Mga kaalaman tungkol sa Magnetic Resonance Imaging o MRI

Ano ang MRI at para saan ito?

Ang pagsusuri gamit ang Magnetic Resonance Imaging o MRI ay isa ring mahusay at ligtas na diagnostic test o pamamaraan ng pagtukoy sa mga kondisyon o karamdaman sa katawan na gumagamit ng magnetic field o radio waves. Sa pamamagitan nito, makita ang detlayadong imahen ng mga kalamnan sa loob ng katawan at iba pang mga kondisyon dito gaya ng mga tumor, pagbabara sa mga daluyan, at iba pa.

Kanino isinasagawa ang MRI?

Ang MRI ay maaaring isagawa sa kahit na sino, lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Ngunit ito ay pinakamdalas na isinasagawa sa mga taong may pilay, o fracture sa buto, may mga kondisyon sa utak, spinal cord, puso at mga daluyan ng dugo. Gayun din sa mga taong nakararanas ng iba pang kondisyon sa tiyan, mga bato, baga, at suso.

Paano isinasagawa ang MRI?

Ang pagsusuri gamit ang MRI ay isinasagawa sa isang malaki at mala-tubong makina kung saan pinahihiga sa loob ang pasyente. Ang makina ay maglalabas ng malakas na magnetic field at radio waves na direktang ipapatama sa katawan ng sinusuring pasyente. Ito ay mabilis lang na nagtatagal ng hanggang isang oras at walang maidudulot na pananakit o anumang pakiramdam. Minsan pa, upang matukoy ang ilang paggana ng katawan, maaaring may ipagawa ang doktor sa pasyente habang sinusuri ng MRI. Maaari ding isagawa ito na natutulog ang pasyente.

Ang resulta ng pagsusuri ay pumapasok sa isang computer at pinag-aaralan at binabasa naman ng isang radiologist.

Ano ang mga kondisyon na maaaring matukoy sa MRI?

Sa pamamagitan ng MRI, maaaring matukoy ang ilang karamdaman at kondisyon sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Dahil ito ay itinuturing na ligtas na pamamaraan, ito ay kalimitang ginagamit upang tukuyin ang mga kondisyon sa utak at spinal cord gaya ng pagputok ng mga ugat, pagkakaroon ng tumor, stroke, at iba pang pinsala sa nasabing bahagi ng katawan. Maaari ring matukoy ang mga paggana sa utak gamit ang funtional MRI o fMRI.

Madalas din gamitin ang MRI upang tukuyin ang mga kondisyon sa puso at daluyan ng dugo. Kabilang dito ang mga pagbabago sa laki ng puso, mga pinsala na dulot ng mga karamdaman sa puso, at pamamaga sa mga daluyan ng dugo.

Ang MRI ay mahusay din sa pagtukoy ng mga kondisyon sa atay, bato, lapay, matres, at iba pang mga lamang loob ng tao.

Paano paghahandaan ang MRI?

Bago isagawa ang MRI, mahalaga na malaman ng doktor kung mayroong mga bakal at ilang atipisyal na bahagi ang nasa loob ng katawan gaya ng bakal na buto, artipisyal na valves sa puso, pacemaker, o bala ng baril na naiwan sa loob ng katawan. Tandaan na ang mga ito ay maaaring makaapekto sa resulta ng pagsusuri at maaari ring makasama sa mismong kalusugan ng pasyente.

Mahalaga rin na malaman ng doktor kung ang pasyente ay buntis, sapagkat maaaring maapektohan ng mga magnetic field ang sanggol na nasa sinapupunan.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng MRI?

Ang resulta ng MRI ay madali lang rin makuha sapagkat ang mga imahe na nakukuha sa pagsusuri  ay pumapasok ng “real time” sa isang computer. Maaaring maghintay lamang ng ilang minuto hanggang isang oras para makuha ang resulta nito.

Ano ang maaaring epekto ng MRI sa katawan?

Ang MRI, sa pangkalahatan, ay itinuturing na ligtas na pamamaraan ng pagsusuri sa mga pasyente. Gumagamit ito ng mga magnetic feilds at radio waves na walang epekto sa katawan. Ito rin ay hindi gumagamit ng X-ray radiation, kung kaya mas mapapanatag ang loob ng mga pasyente na may pangamba sa paggamit ng X-ray radiation.

Kung susunding mabuti ang tamang paraan ng paggamit nito, ito ay walang maidudulot na masamang epekto sa katawan.

Mga kaalaman tungkol sa Ultrasound

Ano ang Ultrasound at para saan ito?

Ang ultrasound, o sonography, ay isang pamamaraang medikal na gumagamit ng sound waves o tunog, na hindi kayang marinig ng tao, upang masilip ang mga bagay-bagay at istruktura sa loob ng katawan. Isa itong mabisang diagnostic test o paraan ng pagtukoy ng mga karamdaman, o kondisyon sa katawan. Madalas din itong gamitin upang silipin ang sanggol na nasa sinapupunan pa lamang. Ginagamit din ito upang pag-aralan ang galaw at paggana ng ilang bahagi ng katawan gaya ng puso, pagdaloy ng dugo, kilos ng mga buto at kalamnan. Maaari ring gamitin ang ultrasound upang magabayang ang karayumna ginagamit sa pagkuha ng biopsy. Ang sound waves na may mataas na frequency na ginagamit sa pamamaraan ito ay nagmumula sa instrumentong transducer.

