Balitang Kalusugan: Kaso ng Dengue sa Metro Manila, dumadami

Patuloy daw na tumataas ang kaso ng dengue fever sa Metro Manila sa nakalipas na apat na buwan ngayong taon sa kabila ng mainit na panahon na nararamdaman ng bansa. Umaabot na sa halos 3,000 na kaso ng sakit ang naitatala ng DOH sa Metro Manila mula nang magsimula ang taong 2015, at 10 na ang naitalang namatay.  Ito raw ay mas mataas nang 42% kaysa noong taong 2014 sa kaparehong buwan.

Original Title: Aa_FC3_58a.jpg

Lubos itong ikinabahala ng ahensya ng kalusugan sapagkat bagaman laganap ang kaso ng sakit sa buong taon, karaniwang tumataas lamang ang bilang ng sakit na ito sa panahon ng tag-ulan (Hunyo hanggang Agosto).

Maging sa Misamis Oriental, naitala din ang pagtaas ng kaso ng sakit na dengue. Mula 243 na kaso ng sakit at 4 na pagkamatay noong isang taon mula Enero hanggang Marso, umabot na sa 638 na kaso at 7 pagkamatay para sa taong 2015 sa kaparehong buwan.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang DOH na agad na magpatingin sa mga pagamutan kung sakaling makaramdam ng mga sintomas ng dengue gaya ng pabalikbalik na lagnat, pagsusuka, pananakit ng mga kalamnan, at mga rashes sa balat. Mahalaga ang agarang paggagamot sa sakit na ito upang matiyak na gagaling ang sakit. Dagdag pa ng ahensya, dapat ay takpan nang maayos ang mga naka-imbak na tubig o kung hindi na gagamitin ay itapon na upang hindi pamugaran ng lamok na may dengue.

ActRx TriAct, mabisa nga ba laban sa Dengue?

Kamakailan lamang, pumutok ang balita tungkol sa ilegal na pamimigay ng 2,000 na gamot na ActRx TriAct sa ilang pampublikong ospital para sa clinical trial nito.  Tinagurian itong “breakthrough drug” laban sa dengue noong nakalipas na buwan, ngunit pinatitigil ng Department of Health (DOH) ang implementasyon ng clinical trial sapagkat hindi pa ito aprubado ng Food and Drug Administration.

Ayon sa pahayag ng Acting Health Secretary na si Janette Garin, ang sinasabing breakthrough drug ay walang legal na basehan para ipamigay sa publiko para sa clinical trial nito sapagkat nananatili itong hindi aprubado ng FDA. Ang isinagawang hakbang ng DOH sa pahintulot ni Secretary Enrique Ona pati na ang mga mananaliksik ng nasabing gamot ay maituturing na unethical.  Dahil dito, sinuspinde ni Sec. Garin ang sinasagawang clinical trial ng gamot na aprubado ni Sec. Ona noong Sept. 4, 2014.

Napag-alaman din na ang ActRx TriAct ay pinamigay din noong taong 2012 sa Palawan upang pang-gamot sa sakit na malaria. Mariin din itong tinutulan ng DOH sa ilalim ni Sec. Garin at sinabing, “the 2012 malaria study lacks strong scientific merit and study participants were not afforded their due protection [ang isinagawang pag-aaral sa sakit na malaria noong 2012 ay walang pang sapat na kasigurohan at wala ring karampatang proteksyon na naibigay sa mga taong tumanggap ng gamot.”

Dagdag pa rito, hindi rin daw sumunod sa tamang hakbang ang isinagawang clinical trial sa San Lazaro Hospital para sa gamot sa dengue, at gumamit pa ng tao para sa eksperimento. Hindi pa rin daw sapat ang mga pag-aaral sa mga gamot na bumubuo sa ActRx TriAct para makagamot sa sakit na dengue.

