Ano ang Computerized Tomography Scan?
Ang Computerized Tomography Scan, na mas kilala sa tawag na CT Scan, ay isang makabagong pamamaraan ng pagsusuri sa loob na bahagi ng katawan. Ito ay gumagamit ng radiation na X-ray at pinapatama sa iba’t ibang angulo upang makuha ang mala-3D na imahe ng loob na bahagi ng katawan. Ang resulta ng pagsusuri naman ay agad na pumapasok sa isang computer na madali naman nasusuri ng isang radiologist. Dahil ang CT Scan nakakalikha ng masdetalyadong resulta, ito ay isa sa mga pinakaepektibo at pinakamabisang paraan ng pagsuri o pag-diagnose ng mga karamdaman o kondisyon sa lahat ng bahagi ng katawan.
Kanino at kailan ginagamit ang CT Scan?
Ang pagsasagawa ng CT Scan ay maaari sa kahit na sinong pasyente ayon sa rekomendasyon ng doktor. Maaaring gamitin ito para matukoy ang mga pilay o anumang kondisyon sa mga buto at kalamnan. Makatutulong din ang CT Scan sa pagtukoy sa mismong lugar na kinaroroonan ng mga tumor, impeksyon, o pamumuo ng dugo sa loob ng katawan. Ginagamit din ito upang gabayan ang pagsasagawa ng iba pang pamamaraan gaya opersyon, biopsy, at radiotherapy. Ang pagbabantay sa paglala o pagbuti ng mga sakit tulad ng kanser, pagkasira ng atay, sakit sa puso at iba pa, ay ginagamitan din ng CT Scan.
Paano isinasagawa ang CT Scan?
Sa tulong ng isang radiation technologist, ang pasyenteng susuriin ay pinahihiga sa isang lamesa kung saan nakadikit ang scanner ng CT Scan. Ang scanner ay itsurang bilog na may butas sa gitna, na tila isang doughnut. Sa bawat pag-ikot ng bilog na scanner, nakukuhanan ng imahe ang bahagi ng katawan sa iba’t ibang angulo, at ang mga nakuhang ito ay pumapasok kaagad sa isang computer. Ang mga resulta naman ay maaring i-print upang mapag-aralan ng mga doktor. Minsan, gumagamit din ng “contrast” sa pagsusuri gamit ang CT Scan upang mas maging malinaw ang kaibahan ng mga bahagi ng katawan. Ang contrast ay maaaring iniinom, tinuturok o pinapasok sa butas ng puwit.
Ano ang mga kondisyon na maaaring matukoy sa CT Scan?
Gamit ang CT Scan, maaaring matukoy ang halos lahat ng karamdaman na nakakaapekto sa katawan. Una ay sa mga buto at kalamnan sa lahat bahagi ng katawan. Maaari nitong matukoy kung may pilay, impeksyon, o anumang kondisyon sa mga bahaging ito. Maaari din suriin ang mga kondisyon, impeksyon, mga abnormalidad o pagtubo ng mga tumor sa mga ispesipikong organs o laman ng katawan gaya ng puso, atay, bato, apdo, lapay, at maging sa utak.
Paano paghahandaan ang CT Scan?
Bago isagawa ang CT scan, dapat ay ipaalam muna kung ang pasyente ay buntis, may allergy, may diabetes o kondisyon sa iba pang bahagi ng katawan. Ito ay para maiwasan ang maaarig komplikasyon ng radiation sa dinadalang bata, at ang ‘di nais na reaksyon ng “contrast” sa katawan. Maaari ring patigilin muna sa pagkain ang pasyente isang araw bago masuri upang maiwasan ang maling diagnosis lalo na sa daluyan ng pagkain gaya ng sikmura at mga bituka. Upang mas maging epektibo ang pagsusuri ng CT Scan, tiyaking susundin ang lahat ng payo ng mga doktor.
Gaano katagal bago makuha ang resulta ng CT Scan?
Dahil ang mga imahe ng pagsusuri ay agad na pumapasok sa isang computer, at mabilis din namang napag-aaralan ng mga radiologist, ang result ay maaaring makuha kaagad ilang minuto o ilang oras pagkatapos isagawa ang CT Scan.
Ano ang maaaring epekto ng CT Scan sa katawan?
Dahil ang CT Scan ay gumagamit din ng radiation ng X-ray, mayroong panganib na magdulot ito ng kanser, bagaman napakababa lamang. Kahit na mas maraming radiation ang ibinabato sa katawan ng CT Scan kumpara sa isang simpleng X-ray test, napakaliit pa rin ng posibilidad na humantong ito sa ibang sakit sapagkat kontrolado at napakaliit lamang ng radiation na binubuga ng mga makinang ito at kadalasang hindi naman sapat para makapagpasimula ng karamdaman. Pinakamataas lamang ang panganib sa mga buntis sapagkat maaaring makapekto ang radiation sa mga batang nasa sinapupunan pa lamang. Sa ganitong sitwasyon, maaaring gumamit ng ultrasound at magnetic resonance imaging (MRI) na mas ligtas.