Kanino at kailan isinasagawa ang Ultrasound?

Ang pagsasagawa ng ultrasound ay maaaring gawin sa kahit na sinong tao ayon sa rekomendasyon ng doktor. Maari itong isagawa sa pag-aaral sa mga pagbubuntis, sa pagtukoy ng mga sakit, at sa paggabay ng iba pang pamamaraan tulad ng biopsy.

Para sa mga buntis, ginagamit ang ultrasound upang masilip ang sanggol na nasa sinapupunan. Sa pamamagitan ng ultrasound, maaaring matukoy ang kasarian ng sanggol, ang kabuwanan, pagkakaroon ng kambal, at iba pang kondisyon sa pagbubuntis. Mahalaga rin ito sa pagtukoy ng problema sa panganganak gaya ng suhi, pagpulupot ng pusod sa bata, at iba pa.

Sa pagtukoy naman ng mga karamdaman at kondisyon sa katawan, makatutulong ang ultrasound sa pagsilip sa mga bahagi ng kalamnan na malambot at manipis na hindi nakikita sa ibang pagsusuri gaya ng X-ray.

Para naman sa pagsasagawa ng biopsy, makatutulong ang ultrasound para magabayan ang karayom patungo sa bahagi ng katawan na kukuhanan ng laman para sa pag-aaral.

Paano isinasagawa ang Ultrasound?

Ang transducer na ginagamit sa pagsasagawa ng ultrasound ay dinidikit lamang sa balat malapit sa bahagi ng katawan na nais silipin. Ang sound waves na tumatama sa bahagi ng katawan ay babalik bilang mga echo kasama ang imahe ng bahaging sinusuri. Ang imaheng lumalabas ay pumapasok na direkta sa isang computer kung saan maaari itong i-record. Ang resulta ng pagsusuri ay tinitignan at binabasa ng isang ragiologist, at ipapasa naman sa doktor ng pasyente.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng Ultrasound?

Ang resulta ng ultrasound ay kadalasang nakukuha naman kaagad sapagkat ang resulta ay pumapasok ng “real time” kasabay ng pagsusuri.

Maroon bang epekto ang ultrasound sa katawan?

Ang pamamaraan na gumagamit ng ultrasound ay itinuturing na ligtas sapagkat wala naman itong kahit na anong epekto sa katawan. Bagaman ang pagsusuring ito ay mayroong limitasyon, lalo na sa pagsilip nga mga bahaging naikukubli ng matigas na buto. Dahil dito, inirerekomenda ang paggamit ng ibang pamamaraan gaya ng X-ray, CT Scan at MRI.

Mga kaalaman tungkol sa Pagsusuri ng Dugo o Blood Testing

Ano ang Blood Testing at para saan ito?

Ang pagsusuri ng dugo ay isang mabisang uri ng diagnostic test o pamamaraan sa pagtukoy ng kondisyon o karamdaman na isinasagawa sa laboratoryo. Sa pamamaraang ito, natutukoy ang ilang mga bagay gaya ng bilang ng mga cells, balanse ng mineral at kemikal na natural na nasa dugo, pati na ang presensya ng ibang bagay na karaniwang wala naman. Ang anumang pagbabago sa normal na bilang, sukat, at lebel ng mga bagay na bumubuo sa dugo ay maaaring indikasyon ng karamdaman, abnormalidad o anumang kondisyon sa katawan. Maaari din itong isagawa upang mabantayan ang reaksyon ng katawan mula sa mga binibigay na gamot, o kaya naman ay para makita ang ilang kaganapan sa katawan, partikular sa atay at bato.

Kanino at kailan isinasagawa ang pagsusuri ng dugo?

Kahit na sinong tao ay maaaring isailalim sa pagsusuri ng dugo lalo na kung may rekomendasyon ng doktor. Maaaring ito ay para matukoy ang sanhi ng nararanasang sintomas o abnormalidad sa katawan, o kaya naman ay para lamang makasiguro na ang katawan ay nasa normal na kondisyon. Mahalaga rin ang blood testing sa pagmomonitor ng mga kaganapan sa katawan. Sinusuri din ang dugo bago magsagawa ng paglilipat ng dugo o blood transfusion.

Paano isinasagawa ang pagsusuri ng dugo at anu-ano ang sinusuri dito?

Ang pagsusuri ng dugo ay nagsisimula sa blood extraction o pamamaraan ng pagkuha ng dugo na kadalasang ginagawa ng mga nurse, medical technologists, paramedics o kaya naman ay mismong doktor lalo na sa mga kritikal sa kondisyon. Depende sa uri ng pagsusuring isasagawa, ang pagkuha ng dugo ay maaaring maramihan o kaya ay kakaunti lamang. Para sa mga simpleng pagsusuri ng dugo, maaaring kumuha lamang ng ilang patak ng dugo mula sa pagtusok sa daliri. Ngunit kung ang isasagawang pagsusuri ay mangangailangan ng marami-raming dugo, kinukuha ito direkta mula sa ugat na nasa tupi ng braso. Pinupuluputan ng malagoma na tali ang braso, na kung tawagin ay tourniquet, upang mas makita ng husto ang ugat na tutusukan. Kapag ang ugat ay lumitaw na, tinutusok ito ng karayom at saka hihigupan ng ilang mililitrong dugo gamit ang hiringilya. Ang dugong makukuha ay nilalagay sa espesyal na lalagyan o bote na makapipigil sa pamumuo ng dugo.

Ang nakuhang dugo ay inaaral sa laboratoryo at sinusuri depende sa kung ano ang pangangailangan. Maaaring ito ay silipin sa ilalim ng microscope, o kaya ay haluan ng iba’t ibang substansya para makita ang paggana ng dugo o para masukat ang mga lebel ng ilang kemikal na nasa dugo.

Anu-ano ang mga iba’t-ibang uri ng pagsusuri ng dugo?

Ang mga karaniwang pagsusuri ng dugo na ginagawa sa laboratoryo ay ang sumusunod:

  • Blood smear – Ito ang pinakasimpleng pagsusuri ng dugo sa ilalim ng microscope. Maaari itong isagawa upang matukoy ang presensya ng “foreign bodies” sa dugo, gaya ng pagkakaroon ng parastiko.
  • Complete blood count (CBC) – isinasagawa upang mapag-aralan ang bilang at kondisyon ng mga cells na nasa dugo. Kadalasan ay para matukoy ang pagkakaroon ng anemia.
  • Paggana ng Atay (LFT) – Maaaring suriin ang dugo ispesipiko para sa paggana ng atay o Liver Function Test (LFT). Matutukoy dito kung mayroong problema sa atay.
  • Paggana ng Bato (eGFR) – Ang paggana din ng mga bato ay maaaring matukoy sa pamamagitang ng ispesikipong pagsusuri para dito. Ang Estimated glomerular filtration rate o eGFR ay tumutukoy sa kakayahan ng bato na salain ang dugo.
  • Paggana ng Thyroid (TSH) –
  • Blood sugar (Glucose) level – Binabasa ang lebel ng asukal sa dugo upang mabantayan ang kondisyon ng diabetes.
  • Blood cholesterol level – Mahalaga rin na matukoy ang lebel ng cholesterol sa dugo upang maagapan ang posibilidad ng stroke at atake sa puso.
  • Pagsusuri para sa implamasyon o pamamaga – Ang ano mang impeksyon at pamamaga sa katawan ay maaari ding masuri sa pamamagitang ng mga ispesipikong blood tests gaya ng erythrocyte sedimentation rate (ESR), C-reactive protein (CRP) at plasma viscosity (PV). Ang pagtaas sa lebel ng mga ito ay indikasyon ng implamasyon sa katawan.
  • Pagsusuri  para sa Antigen at Antibody – Isinasagawa ito para malaman kung may kakayahan ang katawan na labanan ang ilang particular na sakit na dulot ng mga mikrobyo.
  • Blood Type – Isa sa mga pinakakaraniwang isinasagawa ay ang pagtukoy sa blood type ng isang tao. Mahalaga ito para maiwasan ang paghahalo-halo ng magkakaibang uri ng dugo lalo na kung maglilipat ng dugo (blood transfusion). Mahalaga din na matukoy ang blood types sa pagbubuntis.

Paano pinaghahandaan ang pagsusuri ng dugo?

Sa mga simpleng pagsusuri ng dugo gaya ng pagtukoy ng bloodtype, CBC at blood smear, wala namang mahalagang paghahanda. Ngunit para sa iba pang pag-susuri, maaaring kinakailangang huwag munang kumain isang araw o ilang oras bago ang pagkuha ng dugo. Maaaring pagbawalan sa pag-inom ng kahit na anong gamot, pati na ang pag-inom ng alak. Sunding mabuti ang payo ng doktor bago isagawa ang pagsusuri ng dugo.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng pagsusuri ng dugo?

Ang resulta ng pagsusuri ng dugo ay maaaring makuha sa loob ng ilang oras lamang hanggang isang buong araw, o kaya ay isang buong linggo. Depende ito sa uri ng pagsusuri na isinagawa.

Ano ang maaaring epekto sa katawan ng pagsusuri ng dugo?

Ang pagsusuri ng dugo na sumunod sa pamantayan ng pagsasagawa nito ay kadalsang wala namang epekto sa katawan kung kaya ang pamamaraang ito, sa pangkalahatan, ay itinuturing na safe. Ngunit kung sakaling may pagbabago o pagkakamali sa mga hakbang ng pagkukuha ng dugo, maaaring magdulot ng ilang epekto na kadalasang hindi naman seryoso gaya ng pagkakaroon ng pasa sa lugar ng pinagtusukan. Minsan pa, maaari ding magkaroon ng impeksyon sa lugar ng pinagtusukan lalo na kung hindi malinis ang pamamaraan ng pagkuha ng dugo.