Ang ActRx TriAct ay binubuo ng kombinasyon ng tatlong gamot na Artemether (ini-ispray sa dila) at mga tabletang gamot na Artesunate at Berberine. Sa pahayag ng DOH, kailangan daw munang isailalim sa hustong pag-aaral ang bawat gamot na kabilang sa kombinasyon, at matukoy kung ang mga ito ay ligtas nga bang gamitin at epektibo, bago ipamigay sa mga tao.

 

Paano maka-iwas sa dengue fever?

Paano makaiwas sa dengue fever?

Sapagkat ang nagdadala ng dengue fever ay mga lamok, ang pag-iwas sa kagat ng lamok ay isang paraan upang maka-iwas sa dengue. Narito ang ilang mga hakbang upang maka-iwas:

1. Makipag-ugnayan sa inyong barangay o komunidad upang masupil ang paglaganap ng lamok sa inyong lugar. Kailangang hanapin ang mga balde, mga “pool”, patay na ilog, o ibang lalagyan ng tubig na hindi dumadaloy sapagkat dito nangingitlog at nagpapadami ang mga lamok. Ang mga barangay na may mga naitalang kaso ng dengue ay dapat ring makipag-ugnayan sa munisipyo, syudad, o DOH para sa mga iba pang maaaring gawin gaya ng fumigation.

2. Makibalita. May naiulat ba na kaso ng dengue sa inyong komunidad? Sa mga kapit-bahay, o sa eskwelahan ng inyong mga anak? Kung oo, nangangahulungang mayroong mga lamok na may dengue sa inyong lugar at dapat mas lalong maging maingat.

3. Gumamit ng insect repellent, gaya ng Off lotion at mga katol, upang hindi makalapit ang mga lamok sa inyong paligid.

4. Iwasang lumabas sa bahay ng maaga (pasikat pa lamang ang araw) at dapit-hapon. Tandaan na aktibo ang mag lamok sa madaling araw hanggang bagong-sikat ang araw, at sa dapit-hapon hanggang pagdilim.

5. Siguraduhing nakasara ang inyong bintana at protektado ang inyong bahay sa mga lamok. May screen ba ang inyong mga bintana at pinto? Magandang puhanan ito upang maka-iwas sa sakit.

Paano malaman kung may dengue?

Ang dengue fever ay nalalaman sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga sintomas at resulta ng pag-eexamine ng doktor. Bukod dito, may mga ilang eksaminasyon na pwedeng i-order ng iyong doktor upang ma-kompirma ang dengue, at masukat kung gaano kalala ang dengue fever.

Tourniquet test

Ang tourniquet test ay isang simpleng eksaminasyon kung saan ang instrumento na sumusukat ng presyon ng dugo o blood pressure ay hinahayaang nakabalot sa braso sa presyon nasa gitna ng diastolic at systolic na presyon (ang dalawang numero sa BP ng isang tao, halimbawa, 120 at 80 sa 120/80). Positibo ang tourniquet test kung may mga tuldok-tuldok na pula na makikita sa kamay at braso (10 o higit pang mga tuldok-tuldok sa loob ng isang pulgadang kahon o square inch). Kung positibo, malaki ang posibilidad (bagamat hindi sigurado) na dengue fever ang karamdaman.

Complete blood count at platelet count

Sa pagsusuri ng dugo, mahalagang bilangan kung ilan ang platelet, sapagkat ang mga platelet ang syang responsable sa pagsupil sa pagdudugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang pagbaba ng platelet ay nangangahulugang madaming bahagi ng katawan na nangangailangan nito, at ang ibig-sabihin nito ay maaaring may sakit na nagdudulot ng pagdudugo. Ang normal na bilang ng platelet ay 150 hanggang 450; sa mga malalang kaso ng dengue, ang platelet ay bumababa sa mga numerong pwedeng bilangin sa daliri. Kaya rin sinusukat ang platelet ay para tulungang magdesisyon ang doktor kung kailangan bang salinan ng platelet o dugo ang pasyente. Bukod sa platement, binibilang rin ang hemoglobin at hematocrit na nagbibigay rin ng ‘clue’ kung dengue ba ang nararamdaman.

