Paano makaiwas sa GERD?

Upang maiwasan ang pagkakaroon ng GERD o ang dalas ng pagkakaranas ng mga sintomas nito gaya ng heartburn, makatutulong ang ilang mga pagbabago sa mga nakasanayang gawain. Maaaring makatulong kung susundin ang mga sumusunod na hakbang:

  • Pagpapanatili ng tamang timbang. Ang sobrang taba ng katawan lalo na sa bahagi ng tiyan ay maaaring makapagpasikip at makapisil sa sikmura na maaaring humantong sa pag-agos ng laman ng sikmura pabalik sa esophagus. Dahil dito, inirerekomenda ng mga doktor ang regular na pag-eehersisyo at pagkain ng balanse.
  • Iwasan ang pagsuot ng masisikip na damit. Ang masisikip na damit ay maaaring magdulot din ng pagkakapisil sa sikmura at pag-agos ng laman nito pabalik sa esophagus.
  • Iwasan ang mga pagkain at inumin na maaaring makapagpasimula ng acid reflux. Ang mga pagkain na kadalasang nagpapasimula ng acid reflux o ang pag-agos pabalik ng mga asido ng sikmura ay matatabang pagkain, alak, sibuyas, at kape.
  • Iwasan ang sobrang pagkain. Kumain lamang ng tama at sapat upang hindi mapuno ng husto ang tiyan.
  • Iwasan ang pag-higa pagkatapos kumain. Maaaring umagos pabalik sa esophagus ang mga kinain kung ang posisyon ng ulo ay mas mababa sa tiyan. Ito ay madalas na nararanasan sa nakahigang posisyon.
  • Iwasan ang paninigarilyo. Sinasabing ang paninigarilyo ay nakaka-kontribyut sa pagpalya ng lower esophageal sphincter.

Ano ang gamot sa GERD?

Ang paggagamot sa sakit na GERD ay nagsismula sa pag-inom ng mga gamot na nabibiling over-the-counter sa mga butika. Kabilang sa mga iniinom na gamot ay ang mga antacid tulad ng Kremil-S, Gaviscon at Maalox, mga gamot na nakapagpapababa ng produksyon ng asido sa sikmura gaya ng Ranitidine, at mga gamot na pumipigil sa produksyon ng asido sa simkura gaya ng Omeprazole. Kung ang mga gamot na ito ay hindi nakatutulong na maibsan ang mga sintomas na nararanasan, makabubuting magpatingin na sa doktor upang mabigyan ng mas malakas na gamot, o kaya ay magabayan sa ibang paraan ng gamutan gaya ng operasyon. Ang operasyon ay isinasagawa upang palakasin at dagdagan pa ang mala-singsing na humaharang sa pagitan ng tiyan at esophagus.

 

 

Paano malaman kung may GERD?

Ang GERD ay maaari nang matukoy sa pamamagitan ng pagtatanong ng doktor sa pasyente tungkol sa mga sintomas na nararanasan. Ang pagkakaranas ng madalas na pnanakit ng tiyan at dibdib ay maaaring mangahulugan ng pagkakaroon ng GERD. Bukod sa simpleng pagtatanong, maaring isagawa din ang ilang mga pagsusuri upang siguradong matukoy ang pagkakaroon ng GERD.

  • Pagmomonitor sa dami ng asido sa esophagus. Maaaring magpasok ng ilang instrumento mula sa ilong papasok sa lalamunan at esophagus na tutulong sukatin kung kailan at gaano kadami at kadalas umaakyat ang asido mula sa tiyan patungong esophagus.
  • X-ray sa daluyan ng pagkain. Maaaring masilip sa pamamagitan ng X-ray at barium contrast na magpapakita sa pagkilos at posibleng problema sa tiyan at esophagus.
  • Endoscopy. Sa pamamagitan ng mahabang tubo na may ilaw at camera sa dulo na pinapasok sa esophagus mula sa bibig, maaaring masilip ang posibleng problema at pagkakaroon ng GERD. Makakatulong din ang instrumenting ito sa pagsasagawa ng biopsy sa esophagus upang agad na matukoy ang pagkakaroon kanser na komplikasyon ng GERD.
  • Manometry. Sa pamamagitan ng pagsusuring ito, nakikita ang mismong paggalaw ng esophagus at tiyan, gayundin ang pagkakaroon ng GERD.

