Ang wisdom teeth ay tumutukoy sa apat na ngipin na pinakahuling tumutubo sa pagtanda ng tao. Ang apat na ito ay matatagpuan sa parehong itaas at ibabang mga ngipin na nasa pinakadulong bahagi malapit sa lalamunan. Ang mga ito ay nagsisimulang tumubo sa 18 hanggang 25. Kung ito ay tumubo ng maaayos at kapantay ng ibang ngipin, walang magiging problema. Ngunit sa karamihan ng pagkakataon, ito ay nalilihis ng tubo. Ang pagkakalihis na ito, na tinatawag na “impacted tooth”, ay nakakaapekto sa ibang mga ngipin o kaya naman ay nagdudulot ng ‘di kaaya-ayang pakiramdam o matinding pananakit. Ang wisdom tooth ay tinatawag din na “Third Molar.”
Bakit mayroong wisdom tooth?
Ang apat na wisdom tooth o 3rd molar ay bahagi ng kumpletong bilang ng ngiping ng isang normal na tao. Sinasabing ang bilang ng kumpletong ngipin ng isang taong nasa hustong gulang ay 32: 16 sa itaas, at 16 din sa ibaba. Sa kasamaang palad, ang wisdom teeth na pinakahuling tumutubo ay kadalasang wala nang puwesto sa panga, kung kaya madalas din na nakalihis ang pagtubo ng mga ito. Sa ganitong kondisyon, mas nagiging sagabal ang huling apat na ngipin kaysa makatulong sa iba pang mga ngipin sa pagnguya ng pagkain. At dahil dito, mas pinipili ng mga dentista na bunutin na lamang ang wisdom teeth.
Ayon sa Siensya ng Ebolusyon, ang pagkakaroon ng wisdom teeth ay higit na mahalaga sa panahon na hindi pa alam ng mga tao ang pamamaraan ng pagluluto ng pagkain, sapagkat ang mga pagkaing hilaw ay matigas at mahirap nguyain. Sa madaling salita, kailangang ng mga sinaunang tao ang karagdagang ngipin para makanguya ng matigas na pagkain. Ngunit sa makabagong panahon, kung saan napapalambot na ang mga pagkain sa pamamagitan ng pagluluto, ang wisdom tooth ay isa na lamang sagabal at maaari nang tanggalin.
Paano tinatanggal ang Wisdom Tooth?
Unang-una, dapat ay matukoy kung ano ang eksaktong posisyon ng wisdom teeth at kung kailangan nga ba itong tanggalin. Natutukoy ito sa pamamagitan ng X-ray sa bibig. Matapos ang X-ray, sinusuri ng dentista kung maayos ang tubo o “impacted” ang pagtubo ng wisdom tooth. Kung ito nga ay nalihis, maari itong tanggalin na. Depende rin sa posisyon ng ngipin, maari itong bunutin sa simpleng pamamaraan. Ngunit kung ito ay hindi pa lubusang tumutubo sa panga, maari itong operahin at hiwain ang bahagi ng panga na tutubuan ng wisdom teeth at saka kukunin ang tutubo pa lang na ngipin. Matapos ang pagbunot, ang panga ay maaaring mamaga, magdugo, at makaranas ng pananakit. Makabubuting inuman ng antibiotic at painkillers sa unang linggo matapos ang pagbunot. Upang mas maliwanagan, mas makabubuting lumapit sa pinakamalapit na dentista.