Pwede bang magka-rabies kung dinilaan lang ng aso?

Q: doc kapag ba dinilaan ka ng asong may rabies at may laway po siya na malapot posible bang magkaroon ako ng rabies?

A: Ang rabies mula sa aso ay maaaring makuha kung ang isang asong ulol o asong may rabies ay nakakagat sa isang tao. Hindi lahat ng kagat ng aso ay may rabies, subalit kung hindi tiyak ang pinagmulan ng aso, para sigurado, umaaksyon tayo na parang may rabies ito at nagpapaturok ng mga bakuna laban sa rabies. Bagamat bihirang-bihira, Mmy ilan ding mga kaso ng rabies na nakuha mula sa laway ng hayop na may rabies na mapunta sa bahagi ng katawan na may sugat, o di kaya sa mata, ilong, o bibig.

Kung dinilaan ka lamang sa balat at wala ka namang sugat, hindi ka magkakaron ng rabies. Kung dinilaan ka sa isang bahagi ng katawan o mayroon kang sugat, o kung nadilaan ka sa ilong, mata, o bibig, o kung hindi ka tiyak, mas magandang magpatingin sa doktor upang mabigyang-linaw kung ano ang dapat mong gawin.

Para sa karagdagang kaalaman, puntahan ang “Kagat ng Aso: Mga Tanong” sa Kalusugan.PH.

Paano kung nakagat ulit ng aso, kelangan ulit turukan?

Q: Ang anak ko doc ay nakagat ng aso noong nakaraan taon at na injictyonan siya ng anti rabies ang last na enjeksyon niya ay Jan.2 2012 ngayon nakagat siya ng Jan 5 2013 may bisa pa kaya yung anti rabies nya hanggang ngayon tanong ko lang doc

A: Depende kung anong aso ang nakakagat. Kung ang aso na ito ay inyong alaga at wala namang nagbago sa kanya pagkatapos ng 10 araw, pwedeng hindi na. Subalit kung hindi tiyak ang kalalagayan ng asong nakakagat sa inyong anak, panigurado ay maaari siyang turukan ulit ng anti-rabies vaccine. Yung ibang doktor, baka isa o dalawang turok na lamang ang ibigay panigurado lang, ngunit may mga doktor din na magpapayo na kumpletuhin ang apat na turukan.

Bisitahin ang pahinang ito sa Kalusugan.PH para sa dagdag na kaalaman.

Kagat ng aso at rabies: Mga tanong

Lahat ba ng kagat ng aso ay rabies?

Hindi. Tanging mga asong may rabies, o ‘ulol’, lamang ang pwedeng makahawa ng rabies. Subalit dahil maraming asong kalye na hindi sigurado kung may rabies ba o wala, rekomendado na magpaturok ng anti-rabies vaccine o bakuna kontra rabies ang mga taong nakagat ng aso. Ito rin ay dahilan kung bakit maraming taong nakakagat ng aso na hindi nagkakarabies, sapagkat wala naman talagang rabies ang karaniwang ng tao. Ngunit, kaya naninigurado ang mga awtoridad ay sapagkat kung minalas ka at may rabies nga ang aso, kapag ikaw ay nahawa ito, walang gamot na pwedeng ibigay at halos tiyak na ito’y iyong ikamamatay.

Kailangan ba talagang magpaturok ng rabies vaccine?

Oo, kung hindi mo kilala yung asong nakakagat sa iyo at kung malala ang kagat. Ngunit kung maliit lang ang kagat sa kamay o paa at ang aso ay iyong tuta o kilala mo AT maaari mong obserbahan sa loob ng sampung araw (dapat sana isang veterinarian ang magsasagawa nito), pwedeng hindi muna magpaturok, at obserbahan muna ang aso kung ito ay mauulol. Kung ito’y hindi nagbago, nanatiling buhay at malusog, wala itong rabies at ikaw rin ay hindi maaaring mahawa ng rabies.

Paano kung nakagat ako ng alaga naming aso>

Isang halimbawa ay anong tanong na ito: “Ano po ang gagawin ko pagkatapos magasgasan ung daliri ko sa pagsubo ko ng isda sa alaga naming aso kasi po ang daliri ko ay nakagat nya po pahaba pero hindi nman po aggressive ung tuta nmin nsama lng po ung daliri ko ksi kla nya po pagkain?” Ang sagot dito, ay, una, hugasan ng mabuti ang sugat gamit ang sabon at tubig. Kung ang alaga nyong aso ay maoobserbahan sa loob ng sampung araw (dapat sana isang veterinarian ay magsasagawa nito) at kung mukha namang walang itong rabies, ikaw ay ligtas at hindi mo na kailangan ng rabies vaccine. Subalit kung hindi ito magagawa, panigurado ay magpunta ka narin sa isang animal bite center upang magpaturok ng anti-rabies vaccine.

