Ang pinakamainam na solusyon laban sa dehydration ay ang pagiging maagap. Hanggat may lakas pa, huwag hahayaang magkulang ang tubig sa katawan. Narito ang ilang mga hakbang na makatutulong para maiwasan ang kawalan ng tubig sa katawan.
1. Laging magdadala ng tubig saan man magpunta, lalo na kung magtutungo sa lugar na mainit o kikilos nang husto na makapagdudulot ng sobrang pagpapawis gaya ng pag-eehersisyo. Mainam din kung sports drink ang iinumin sa halip na tubig lamang.
2. Iwasang kumilos o magpapawis sa panahon ng tag-init. Sa panahong ito, dumodoble bilis ng pagkawala ng tubig sa katawan.
3. Siguraduhin may sapat na inumin o may taong handang tumugon sa mga matatanda at sanggol kung sila ay mauuhaw.
4. Umiwas sa matinding pag-inom ng alak, lalo na sa panahon ng tag-init. Tandaan na ang alak ay nakapagdaragdag lang ng pagkawala ng tubig sa katawan.
5. Magsuot lamang ng komportable at maluluwag na damit sa panahon ng tag-init. Dahil dito, mapipigilan ang patuloy na pagpapawis na nakakakontribyut sa dehydration.
6. Kung sobrang mainit ang panahon, bigyan ang sarili ng oras ng pahinga sa malilim at preskong lugar.