Mga alternatibong pagkain para sa may diabetes

Sa Pilipinas, isa ang diabetes sa sampung pangunahing sanhi ng kamatayan. Kaya naman, mahalaga na malinang sa isip ng mga Pilipino kung paano makokontrol ang sakit at maiwsang lumala at humantong sa mga nakamamatay na komplikasyon. Basahin ang mga paraan ng pag-iwas sa komplikasyon ng sakit na diabetes: Pag-iwas sa komplikasyon ng diabetes.

Ang kaalaman sa mga pagkaing maaari lamang kainin ang susi sa matagumpay na pagkokontrol sa sakit. Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga alternatibong pagkain na maaaring piliin kung may diabetes.

diabetes food

Ang mga pagkaing may simpleng uri ng carbohydrates gaya ng asukal, kanin, at tinapay, ay mas maiging mapalitan ng mga pagkaing may komplikadong uri ng carbohydrates gaya ng oats, pasta, whole-grain na tinapay, kamote, at mais. Malaki ang maitutulong nito na maiwasan ang mabilis na pagtaas ng lebel ng asukal sa dugo.

Kasabay naman ng pagbabawas sa dami ng carbohydrates sa pagkain, makabubuting palitan ito ng mga pagkain na mayaman sa protina (beans, manok, isda, puti ng itlog, gatas), fiber (gulay at prutas) at omega 3 fats (isda at mga mani).

Basahin pa sa Kalusugan.Ph ang iba pang paraan ng pangangalaga sa kalusugan ng may diabetes. 10 Tips sa Pangangalaga ng Kalusugan ng may Diabetes.

 

 

10 Tips sa pangangalaga sa kalusugan ng may diabetes

Ang pagkontrol sa mga pagkain na kinakain sa araw-araw na sinasabayan pa ng regular at tamang pag-eehersisyo at pag-inom ng mga gamot ang pinakaepektibong paraan ng pangangalaga at pagmementena sa kalusugan ng taong may sakit na diabetes. Dapat itong isaalang-alang nang sa gayon ay maiwasan ang mga hindi kanais-nais na epekto at komplikasyon na dulot ng sakit. Ang sumusunod na mga tips ay makatutulong sa pagpapanatili ng kalusugan ng taong may diabetes.

Diabetic patient doing glucose level blood test

1. Kumain lagi nang regular sa oras.

Ang sobrang pagtaas o sobrang pagbaba ng lebel ng asukal sa dugo na karaniwang nararanasan kung may sakit na diabetes ay maaaring maiwasan kung kakain nang regular sa oras. Halimbawa, ang oras ng almusal ay panatilihing nakapako sa alas-7 ng umaga sa bawat araw, ang tanghalian sa ay sa tanghaling tapat, at ang pagkain sa hapunan ay ipako naman sa alas-7 ng gabi sa bawat araw.

2. Palitan ang mga simpleng carbohydrates ng mga komplikadong carbohydrates.

Ang mga pagkaing may simpleng uri ng carbohydrates gaya ng asukal, kanin, at tinapay, ay maiging mapalitan ng mga pagkaing may komplikadong uri ng carbohydrates gaya ng oats, pasta, whole-grain na tinapay, kamote, at mais. Malaki ang maitutulong nito na maiwasan ang mabilis na pagtaas ng lebel ng asukal sa dugo.

3. Bawasan ang dami ng carbohydrates na kinakain.

Sapagkat ang carbohydrates ay isang komplikadong uri ng asukal, kung maaari, bawasan na ang dami ng kinakain na carbohydrates sa bawat araw. Bigyang pansin ang iba pang pagkain gaya ng mga gulay, puti ng itlog, at mga karne.

4. Dagdagan ng protina, fiber at omega 3 fats ang mga kinakain.

Ang binabawas na carbohydrates sa pagkain ay makabubuting palitan ng mga pagkain na mayaman sa protina (manok, isda, puti ng itlog, gatas), fiber (gulay at prutas) at omega 3 fats (isda at mga mani). Ang mga ito ay makatutulong na pabilisin ang metabolismo at mabawasan ang hindi kinakainlangang taba sa katawan, na nagreresulta naman sa mas mabilis na pagkontrol sa lebel ng asukal sa katawan.

