Hindi dinatnan ng regla: Mga dahilan bukod sa pagiging buntis

Q: doc, di po ako dinadalaw ng isang buwan? hindi ako ne reregla ng isang buwan? ano po ba ito? delayed lang ba ndi nmn po ako nagamit?

A: Kung ikaw ay nakakatiyak na hindi isang posibilidad na ikaw ay buntis, hindi ka dapat mabahala kung hindi ka dinatnan sa nakatakdang panahon, sapagkat may mga dahilan bukod sa pagiging buntis na pwedeng magpaliwanag nito. Narito ang ilan sa mga karaniwang halimbawa:

  • 1. Dahil sa pills o iba pang gamot. Kung ikaw ay umiinom ng pills (birth control pills o OCPs) at iba pang gamot, maaari itong maka-apekto sa pagiging regular ng iyong regla.
  • 2. Dahil sa stress o pagbabago sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ikaw ba ay nagpalit ng trabaho, lumipat sa ibang lugar, o may matinding kaganap sa iyong buhay o sa iyong mga relasyon? Ang stress o pagod, maging pisikal man o emosyonal, ay maaaring makaapekto din sa iyong menstrual cycle.
  • 3. Dahil sa pagkakasakit. Nagkasakit ka ba noong mga nakaraang buwan? Pwede rin itong dahilan ng hindi pagdating ng regla. May mga sakit na nangangailang ipatingin sa doktor lalo na kung may iba ka pang sintomas na nararamdaman bukod sa hindi pagdating ng regla gaya ng lagnat, pagbabago sa timbang, pagbabago sa ganang kumain, at iba pa.
  • 4. Dahil sa pamamayat o pagtaba. Kung nagbago ang iyong timbang, pwede ring mabago ang pagiging regular ng iyong mens.

  • 5. Dahil sa sobrang ehersisyo o sports. Ikaw ba ay nahilig sa pagtakbo, gym workout, o iba pang aktidibades na pisikal? Ito ay maaaring ring isa pang kadahilanan.
  • Dahil maraming sanhi ang hindi pagdating ng regla bukod sa pagbubuntis, ito’y hindi dapat ikabahala. Ngunit kung ito ay magpatuloy ng higit sa dalawang buwan, at kung may iba ka pang sintomas na nararamdaman, magpatingin na sa isang OB-GYN o kahit sinong doktor upang masuri ang posibleng sanhi nito.