Ano ang mga sintomas ng GERD?

Ang sakit na GERD ay maaaring magdulot ng mga sumusunod na senyales at sintomas:

  • mainit na pakiramdam sa itaas na bahagi ng sikmura paakyat sa dibdib (heartburn).
  • pananakit ng dibdib
  • hirap sa paglunok
  • makapit na ubo (dry cough)
  • sore throat
  • acid reflux
  • pakiramdam na may bukol sa lalamunan

Minsan pa, ang malulubhang kaso ng GERD ay maaari ding magdulot ng pagsusuka na minsan ay may kasama pang dugo kung ito ay nagdulot na din ng ulcer sa esophagus.

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Makabubuting magpatingin na sa doktor kung o sa isang gastroenterologist, ang espesiyalista para sa mga karamdaman sa daluyan ng pagkain, kung makararanas ng mga nabanggit na sintomas. Lalong kailangan magpatingin kung ang mga sintomas ay napapadalas at hindi na naiibsan ng mga iniinom na gamot.

 

Kaalaman tungkol sa Gastroesophageal Reflux Disease (GERD)

Ang gastroesophageal reflux disease o GERD ay isang sakit na nakaaapekto sa daluyan ng pagkain (digestive tract) kung saan ang asido mula sa tiyan, o kaya ang mismong pagkain na tinutunaw sa tiyan ay umaagos pabalik (reflux) sa esophagus at nagdudulot ng iritasyon, implamasyon o pamamaga sa mga gilid na patong (lining) nito. Dahil dito, maaaring makaranas ng heartburn o ang paghapdi ng sikmura na umaabot hanggang dibdib, o kaya ay impatso (indigestion) o hirap matunawan. Ang sakit na ito ay maaaring maibsan sa pamamagitan ng pagbabago ng ilan sa mga nakasanayang gawain, pag-inom ng mga gamot, o kaya ay operasyon.

Ano ang sanhi ng GERD?

Ang dalas ng pag-agos pabalik ng asido mula sa tiyan (acid reflux) dahil sa problema sa mala-singsing na harang sa pagitan esophagus at tiyan (lower esophageal sphincter) ang siyang nagdudulot ng kondisyon na GERD. Ang lower esophageal sphincter (LES) ay ang mala-singsing na harang sa pagitan ng esophagus at tiyan na bumubukas lamang kapag may nilunok at nananatiling nakasara upang mapigilan sa pag-labas ang laman ng tiyan pabalik sa esophagus.

Sino ang maaaring magkasakit ng GERD?

Ang posibilidad ng pagkakaroon ng kondisyon GERD ay higit na mataas sa mga taong gumagawa o nakararanas ng sumusunod:

  • Sobrang timbang o obesity
  • pagbubuntis
  • naninigarilyo
  • panunuyo ng bibig
  • hika
  • diabetes
  • problema sa mga connective tissue, gaya ng scleroderma

Ano ang maaaring komplikasyon ng GERD?

Ang madalas na pagkakaranas ng GERD ay maaaring magdulot ng mga komplikasyon gaya ng sumusunod:

  • Pagsusugat o ulcer sa esophagus. Dahil sa asido na nakakairita sa mga lining ng esophagus, maaaring magkaroon ng mga sugat at ulcer. Dahil dito, ang indbidwal ay maaaring makaranas ng hapdi sa paglunok ng mga pagkain.
  • Paninikip ng daluyan ng esophagus. Ang madalas na implamasyon ng esophagus na humahantong sa pagsusugat at pagkakaroon ng ulcer ay maaaring humantong sa pagkakaroon ng mga peklat. Ang mga peklat na ito ay makakapal at maaaring magpasikip sa daluyan ng pagkain.
  • Dagdag na panganib sa pagkakaroon ng kanser. Ang isa sa malalalang komplikasyon ng madalas na GERD ay ang Barrett’s Esophagus o ang kondisyon ng pagbabago sa mga tissue sa paligid ng esophagus. Ang mga pagbabagong ito ay nakapagpapataas ng panganib ng pagkakaroon ng kanser sa esophagus.