5. Mag-ehersisyo araw-araw.

Mas magiging epektibo pagkontrol sa mga kinakain kung masasabayan ito ng regular na pag-eehersisyo. Ang paglalakad nang 45 minuto sa bawat araw ay sapat na para mamentena ang lebel ng asukal sa dugo, at mabawasan ang mga taba sa katawan. Basahin ang ilang mabubuting ehersisyo na madaling gawin sa umaga: 7 Ehersisyo na Maaring Gawin sa Umaga.

6. Regular na pagbabantay sa dami ng asukal sa mga kinakain.

Siyempre pa, mahalaga na mabantayan nang husto ang dami ng asukal na pinapasok sa katawan. Alamin at bilangin kung gaano karami ang taglay na asukal ng bawat pagkaing kinakain. Sa tulong nito, mas madaling malilimitahan ang pagtaas ng lebel ng asukal sa dugo. Basahin din ang masasamang epekto ng sobrang asukal sa pagkain: Masasamang Epekto ng Sobrang Asukal.

7. Tiyakin na nasa tama lamang ang timbang.

Isa rin sa mga pinaka-epektibong paraan ng pagmementena sa sakit na diabetes ay ang pagpapanatili ng tamang timbang. Mas mahirap makontrol at malunasan ang sakit kung ang timbang ay sobra o obese. Basahin ang ilang tips na makatutulong para mapanatiling nasa tama ang timbang: Mga Tips Kung Paano Maiiwasan ang Obesity o Sobrang Timbang.

8. Iwasan na ang matatamis na inumin at pagkain.

Ang mga pagkain at inuming sobrang matatamis gaya ng mga softdrinks, cake, at iba pang matatamis na mga panghimagas ay iwasan na.

9. Huwag manigarilyo.

Ang mga taong naninigarilyo ay mas mataas ng 50 porsento sa posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na diabetes, kumpara sa mga taong hindi naninigarilyo. Siyempre pa, mas magiging epektibo ang paggagamot at pagkontrol sa lebel ng asukal sa dugo kung ititigil na ang bisyo. Basahin din ang masasamang epekto ng paninigarilyo: 10 Dahilan para Itigil ang Paninigarilyo.

10.  Umiwas sa stress.

Dapat ding iwasan ang stress upang mas epektibong makontrol ang sakit na diabetes. Ayon kasi sa ilang mga pag-aaral, malaki ang posibilidad na mapakain nang husto ang taong problemado o dumadanas ng stress. At ang resulta, mas nahihirapan na makontrol ang sakit na diabetes. Basahin ang masasamang epekto ng stress sa kalusugan: Masasamang epekto ng stress.

Paano makaiwas sa diabetes?

Ang Type 1 Diabetes ay hindi maiiwasan, pero ang Type 2, na siyang higit na mas karaniwan, ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagkain ng masustansya, pag-eehersisyo o pagiging mas aktibo, at pagbabawas ng timbang.

Pagkain ng masustansya at pag-iwas sa matataba at sobrang tamis na pagkain

Ang pagkain ng masustansya ay hindi lamang nakaka-iwas sa diabetes, nakakiwas din ito sa iba’t ibang sakit gaya ng hypertension (high blood), sakit sa puso, at marami pang iba. Ugaliing kumain ng prutas at gulag araw-araw, at piliin ang mas masustansya o healthy na pagkain tuwing pipili sa pamilihan. Bawasan ang pagkain ng matataba – pero okay lang tumikim paminsan-minsan ng lechon. Iwasan ang sobrang matatamis. Maaaring sa una, matabangan ka sa mga pagkain na konti lang o walang asukal pero pag nasanay ka, mapapansin mo na sasarap din ang mga pagkain ito — nasasapawan ang asukal ang likas na lasa ng mga pagkain.

Maging aktibo; mag-ehersisyo!

Anumang edad, may mga physical activity na pwedeng gawin at i-enjoy. Piliin kung anong nababagay sa iyong pamumuhay o lifestyle. Hindi kailangang gumasta para magkaron ng aktibong pamumuhay – libre lang ang tumakbo sa inyong barangay tuwing madaling araw, o makipaglaro ng basketball sa mga kapitbahay. Piliin ang mga aktibidad na napupusuan mo, at alamin ang mga programa na inyong komunidad – baka may libreng Zumba o iba pang physical activity. Ang pag akyat ng bundok o paglalakad sa gubat, dalampasigan, at iba pang dako ng kalikasan, ay isa ring magandang aktibidad.