Dengue antigen, ELISA, at iba pa

Parami ng parami ang iba’t ibang eksaminasyon na pwedeng isagawa upang suriin ang presensya ng dengue virus sa katawan ng pasyente. Ang mga ito’y ay pamura narin ng pamura, ngunit hindi talaga dito nakasalaylay ang pagtukoy ng dengue, na sa ngayon ay nakadepende parin sa pagtugma-tugma ng mga sintomas sa isang pasyente.

Ano ang mga sintomas ng dengue fever?

Iba’t iba ang presentasyon ng dengue fever; may parang trangkaso lang, meron ding mga malala. Karaniwan, heto ang mga sintomas:

  • Mataas na lagnat (higit 39 degrees)
  • Sakit ng ulo, pagliliyo, at pagsusuka
  • Sakit ng kalamnan
  • Sakit ng kasukasuan
  • Rashes na parang tigdas
  • Pagdududugo

Ang malalalang kondisyon ng dengue ay sadiyang nakaka-alarma sapagkat ito ay kadalasang may sintomas ng pagdurugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang mga ito ay senyales ng hemorrhage o pagdurugo sa loob ng katawan. Narito ang mga sintomas ng malalang dengue:

  • Mga tuldok-tuldok na pula sa balat
  • Madaling duguin ang gilagid kahit sa pagsisipilyo lang
  • Maitim ang kulay ng dumi
  • Pagdudugo sa ilong (Balingoyngoy o nosebleed)

Ang iba pang sintomas na nakaka-alarma ay ang sumusunod:

  • Pagod na pagod ang pakiramdam
  • Nahihirapang huminga.
  • Masakit na masakit ang tiyan

lamok (2)

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kung ikaw o ang iyong kapamilya o mahal sa buhay ay nakakaranas ng mga sintomas na ating nabanggit, kaagad magpatingin sa doktor upang ma-examine at mabigyan ng nararapat na solusyon. Huwag mag-aksaya ng oras, ang matagumpay na gamutan sa sakit na dengue ay nakasalalay sa agad na paglapit sa mga pagamutan.

Mga kaalaman tungkol sa dengue fever

Ang dengue fever ay isang kondisyon dulot ng Dengue virus, na siya namang dala ng ilang uri ng lamok gaya ng Aedes aegypti. Ang mga pangunahing sintomas ng dengue ay mataas na lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kasukasuan, at ‘rashes’ na kamukha ng nakikita sa tidgas. Ang malalang uri ng dengue fever, ang dengue hemorrhagic fever, ay nagdudulot ng pagdudugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan – ito ang kinakatakutang komplikasyon ng dengue sapagkat kapag hindi naagapan, ito’y nakakamatay. Sa kasalukuyan, walang gamot na pumupuksa sa virus na may dala ng dengue. Sa halip, sinisigurado na ang pasyente ay may sapat na tubig sa katawan at may sapat na ‘platelet’ upang laban ang pagdurugo.

Paano nagkakaron ng dengue fever?

Ang dengue fever ay nakukuha mula sa mga lamok na may taglay ng dengue virus. Ang lamok na ito ay natatagpuan sa Pilipinas at iba pang mga bansang tropikal.

Kailan o anong mga buwan uso ang dengue?

Buwan buwan, may mga kaso ng dengue na naiuulat sa Pilipinas. Ngunil dahil lamok nga ang may dala ng sakit na ito at ang mga lamok ay mas dumadami tuwing tag-ulan, mas maraming kaso ng dengue tuwing Hulyo, Agosto, at Setyempre, ayon sa datos mula sa Department of Health.

Sino ang madalas magkaron ng dengue?

Kahit sino ay pwedeng magkaroon ng dengue fever, bata man o matanda, subalit mas karaniwang malala ang sakit sa mga bata at sanggol.

Makati ba ang rashes nang may dengue fever?

Q: Makati ba ang rashes nang may dengue fever?