Paano kung ang asong nakakagat sa akin ay nabakunahan?

Kung gayon, kung tutuusin ay halos napakaliit ng posibilidad na may rabies sya at mahahawahan ka nya ng rabies. Subalit, panigurado, rekomendado na obserbahan parin ang aso sa loob ng 10 araw, kasi malay mo hindi walang gumana yung bakuna. Ito ay panigurado lamang pero mas okay na ang sigurado.

Tama ba na turukan agad ng anti-rabies kahit may turok naman ang aso?

me nakagat po ang alaga naming aso multiple po ang sugat ng nakagat, ang sabi po ng doktor eh obserbahan muna ng 10 days ang aso bago turukan ng anti rabies, anti tetano lang daw po muna ang iturok, eh ng itesting po ay positive sa allergy kay ang itinurok po ng nurse ay yong rabifour tapos kelangan din daw po na maturukan agad ng anti rabies dahil multiple yong sugat at ang halaga po ng vaccine eh 5050 pesos, tama po ba na turukan agad ang pasyente ng ganun? o dapat po muna obserbahan ang aso? kasi po me turok naman yong aso namin!

A: Kung marami o malaki ang sugat, mas safe talaga at naaayon sa protocol na turukan narin ng anti-rabies vaccine para makasiguro na hindi magkakaron ng rabies. Subalit kung kompirmadong may turok ang aso, kung wala naman itong sintomas ng pagiging ulol o pagkakaron ng mga sintomas ng rabies, at kung maoobserbahan ito ng 10 araw, maaari din namang sundin ang payo ng unang doktor na obserbahan muna ng 10 araw.

Ligtas na ba ako kung naturukan na ako ng series ng shots?

hello po dok. my katanungan lang po ako about sa rabies.. naglalaro po kc kami ng tuta ko na 3 months old tapos d po sinasadya na nagalusan ng ngipin nya ung daliri q nung march 29, 2014 ng umaga, . dumugo po peru napakaliit lang. tapos kinabukasan po pinacheck po namin sa veterinarian ung tuta ko. sv po is 90% na walang rabies ung tuta at 10% na my rabies. tapos sv po na magpavaccine na din kami para sigurado. sinaksakan po ng pampatulog ung tuta . at sv po na wag muna papakainin ung tuta pag nagising kc daw po mabubulnan dahil sa gamot. at nag pa vaccine narin po ako nung after namin pacheck ung tuta ng gabi ng march 30. tapos po kinabukasan ng gabi pinakain q po ng tinapay ung tuta ko. tas iniwanan q lang nabulunan po sya sa tinapay at namatay,.. doc dahil po kaya un sa rabies or sa sinaksak ng veterinarian.. ska dumaan na din po ako sa sereies of shot. ligtas na po ba ako? kc tapos na po ang series of shot. 4 months na po ako ngaun mula nung nakagat …slamat po sa pagsagot doc

A: Yes ligtas ka na kung naturukan ka naman ng series ng gamot. Yung tuta naman, malamang nabuluan talaga siya dahil sa gamot, lalo na kung hindi naman siya nagpakita ng sintomas ng rabies.

Nahagip lang ng ngipin ng tuta ang kamay ko. May rabies kaya siya?

Q: Doc, kahapon po nag lalaro kami ng alaga kong aso mag 4 months old plang po sya. tpos mdyo nahagip ng ngipin nya ung kamay ko. di naman nasugat pero nagkaroon sya ng scratch at namantal sya ng kunti pero walang sugat. at nung may 3 napaturukan ko sya ng anti rabies. may rabies po kaya sya? need ko po ba magpacheck sa doctor?

A: Kung scratch lang at hindi nagdugo, at kung ang aso ay may turok ng anti-rabies na wala naman siyang sintomas ng pagiging ulol o wala namang pagbabago sa kanya, sa palagay ko hindi mo naman kailangang magpatingin sa doktor. Obserbahan mo parin ang aso sa loob ng 10 araw para sigurado.

Pag walang sugat o hindi dumugo, pwede parin bang magma-rabies?

Q: Pag wala po bang sugat yung nakagat sayo ng aso o hindi po dumugo ay may chance po ba na magka rabies ako?

A: Tulad ng huli kong sagot, kung walang sugat at hindi dumugo, at kung ang aso ay walang sintomas o pagbabago at maoobserbahan naman sa loob ng 10 araw, hugasan lang ng mabuti ang sugat gamit ang tubig at sabon. Magpatingin sa doktor kung mamaga, mamula, o may pagbababgo sa sugat o sa aso pero kung wala naman ay huwag nang mag-alala.