Magbawas ng timbang

Malaki ang nagagawa ng pagbabawas ng timbang sa pag-iwas ng diabetes, at ang naunang dalawang payo ay siya naring susi para makamit ito. Tandaan, hindi madaling gawin ang mga hakbang na ito, lalo na sa umpisa, pero mas dumadali ito kung nakasanayan na. Isipin na lang na higit na mas mahirap kung magkakaron ka ng diabetes: ang pag-iwas ay mas maganda kaysa lunas!

Kung ikaw ay may diabetes na, hindi pa huli ang lahat

Ang pagsasagawa ng mga hakbang na nabanggit natin dito ay malaki din ang maitutulong kahit sa mga taong na-diagnose na ng diabetes. Muli, hindi lamang gamot ang kailangan. Kailangan ng pagbabago ng pagkain at pamumuhay, at kung ikaw ay may tiyaga, malaki ang magagawa nito tungo sa kalusugan.

Ano ang gamot sa diabetes?

Bilang isang chronic disease o pangmatagalang sakit, ang diabetes ay kinakailangan ng kombinasyon ng gamot na iniinom, at pagbabago sa pagkain at pamumuhay (lifestyle modification). Dapat maging masipag at mapagpasensya ang mga pasyente sa pag-inom ng gamot, at suportado ng mga kamag-anak, gayun din naman ang pagbabago sa pagkain at pamumuhay. Dapat ding regular na namomonitor ang blood sugar ng pasyente sa pamamagitan ng glucose monitors at na maaaring gamitin sa bahay, o kaya naman sa health centre. Maganda ring regular na makuha ang blood pressure.

Anong mga gamot sa diabetes?

May mga iba’t ibang klase ng gamot para sa diabetes, depende sa klase ng pasyente. Kalimitan, Metformin ang unang ibinibigay sa mga bagong kaso ng diabetes, pero ang dosage (kung ilang miligrama) ay nakadepende kung gaanong kataas ang blood sugar at iba pang konsiderasyon. Mahalagang ikonsulta ang doktor kung anong pinakamagandang gamot para sa pasyente.

Sa mga may Type 1 Diabetes at sa mga kaso ng Type 2 Diabetes na hindi rumeresponde sa mga ibang gamot, maaaring ireseta ang insulin, na karaniwan ay itinuturok sa tiyan gamit ang maliit na karayom (parang kagat lang ng langgam ang turok na’to). Muli, kinakailangang tama ang dami at dalas ng insulin na ituturok — pwedeng mahimatay ang isang tao kapag nasobrahan siya ng insulin at kung kulang naman ay hindi nito magiging epektibo.

Anong mga pwede at bawal kainin ng may diabetes?

Ang prinsipyo sa pagkain ay pag-iwas sa mga pagkain na matataas ang asukal, lalo na ang mga pagkain na nagpapataas ng antas ng asukal sa dugo (high glycemic index). Dapat, mas maraming kinakaing prutas, gulay at iba pang pagkain na mataas sa fiber at mababa sa taba at asukal. Halimbawa, sa kanin, mas maganda ang brown rice o red rice dahil mas mataas ang fiber nito. Sa tinapay din, mas maganda ang whole wheat, sugar-free bread kaysa sa pangkaraniwang tinapay. Kung kakain ng karne, iwasan ang matatabang bahagi, at mas piliin ang isda at manok. Iwasan din ang sobrang tamis, lalo na ang mga processed foods o mga pagkaing ginawa sa mga pabrika o bibebenta ng maramihan, gaya ng karamihan sa nabibili sa mga tindahan.

Basahin: Listahan ng mga pagkain na mababa ang glycemic index
Basahin: Listahan ng mga pagkain na mataas ang glycemic index

Ano namang pagbabago sa pamumuhay ang dapat sa may diabetes?

Ang pag-eehersisyo ay isang mabisang paraan para makapagpababa ng blood sugar. Ang 30 minutes hanggang 1 oras araw-araw na aerobic activity (pagtakbo, jogging, swimming o paglangoy, Zumba, treadmill, at iba pa) ay napakalaki na ang natutulog sa mga may diabetes. Syempre, dapat hindi biglain ang pag-eexercise, dapat dahan-dahan hanggang masanay ang katawan.