Paano makaiwas sa Lactose Intolerance?

Dahil ang sakit na ito ay konektado sa genes na nakukuha bago ka pa ipanganak, hindi talaga kayang maiwasan ang pagkakaroon ng Lactose Intolerance. Ang magagawa na lamang ay ang pag-iwas sa mga pagkaing mayroong lactose upang hindi maranasan ang mga sintomas na dulot ng lactose intolerance.

Ano ang gamot sa Lactose Intolerance?

Sa ngayon, wala pang gamot ang makakatulong na solusyonan ang kakulangan sa enzyme na lactase. Kung kaya’t ang tanging magagawa lamang upang maiwasan ang sintomas na dulot ng lactose intolerance ay ang pag-iwas mismo sa mga pagkain at inuming may gatas, kasama rin dito ang mga produkto na yari mula sa gatas gaya ng keso, matikilya, at yogurt. Para sa mga may lactose intolerance, may mga produktog yari sa gatas din naman na prinoseso at binawasan na ang nilalamang lactose. Minsan ang ginagawa ng ilan, imbes na kumonsumo ng gatas sa isang inuman ay hinahati sa marami ang pagkonsumo sa gatas sa buong araw.  Dahil dito, nababawasan ang epekto ng pagkakaroon ng lactose intolerance.

Paano malaman kung may Lactose Intolerance?

Para sa karamihan na nagsasabing sila ay may lactose intolerance, hindi na sila nangailangan pa ng eksaminasyon o kahit na anong pormal na pagsusuri mula sa mga doktor. Kung ikaw ay lactose intolerant, kadalasang natutukoy mo ito sa sarili mo. Ngunit para sa mga taong hindi alam o hindi sigurado sa pagkakaroon nito, may ilang hakbang o pagsusuri ang isinasagawa ng doktor upang matukoy ang pagkakaroon ng lactose intolerance.

  • Obserbasyon at interbyu. Bago ang lahat, ang doktor ay maaaring magsagawa ng obserbasyon at interbyu sa pasyenteng hinihinalaan na may lactose intolerance. Maaari niyang tanungin sa interbyu kung ano ang mga nakain bago naranasan ang mga sintomas. Maaari ring humingi ng sample ng dumi na nailabas. Ang dumi ng taong may lactose intolerance ay matubig at kadalasang mabula. At sa huli, ipatatanggal ang gatas sa diyeta ng pasyente at saka oobserbahan kung may pagbuting naganap.
  • Hydrogen Breath Test. Ang pinakamabilis na pagsusuring isinasagawa ay ang Hydrogen Breath Test. Ngunit bago ito isagawa, kinakailangang walang laman ang tiyan sa nakalipas na magdamag. Sa oras naman ng eksaminasyon, paiinumin ang pasyente ng inuming may sangkap na lactose. Matapos ito’y pahihingahin ng ilang ulit sa isang instrumento na magsusukat ng hydrogen sa hangin na binuga. Kapag mataas ang lebel ng hydrogen sa hininga, maaaring mayroon ngang Lactose Intolerance.
  • Lactose Tolerance Test. Sinusukat naman sa eksaminasyong ito ang lebel ng asukal sa dugo ng sinususpetsahan na may lactose intolerance. Bago ito isagawa, kinakailangang walang laman ang tiyan sa nakalipas na magdamag. Paiinumin naman ng inuming may lactose ang pasyente, at matapos ay susukatin kung tumaas ang lebel ng asukal sa dugo. Kung walang pagbabago mula sa unang pagsukat, maaaring mayroong Lactose Intolerance.
  • Stool Acidity Test. Para naman sa mga sanggol at kabataan, isinasagawa ang stool acidity test. Dito’y sinusukat ang lebel ng lactic acid sa dumi ng pasyente. Kung mataas ang lactic acid, maaaring mayroong Lactose Intolerance.

 

Ano ang mga sintomas ng Lactose Intolerance?

