya kung nagsama ang A at O, ang blood type mo ay A.

Heto ang posible mong maging blood type base sa mga blood type ng mga magulang mo:

  • A at A = A, O
  • A at B = A, B, AB, O
  • A at O = A, O
  • B at B = B, O
  • B at O = B, O
  • O at O = O
  • Ano ang ibig-sabihin ng “+” na kadugsong ng blood type?

    Ang pagiging “+” o “-” ay nakadepende sa pagkakaroon ng isa na namang diprensya sa red blood cell, and presensya o kawalan ng tinatawag na “Rhesus factor”. Sa ibang bansa, malaking isyu ito dahil hindi pwedeng isalin ang “+” sa “-“; bagamat pwedeng isalin ang “-” sa “+”. Sa Pilipinas, ang Rh negative o blood type na may “-” ay bihirang bihira. Halos lahat ng Pinoy ay “+”, nagbabago lamang kung type A, B, O, o AB. Subalit malaking problema ito para sa mga Pinoy na Rh-.

    Ano ang pinaka-karaniwang blood type?

    Ayon sa isang pag-aaral sa UP Diliman noong, heto ang mga porsyento ng blood type sa Pilipinas:

    • Blood Type A – 27.45%
    • Blood Type B – 25.49%
    • Blood Type O – 41.18%
    • Blood Type AB – 5.88%

    Ano ang implikasyong ng blood type sa pagsasalin?

    Naka-depende ito kung anong bahagi ng dugo ang isasalin. Kung red blood cells (RBC) ang isasalin, heto ang pwedeng magsalin sa iyo:

    • Type A – Pwedeng salinan ng A at O
    • Type B – Pwedeng salinan ng B at O
    • Type AB – Pwedeng salinan ng A, B at O
    • Type O – Pwedeng salinan ng O lamang

    Kung ang paguusapan naman ay ang ibang bahagi ng dugo, gaya ng plasma:

    • Type A – Pwedeng salinan ng A at AB
    • Type B – Pwedeng salinan ng B at AB
    • Type AB – Pwedeng salinan ng AB lamang
    • Type O – Pwedeng salinan ng A, B, AB, at O

    Subalit, tandaan, ang mga nabanggit natin ay gabay lamang sa karaniwang kaso. Kailangan paring suriin ng mga doktor at med tech kung anong klase ng dugo ang nararapat.

    Kung bibihira ang blood type mo, mas mahirap makakuha ng mga blood donor na pwedeng magbigay ng kanilang dugo. Kaya magandang kilalanin kung sino-sino ang mga taong pwedeng malapitan na kapareho ng ‘blood type’, lalo na kung “AB” ang iyong dugo, at higit pa kung “-” ang iyong RH factor.

    May epekto ba ang blood type sa personalidad ng tao?

    Wala. Bagamat ito’y isang paniniwala sa ilang mga bansa gaya ng Japan at Korea, walang katunayan na nakakaimpluwensya ang ‘blood type’ sa ugali, asal, o sa anumang bahagi ng buhay ng tao – pisikal man o emosyonal.