Mga dapat bantayan: diabetic emergencies

Para sa mga may diabetes, dahil sa mismong kondisyon na ito at dahil sa mga gamot, pwedeng sobrang tumaas o sobrang bumaba ng asukal sa dugo, at magdulot sa mga emergency na dapat bantayan. Kung ang pasyente ay nakaranas ng mataas na lagnat, biglaang pagiging matamlay, uhaw, pagbabago sa isip at ugali, pagkalito, at iba pa, dalhin ito agad sa ospital. Kung may available na glucose meter, gamitin ito, at kung sobrang baba ng asukal (mas mababa sa 50) pakainin ng kahit anong matamis gaya ng fruit juice o candy.

Paano malaman kung may diabetes?

Ang diabetes ay maaaring matukoy sa pamamagitan ng pagsukat ng antas ng asukal sa dugo o blood sugar. Dahil natural naman na tumataas ang asukal sa dugo pagkatapos kumain, karaniwan ay hininiling ang pasyente na huwag munang kumain ng hindi bababa sa 12 na oras bago isagawa ang pagkuha sa dugo. Dahil hindi naman talaga normal na kumakain ang mga tao sa gabi, ang eksaminasyong ito, na tinatawag na Fasting Blood Sugar, ay ginagawa sa umaga. Tandaan na mahagalang seryosohin ang patakarang huwag kakain na hindi kukulang sa 12 na oras dahil ang pagkain ay makakaapekto sa resulta ng eksaminasyon.

Paano basahin ang resulta ng Fasting Blood Sugar?

Kung ang resulta ang higit sa 7 mmol/l (126 mg/dl), ito ay mataas at maaring maging batayan sa pag-diagnose ng diabetes ngunit kailangan paring iugnay ito sa ibang findings ng doktor. Kung ang resulta ay 5.5 hanggang 7 mmol/l (101–125 mg/dl), hindi pa naman ito diabetes ngunit medyo nakakabahala narin ang resulta kaya maaaring may ibigay na gamot ang doktor o payuhan na ang pasyente na umiwas sa pagkain ng mga pagkain na mataas ang glycemic index.

May iba pa bang laboratoryo na pwedeng gamitin para matukoy ang diabetes?

Bukod sa Fasting Blood Sugar, maaaring magrequest ang doktor ng isa pang test na sumusuka sa HbA1c. Ang antas ng HbA1c ang magbibigay ng edeya sa atin kung gaanong katagal na ang diabetes, at kung maayos ba ang pagkokontrola na antas ng asukal sa dugo.

Mahalaga ding sukatin ang timbang at blood pressure, at iba pang mga blood test gaya ng creatinine at BUN (para tingnan kung anong lagay ng mga bato), at iba pa. Kalimitan, isang kuhanan lamang ng dugo ang kailangan para sa lahat ng ito.

Ano ang mga sintomas ng diabetes?

Ano ang mga sintomas ng diabetes?

Dahil ang diabetes ay isang pangmatagalang kondisyon, maaari itong mapansin sa iba’t ibang yugto ng paglala ng sakit. Sa una, maaaring konti pa lamang ang sintomas pero kapag ito’y napansin na medyo matagal na, pwedeng marami nang nararamdaman ang isang pasyente. Subalit marami dito ang hindi basta-basta mapapansin lalo na kung nakasanayan na:

  • inom ng inom ng tubig (polydipsia)
  • ihi ng ihi (polyuria)
  • palaging naiihi sa gabi (nocturne)
  • malakas kumain at palaging gutom
  • pagbabawas ng timbang o pamamayat
  • Pagod at pagiging matamlay
  • panlalabo ng mata
  • Mabagal gumaling ang mga sugat

Maaari ring ma-detect ang diabetes kahit wala pang sintomas kung makita sa regular check-up na mataas ang blood sugar sa laboratory test.

Mga kaalaman tungkol sa diabetes

Ano ang diabetes?

Ang diabetes mellitus ay isang kondisyon kung saan apektado ang abilidad ng katawan na ilipat ang asukal sa dugo papunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan upang magamit bilang enerhiya o maiimbak sa mga cells. Ito ay isang chronic disease – isang kondisyon nangangaliangan ng matagal na gamutan.

Anong kaibahan ng Type I at Type II na diabetes?

