Paano maka-iwas sa dengue fever?

Paano makaiwas sa dengue fever?

Sapagkat ang nagdadala ng dengue fever ay mga lamok, ang pag-iwas sa kagat ng lamok ay isang paraan upang maka-iwas sa dengue. Narito ang ilang mga hakbang upang maka-iwas:

1. Makipag-ugnayan sa inyong barangay o komunidad upang masupil ang paglaganap ng lamok sa inyong lugar. Kailangang hanapin ang mga balde, mga “pool”, patay na ilog, o ibang lalagyan ng tubig na hindi dumadaloy sapagkat dito nangingitlog at nagpapadami ang mga lamok. Ang mga barangay na may mga naitalang kaso ng dengue ay dapat ring makipag-ugnayan sa munisipyo, syudad, o DOH para sa mga iba pang maaaring gawin gaya ng fumigation.

2. Makibalita. May naiulat ba na kaso ng dengue sa inyong komunidad? Sa mga kapit-bahay, o sa eskwelahan ng inyong mga anak? Kung oo, nangangahulungang mayroong mga lamok na may dengue sa inyong lugar at dapat mas lalong maging maingat.

3. Gumamit ng insect repellent, gaya ng Off lotion at mga katol, upang hindi makalapit ang mga lamok sa inyong paligid.

4. Iwasang lumabas sa bahay ng maaga (pasikat pa lamang ang araw) at dapit-hapon. Tandaan na aktibo ang mag lamok sa madaling araw hanggang bagong-sikat ang araw, at sa dapit-hapon hanggang pagdilim.

5. Siguraduhing nakasara ang inyong bintana at protektado ang inyong bahay sa mga lamok. May screen ba ang inyong mga bintana at pinto? Magandang puhanan ito upang maka-iwas sa sakit.

Paano malaman kung may dengue?

Ang dengue fever ay nalalaman sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga sintomas at resulta ng pag-eexamine ng doktor. Bukod dito, may mga ilang eksaminasyon na pwedeng i-order ng iyong doktor upang ma-kompirma ang dengue, at masukat kung gaano kalala ang dengue fever.

Tourniquet test

Ang tourniquet test ay isang simpleng eksaminasyon kung saan ang instrumento na sumusukat ng presyon ng dugo o blood pressure ay hinahayaang nakabalot sa braso sa presyon nasa gitna ng diastolic at systolic na presyon (ang dalawang numero sa BP ng isang tao, halimbawa, 120 at 80 sa 120/80). Positibo ang tourniquet test kung may mga tuldok-tuldok na pula na makikita sa kamay at braso (10 o higit pang mga tuldok-tuldok sa loob ng isang pulgadang kahon o square inch). Kung positibo, malaki ang posibilidad (bagamat hindi sigurado) na dengue fever ang karamdaman.

Complete blood count at platelet count

Sa pagsusuri ng dugo, mahalagang bilangan kung ilan ang platelet, sapagkat ang mga platelet ang syang responsable sa pagsupil sa pagdudugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang pagbaba ng platelet ay nangangahulugang madaming bahagi ng katawan na nangangailangan nito, at ang ibig-sabihin nito ay maaaring may sakit na nagdudulot ng pagdudugo. Ang normal na bilang ng platelet ay 150 hanggang 450; sa mga malalang kaso ng dengue, ang platelet ay bumababa sa mga numerong pwedeng bilangin sa daliri. Kaya rin sinusukat ang platelet ay para tulungang magdesisyon ang doktor kung kailangan bang salinan ng platelet o dugo ang pasyente. Bukod sa platement, binibilang rin ang hemoglobin at hematocrit na nagbibigay rin ng ‘clue’ kung dengue ba ang nararamdaman.

Dengue antigen, ELISA, at iba pa

Parami ng parami ang iba’t ibang eksaminasyon na pwedeng isagawa upang suriin ang presensya ng dengue virus sa katawan ng pasyente. Ang mga ito’y ay pamura narin ng pamura, ngunit hindi talaga dito nakasalaylay ang pagtukoy ng dengue, na sa ngayon ay nakadepende parin sa pagtugma-tugma ng mga sintomas sa isang pasyente.

Ano ang mga sintomas ng dengue fever?

Iba’t iba ang presentasyon ng dengue fever; may parang trangkaso lang, meron ding mga malala. Karaniwan, heto ang mga sintomas:

  • Mataas na lagnat (higit 39 degrees)
  • Sakit ng ulo, pagliliyo, at pagsusuka
  • Sakit ng kalamnan
  • Sakit ng kasukasuan
  • Rashes na parang tigdas
  • Pagdududugo

Ang malalalang kondisyon ng dengue ay sadiyang nakaka-alarma sapagkat ito ay kadalasang may sintomas ng pagdurugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang mga ito ay senyales ng hemorrhage o pagdurugo sa loob ng katawan. Narito ang mga sintomas ng malalang dengue:

  • Mga tuldok-tuldok na pula sa balat
  • Madaling duguin ang gilagid kahit sa pagsisipilyo lang
  • Maitim ang kulay ng dumi
  • Pagdudugo sa ilong (Balingoyngoy o nosebleed)

Ang iba pang sintomas na nakaka-alarma ay ang sumusunod:

  • Pagod na pagod ang pakiramdam
  • Nahihirapang huminga.
  • Masakit na masakit ang tiyan

lamok (2)

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Kung ikaw o ang iyong kapamilya o mahal sa buhay ay nakakaranas ng mga sintomas na ating nabanggit, kaagad magpatingin sa doktor upang ma-examine at mabigyan ng nararapat na solusyon. Huwag mag-aksaya ng oras, ang matagumpay na gamutan sa sakit na dengue ay nakasalalay sa agad na paglapit sa mga pagamutan.

Mga kaalaman tungkol sa dengue fever

Ang dengue fever ay isang kondisyon dulot ng Dengue virus, na siya namang dala ng ilang uri ng lamok gaya ng Aedes aegypti. Ang mga pangunahing sintomas ng dengue ay mataas na lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kasukasuan, at ‘rashes’ na kamukha ng nakikita sa tidgas. Ang malalang uri ng dengue fever, ang dengue hemorrhagic fever, ay nagdudulot ng pagdudugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan – ito ang kinakatakutang komplikasyon ng dengue sapagkat kapag hindi naagapan, ito’y nakakamatay. Sa kasalukuyan, walang gamot na pumupuksa sa virus na may dala ng dengue. Sa halip, sinisigurado na ang pasyente ay may sapat na tubig sa katawan at may sapat na ‘platelet’ upang laban ang pagdurugo.

Paano nagkakaron ng dengue fever?

Ang dengue fever ay nakukuha mula sa mga lamok na may taglay ng dengue virus. Ang lamok na ito ay natatagpuan sa Pilipinas at iba pang mga bansang tropikal.

Kailan o anong mga buwan uso ang dengue?

Buwan buwan, may mga kaso ng dengue na naiuulat sa Pilipinas. Ngunil dahil lamok nga ang may dala ng sakit na ito at ang mga lamok ay mas dumadami tuwing tag-ulan, mas maraming kaso ng dengue tuwing Hulyo, Agosto, at Setyempre, ayon sa datos mula sa Department of Health.

Sino ang madalas magkaron ng dengue?

Kahit sino ay pwedeng magkaroon ng dengue fever, bata man o matanda, subalit mas karaniwang malala ang sakit sa mga bata at sanggol.