Ang mga sintomas ng pagkakaroon ng lactose intolerance ay nararansan 30 minuto hanggang 2 oras matapos makakain o makainom ng pagkain o inumin na may sangkap na gatas o lactose. Ang sintomas na mararanasan ay maaari ding grabe o simple lang, depende kung gaano kalala ang kakulangan ng katawan sa enzyme na lactase. Ang mga sintomas na maaaring maranasan ay ang sumusunod:

  • Pagtatae o diarrhea
  • Pananakit ng ibabang bahagi ng tiyan
  • Pagkalam ng ibabang bahagi ng tiyan
  • Kabag
  • Kung minsan ay pagsusuka

 

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kung sa una ay hindi sigurado sa pagkakaroon ng lactose intolerance, o kaya naman ay masyadong nababahala sa mga nararanasang sintomas, maaaring magpasuri sa doktor.

Mga kaalaman tungkol sa Lactose Intolerance

Lactose Intolerence ang kondisyon na tumutukoy sa kawalan ng kakayanan ng katawan na tunawin ang lactose, isang uri ng asukal na natural na makukuha sa gatas. Ang sakit na ito ay dahil sa kakulangan ng katawan sa enzyme na kung tawagin ay lactase. Hindi naman talaga nakakabahala ang kasong ito, bagaman maaari itong magdulot ng hindi kumportableng pakiramdam, lalo na sa tuwing magdudulot ito ng pagtatae.

Gaano kalaganap ang kaso ng Lactose Intolerance?

Ayon sa mga pag-aaral, 70 porsyento ng populasyon ng mundo ay nakakaranas ng lactose intolerance, at karamihan dito ay nagmula sa mga lahing Asian, Katutubong American (Native Indians), at Kastila. Sa Pilipinas, dahil sa pagiging Asiano at karamihan ay nahaluan ng dugong Kastila, kalahati daw ng populasyon ay hindi kayang tumunaw ng lactose.

Bakit nagkakaroon ng Lactose Intolerance?

Ang pagkakaroon ng Lactose Intolerance ay nangangahulugan din ng kakulangan sa enzyme na lactase, ngunit dapat tandaan na hindi sa lahat ng pagkakataong kulang ang lactase ay agad na makakaranas ng lactose inolerance. Malaki ang papel ng heredity sa pagkakaroon ng kondisyong ito. Ang kakulangan sa lactase ay kadalasang dulot ng mutation o pagbabago sa genes ng tao habang ipinagbubuntis pa lamang o di kaya nama’y namana ito mula sa mga magulang na lactose intolerant. Ito ang dahilan kung bakit maaaring magkaroon agad ng lactose intolerance mula sa kapanganakan (congenital) pa lang, o kaya naman, ay makuha ito kinalaunan sa pagtanda (developmental). Bagaman maaari din naman na ang kakulangan sa lactase ay dulot ng isang sakit na sumisira sa mga pader ng bituka na kinalalagyan ng lactase, halimbawa ay ang sakit na celiac sprue. Bukod pa rito, ang mga taong pinanganak na kulang sa buwan (premature birth) at sumasailalim sa radiation therapy sa bandang tiyan marahil dahil sa kanser, ay may mataas din na posibilidad na magkaroon ng lactose intolerance.

Maaari bang tawagin na allergy sa gatas ang sakit na Lactose Intolerance?

Mali na tawaging allergy sa gatas ang pagkakaroon ng Lactose Intolerance sapagkat ito ay dalawang magkaibang kaso. Unang una, ang allergy sa gatas ay isang kaso ng problema sa protina ng gatas, samantalang ang lactose intolerance ay problema sa asukal na lactose. Magkaiba rin ang sintomas na nararanasan sa magkaibang kaso na ito. Kung ang taong may lactose intolerance ay maaring makaranas ng pagtatae at pananakit ng tiyan, ang taong may allergy naman ay maaaring makaranas ng pamumula ng balat (rashes) o kaya’y problema sa paghinga.

Kung bawal ang gatas, saan pa puwedeng makakuha ng calcium?

Hindi dapat ikabahala ang posibilidad na magkulang sa calcium sa pagkakaroon ng lactose intolerance. Bukod sa gatas, may iba pang pagkain ang mayaman sa calcium. Halimbawa ay ang mga gulay na berde at madahon, broccoli, salmon at tokwa. Makakatulong din ang pag-inom ng mga supplements at vitamins na mabibili sa botika. Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa calcium, basahin ang Mga Pagkaing Mayaman sa Calcium.