Dalawang ang uri ng Diabetes Mellitus, Type I at Type II. Sa Type I, nawawala o nasisira ang mga bahagi ng katawan na gumagawa ng insulin, ang hormone na naglilipat ng asukal sa dugo papunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sa Type II, maaari ding may kakulangan sa insulin, ngunit sa karamihan ng kaso may insulin nga pero hindi ito nagagamit ng maayos ng katawan – isang kondisyon na tinatawag na insulin-resistance. Ang Type I diabetes ay karaniwang nangyayari sa mas nakakabatang mga tao (30 pababa) na may mga kamag-anak na meron ding diabetes. Ang Type 2 naman ay mas nakakaapekto sa mga mas nakakatanda na (30 pataas). Subalit, ang dalawang uri ng Diabetes, Type 1 at Type 2, ang maaaring mangyari sa kahit anong edad. Tinatayang sa lahat ng kaso ng diabetes, 10% dito ay Type I at 90% naman ay Type II.

Dagdag kaalaman: Meron ding kondisyon na tinatawag na ‘Diabetes Insipidus’. Ito naman ay isang kondisyon kung saan ihi ng ihi ang isang tao dahil sa kakulangan ng hormone na responsable naman sa pagkontrola ng pag-ihi. Higit na mas bibihira ang sakit na ito at para hindi malito ang mga mambabasa, hindi muna natin isasama ang Diabetes Insipidus sa artikulong ito.

Ano ang sanhi ng diabetes? Paano nakukuha ang diabetes?

Walang natatanging dahilan ang diabetes, at hindi pa talaga ganap na nauunawaan ng mga mananaliksik kung ano ba talagang dahilan kung bakit nagkakaron nito. Para sa Type II Diabetes. kalimitan, ito’y kombinasyon ng iba’t ibang factors gaya ng genetics (nasa genes o ‘nasa dugo’ ng pamilya ito), paraan ng pamumuhay, gaya ng pagkain ng marami o/at pagiging overweight o mataba. Sa Type I diabetes, inaatake ng immune system ng katawan ang mga cells sa pancreas na gumagawa ng insulin, at hininalang malakas din ang impluwensya ng genetics.

Mataas na Blood Sugar: Mga Kaalaman

Ano ang blood sugar?

Ang blood sugar ay ang sukat ng dami ng glucose sa dugo. Ang glucose ang bumubuo sa mga asukal at ito ang nagbibigay enerhiya sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Normal itong natatagpuan sa katawan, ngunit kung mataas ang antas nito sa dugo (hyperglycemia), ito ay maaaring makasira sa iba’t ibang bahagi ng katawan at magdulot sa diabetes at ang mga komplikasyon nito.

Anong laboratory test ang ginagamit upang malaman ang antas ng blood sugar sa katawan?

Isang bahagi ng ‘blood chemistry’ ang pagsusuri ng blood sugar, subalit mas malimit, lalo na kung gusto madetermina kung ang isang pasyente ay maaaring may diabetes, na sa umaga kinunan ng dugo ang pasyente, pagkatapos ng 12 na oras na hindi kumakain o umiinom ng kahit ano maliban sa tubig. Mahalagang masunod itong 12 na oras na hindi kumakain sapagkat kung ikaw ay kumain ng kahit ano, normal na tataas ang antas ng dugo at hindi magiging makatotohanan ang resulta.

Karaniwan, kinukunan ang pasyente ng 2-5 mL ng dugo sa harap ng siko. Ilang oras lamang ay maaari nang makakuha ng resulta nito.

Ano ang normal na resulta ng ‘fasting blood sugar’ sa katawan?

Kung ang pagsusuri ng dugo ay ginawa makalipas ang 12 na oras na hindi kumain ang pasyente, tinuturing na normal ang resulta na 3.9 hanggang 5.5 mmol/l (70.2 hanggang 100 mg/dl). Kung ang resulta ay 5.5 hanggang 7 mmol/l (101–125 mg/dl), hindi pa naman ito diabetes ngunit medyo nakakabahala narin ang resulta kaya maaaring may ibigay na gamot ang doktor o payuhan na ang pasyente na umiwas sa pagkain ng mga pagkain na mataas ang glycemic index (Basahin: Mga Pagkaing Dapat Iwasan sa Diabetes). Kung ang resulta ang higit sa 7 mmol/l (126 mg/dl), ito ay mataas at maaring maging batayan sa pag-diagnose ng diabetes ngunit kailangan paring iugnay ito sa ibang findings ng doktor.

Paano makakaiwas sa mataas na blood sugar?