A: Oo, maaaring maging makati ang rashes ng dengue fever. Subalit, mahalagang idiin na ang pagkakaron ng rashes ay hindi nangangahuugang dengue fever na kaagad, sapagkat maraming ibang karamdaman na maaaring maging sanhi ng rashes.

Dalawa ang uri ng rashes sa dengue. Una, ang rash na maaaring lumabas sa ikatlong araw ng pagkakasakit. Ito’y lumalabas sa mukha, sa dibdib at tiyan, at sa mga bahagi ng braso’t kamay nasa parehong panig ng palad.

Pangalwa ang rashes na maaaring lumabas kapag wala na ang lagnat. Parang tidgas ang itsura ng rash na ito, at ito ang karaniwang makati. Muli, maraming katulad na karamdaman ang pwedeng maging sanhi ng ganitong uri ng sintomas.

Kung nangangati sa rash na dengue, pwedeng magpahid ng lotion na gaya ng Calamine, o kaya mga antihistamine gaya ng diphenhydramine. Subalit, kung nagsususpetsa ng dengue o rashes na sanhi ng dengue, dapat magpakonsulta sa iyong doktor upang magabayan ng maayos.

Ano ang gamot sa dengue fever?

Dengue fever ay isang kondisyon dulot ng Dengue virus, na siya namang dala ng ilang uri ng lamok gaya ng Aedes aegypti. Hindi nakakahawa ang dengue tao sa tao; Kagak ng lamok na may dala ng dengue virus ang sanhi ng pagkakasakit. Lagnat at pagdudugo sa katawan ay dalawang katangian ng dengue na malala na, kaya ito’y tinatawag na “Dengue Hemorrhagic Fever“.

Ano ang gamot sa dengue fever?

Kusang nawawala ang dengue fever matapos ito’y magsanhi ng iba’t ibang sintomas sa loob ng ilang araw hanggang isang linggo. Subalit mahalagang bantayan ng mabuti ang pasyente na may dengue fever. Narito ang mga payo upang gumaling ng maayos ang pasyente:

  • 1. Kumpletong pahinga. Alisin na ang mga bagay na nakaka-stress sa pasyente, at mga nakakapagod na aktibidades na pisikal. Sa halip, hayaan syang makapahinga sa kama ng walang iniisip. Kung ang may sakit ay isang estudyante, mag-absent na lang muna sa klase.
  • 2. Uminom ng maraming tubig, juice, soup, atbp. Ang pagpapanatiling sapat ang tubig sa loob ng katawan ay isang mahalagang haligi ng gamutan ng dengue.
  • 3. Magpatingin kaagad sa doktor kung may mataas na lagnat na may kasamang mga sintomas na ating nabanggit sa naunang artikulo. Ang pasyente ay maaaring ma-ospital kung kinakailangang tiyakin ang sapat ng tubig sa katawan sa pamamagitan ng swero o IV fluid hydration, at para ma-monitor kung meron o magkakaron ng mga palantaan ng pagdudugo sa katawan, at masalinan kaagad ng dugo kung nararapat.
  • 4. MAHALAGA: Iwasan ang pag-inom ng aspirin o ibuprofen kung ikaw ay may dengue fever, o may mataas na lagnat na hinihinalang dengue, sapagkat ang pag-inom nito ay nakakataas na posibilidad na magkaron ng komplikasyong pagdurugo sa katawan ang dengue. Sa halip, uminom na lamang ng Paracetamol na siyang ligtas na pampababa ng lagnat at sakit ng ulo sa mga may dengue.
  • 5. Huwag basta maniwala sa kung anu-anong gamot na inaalok na para daw sa dengue. Dahil uso ang dengue, maraming mga taong nanganako ng gamot para dito. Kasama na dito ang mga herbal na gamot gaya ng tawa-tawa (Tingnan ang artikulong ito sa Kalusugan.PH tungkol sa tawa-tawa). Bagamat maaaring may pag-asang makatulong ang mga ito, sapagkat ang dengue ay isang kritikal na karamdaman, mabuti na ang sigurado.