Hindi pa nagsasalita si baby: Ano kayang problema?

Q: Doc tanung ko lang po kasi yung bunso ko mag 2 yrs old na ngaung october pero ang alam lang nyang salita ay mama. may diperensya po ba ang bata pagganun. salamat po.

A: Kadalasan, kung ang baby ay nasa 13-18 buwan na (1 taon at 1-6 na buwan) ay ito’y makakapagsalita na ng ilang salita at bago mag dalawang taon ay marami-rami na siyang alam na salita. Subalit. iba’t iba ang paglaki ng mga baby at yung iba minsan sadyang nahuhuli. Para tiyak na walang problema, maganda kung magpatingin na kayo sa isang pediatrician o doktor para sa mga bata. Narito ang mga tanong na maaaring itanong sa inyo ng doktor:

1. Ang baby ba ay tumitingin kapag tinatawag?

2. Nakakausap ba sya at sumusunod sa mga simpleng direksyon gaya ng “oo”, “hindi” o “smile”?

3. Bukod sa hindi siya nakakapagsalita, may iba pa bang problema?

Batang palaging tulala: Ano kaya ito?

Q: Doc ano ang gagawin ko sa anak ko na laging naka tulala at naka-tunganga lagi. May gamot ba ito doc,at ano tawag sa sakit na ganito doc. Kasi doc na bundol kasi sya dati ng motor nung grade 1 pa sya doc, pinacheck up namin dati wala naman daw problema sabi ng doctor.

A: Ang ganyang kondisyon ay kinakailangan nang malalim na pagsusuri ng isang pediatrician. Sya ba ay nahihirapan sa pag-aaral? Sa paglalaro? Sa pang-araw-araw na buhay? Kung oo, kailangang maipatingin nyo sya kaagad sa isang pediatrician upang matukoy kung ano ba ang posibleng sanhi ng pagiging tulala. Marami itong pwedeng pagmulan, kabilang na ang ‘neurologic’ (sa utak) na problema; ‘developmental delay’ (mabagal ang paglaki); at iba pa.

Kabilang sa mga itatanong sa inyo ng doktor: “Kailan nyo po ito unang napansin?” “Kamusta ang grades nya sa school, nakakpag-aral ba?” “Ano pa ang ibang sintomas na napapansin nyo sa kanya?” “Sa pamilya nyo ba may parang ganito rin?” Isiping mabuti ang mga sagot sa mga tanong na ito upang matulungan ang inyong doktor sa pagsusuri sa kondisyon ng inyong anak.