Ang mga sumusunod ay mabisang paraan upang mapababa ang blood sugar:

  • Pag-iwas sa mga matatamis na pagkain
  • Pag-iwas sa mga pagkain na mataas ang glycemic index
  • Pag-iwas sa pagkain ng maramihan; mas maganda ang pa-unti-unti
  • Pagkain ng ampalaya na natural na nakakapagpababa ng blood sugar
  • Pag-eehersisyo ng regular
  • Masipag na pag-inom ng gamot na naireseta ng iyong doktor

Nanlalamig ang paa ng may diabetes

Q: Ano po ang gamot sa lumalamig na pa at muscle pain sa paa? May diabetes po ako at two years na ito nagsimula.

A: Bagamat posibleng may ibang sanhi, malaki ang posibilidad na ang nararamdaman mo ay konektado sa iyong diabetes. Isa sa komplikasyon ng diabetes ang pamamanhid, panlalamig, pagkirot, o pagkakaron ng pagbabago sa pakiramdam ng mga kamay at lalong lalo na ang mga paa. Ang mga ito ay nangyayari sapagkat sa diabetes, apektado ang daloy ng dugo lalo na sa mga dulong bahagi ng katawan, at pati ang mga ugat (nerves) na syang daluyan ng pakiramdam sa katawan ay naaapektuhan.

Ano ang gamot para mapigilan ang mga komplikasyong ito? Pinakamahalaga, siguraduhing kontrolado ang iyong blood sugar. Iniinom mo ba ang gamot mo araw araw? Kailan ka huling nagpakonsulta sa iyong doktor? Mahalagang tandaan na ang gamot sa diabetes (insulin man o mga gamot na tableta) ay siya ring paraan upang makaiwas sa mga komplikasyon nito.

Bukod dito, mahalaga ang pagkontrola ng pagkain sa paggamot sa diabetes. Basahin ang aking artikulo tungkol sa “Mga pagkain para sa mga taong may diabetes” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman.

Mga pagkain para sa mga taong may diabetes

Q: Ano-ano pong lutong ulam ang maaaring ipakain sa taong diabetic?

A: Wala namang partikular na luto na sadyang para sa mga diabetes, ngunit mahalaga ang iyong tanong sapagkat ang pagkain o diet ay isang napakahalagang bahagi ng gamutan o ‘treatment’ sa mga taong may diabetes. Ang hindi-wastong pagkain ay maaaring magpalala ng diabetes, pero ang wastong pagkain ay pwedeng makatulong na mapagaling ito, o mapabagal ang paglala.

Ang pinakamahalagang prinsipyo sa pagkain para sa mga may diabetes ay ang pag-iwas sa mga pagkain na mataas as asukal, o mga matatamis na pagkain. Kasi ang katawan nila ay kulang sa insulin, na siyang nagpapababa ng antas ng asukal sa dugo. Dahil kulang ito, nananatili ang asukal sa dugo at nakakasira sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Nang mas pinag-aralan pa ng mga eksperto, napag-alaman nila na may mga pagkain na nagpapataas ng askual ng mas mabilis kaysa iba, at ito ang mga pagkain na may ‘high glycemic index’. Mas okay ang mga pagkain na may ‘low glycemic index’.

Basahin: Mga pagkain na mababa ang glycemic index

Bukod dito, dapat iwasang kumain ng maramihan. paunti-unti lamang. Mas okay na mag-almusal ng konti, merienda na konti, tanghalian na konti…kaysa isang tanghaliang kasing dami ng tatlong kainan na nabanggit, sapagkat ayaw nga natin na tumaas ang ‘blood sugar’.

Iwas din sa matataba at maaalat na pagkain, subalit wala naman talagang ‘bawal’. Bawas lang, hindi bawal. Kung may paborito kang pagkain, okay lang na tikman ito ngunit konti lang.

Siguro, kung may ipagbabawal ako sa mga may diabetes, ito ang pag-order ng ‘extra rice’. Sapat na ang isang tasa, baka nga dapat bawasan pa. Ang mga ‘carbohydrates’ gaya ng kanin ay isang uri din ng asukal kung kaya’t sila’y dapat bawasan. Sa halip, kumain ng maraming prutas at gulay.

Ang mga nabanggit ko ay ‘general principles’ lamang. Ang pagdedesenyo ng ‘diet plan’ para sa inyong pasyente ay pwedeng gawin ng isang ‘nutritionist’.