Sa Pilipinas, ang pagsusuri ng plema sa pamamagitan ng eksaminasyon na tinatawag na Sputum AFB smear ay ang pangunahing paraan ng pagsusuri ng tuberculosis o TB. Ito ay isinasagawa ng tatlong beses; pwedeng sa loob ng tatlong araw na magkakasunod. Upang magkaron ng sample na mainam, idahak ang iyong plema pagkagising sa umaga sa lalagyan, at iyon ang ibigay sa center. Hindi katanggap-tanggap ay laway. Ulitin ito ng dalawa pang beses para magkaron ng tatlong sample. Kung positibo ang 2 o 3 sa mga sample, ito ay kompirmasyon na isang tao ay may TB.
Kung isa lamang ang positibo o lahat ay negatibo, ngunit may sintomas ng TB, kinakailangan ng chest x-ray upang makompirma at pagdedesisyunan ng doktor kung dapat bang ituloy ang gamutan.
Sa ibang bansa kung saan bibihira ang mga nagkakaron ng TB, ang tuberculin skin test, kung saan may itinuturok na konti sa balat at inoobserbahan kung uumbok ang balat, at mga blood test kung saan sinusuri ang dugo kung may mikrobyo ng TB, ang ginagamit.