Q: Ano po ang gamot sa lumalamig na pa at muscle pain sa paa? May diabetes po ako at two years na ito nagsimula.
A: Bagamat posibleng may ibang sanhi, malaki ang posibilidad na ang nararamdaman mo ay konektado sa iyong diabetes. Isa sa komplikasyon ng diabetes ang pamamanhid, panlalamig, pagkirot, o pagkakaron ng pagbabago sa pakiramdam ng mga kamay at lalong lalo na ang mga paa. Ang mga ito ay nangyayari sapagkat sa diabetes, apektado ang daloy ng dugo lalo na sa mga dulong bahagi ng katawan, at pati ang mga ugat (nerves) na syang daluyan ng pakiramdam sa katawan ay naaapektuhan.
Ano ang gamot para mapigilan ang mga komplikasyong ito? Pinakamahalaga, siguraduhing kontrolado ang iyong blood sugar. Iniinom mo ba ang gamot mo araw araw? Kailan ka huling nagpakonsulta sa iyong doktor? Mahalagang tandaan na ang gamot sa diabetes (insulin man o mga gamot na tableta) ay siya ring paraan upang makaiwas sa mga komplikasyon nito.
Bukod dito, mahalaga ang pagkontrola ng pagkain sa paggamot sa diabetes. Basahin ang aking artikulo tungkol sa “Mga pagkain para sa mga taong may diabetes” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman.