Cytotec o Misoprostol: isang gamot na ginagamit na pampalaglag ng bata

Ano ang Cytotec o Misoprostol?

Ang Cytotec (generic name: Misoprostol) ay isang gamot para sa ulcer at sakit na tiyan na bagamat hindi aprubado ng FDA ay ginagamit din bilang isang gamot para padaliin ang panganganak ng bata (induction of labor) at para magpalaglag ng baby (abortion). Ito ay ginagamit ng mag-isa o kasama na iba pang mga gamot.

Saan nakakabili ng Cytotec o Misoprostol?

Ang Cytotec o Misoprostol ay ipinagbabawal na ibenta o bilhin sa Pilipinas. Bagamat naiulat na ipinag-aalok sa Quiapo at iba pang lugar, at maging sa Internet, walang kasiguraduhan sa pinanggalingan, kalidad, at pagiging original ng mga gamot na ito.

Paano gumagana ang Cytotec o Misoprostol?

Ang Cytotec o Misoprostol ay nagpapabuka sa kwelyo ng matris (certix) at nagpapahilab ng tiyan at matris (abdominal and uterine contraction) upang lumabas ang baby.

Paano gamitin ang Cytotec o Misoprostol?

Ang mga tableta ng Misoprostol o Cytotec ay nilalagay sa pwerta ng babae o di kaya ay iniinom. Depende sa paggamit nito ang bilang ng tableta na kailangan. Mahalaga: ang paggamit ng Cytotec nito ng walang gabay ng isang doktor ay delikado at maaaring magdulot ng malubhang komplikasyon para sa babae at sa kanyang baby.

Ano ang mga side effect o komplikasyon ng paggamit ng Cytotec o Misoprostol?

Kung ito ay ginamit para magpalaglag ng bata, ito’y maaaring magdulot ng pagdudugo, pananakit ng tiyan. At maaaring din itong magdulot sa ectopic pregnancy (pagbubuntis sa labas ng matris na hindi din maaaring magtagal) at mga kapansanan sa sanggol (birth defects) kung sakaling hindi gumana ang pagpapalaglag. Maaari din itong magdulot ng mga komplikasyon gaya ng incomplete abortion – hindi kumpletong pagpapalaglag na maaaring mauwi sa impeksyon sa matris (septic abortion) at pagkamatay.

Gaano ka-epektibo ang Cytotec o Misoprostol na pampalaglag?

Ito ay naka-depende sa kung paanong paraan ito gamitin ngunit mahalagang malaman natin na HINDI LAHAT ng pagbubuntis na ginagamitan ng Cytotec ay nauuwi sa pagkalaglag ng bata o abortion. Tulad ng nabanggit, maaari itong magdulot ng mga komplikasyon gaya ng septic abortion na nakakamamatay. Kaya hindi rekomendado ang paggamit nito.

Anong maaaring alternatibo sa Cytotec o Misoprostol?

Sa Pilipinas, sapagkat ipinagbabawal ang aborsyon, walang garantisadong ligtas na paraan ng pagpapalaglag ng bata o aborsyon. Kaya mas dapat pagtuunan ng pansin ang paggamit ng birth control gaya ng pills o condom upang “makaiwas disgrasya”.

Sa ibang bansa, alamin sa inyong doktor o mga mas nakakaalam kung legal ang aborsyon at kung oo, anong mga proseso upang makapag-konsulta sa isang doktor para malaman kung anong iyong mga maaaring gawin.

Pampalaglag ng bata: Aborsyon sa Pilipinas at bakit ito’y nakasasama

Sa Internet at maging sa Quiapo, isa sa mga hinahanap ng mga tao ang “Pamparegla” o “Pampalaglag ng bata” – sa isang salita, aborsyon. Ito’y ipingbabawal sa batas sa Pilipinas ngunit marami parin ang gumagawa nito.

Ayon sa isang report mula sa Guttmacher Institue noong 2005, mahigit 500,000 na babae ang nagpapa-abort bawat taon. 25% sa mga ito ang nagpupunta sa mga illegal na mga abortion clinic. 30% ay umiinom ng gamot na pampalaglag gaya ng Cytotec. 20% ang nagpapahilot para malaglag ang baby. Ang iba’y gumagawa pa nang iba’t ibang paraan gaya ng pag-inom ng alak, pagpasok sa pwerta ng iba’t ibang gamit, at iba pa.

Read More

Bakit marami sa ating mga kababayan ang gustong magpalaglag ng sanggol na kanilang ipinaglilihi? Karamihan ay dahil sa kahirapan: hindi nila kayang suportahan ang sanggol. Ngunit kung hindi nila kaya, bakit nabuntis ang babae?

Ang sagot: walang wastong family planning. Sa makatuwid, para maka-iwas sa sitwasyon ng pagsisisi, dapat gawin ang ABC: Abstinence (Pag-iwas sa Pakikipagtalik) Birth Control o Family Planning at Condom Use o paggamit ng condom. Tandaan na ang aborsyon ay hindi lamang responsibilidad ng babae, kundi ng lalaki rin. Dapat ang lalaki ay gumamit ng condom o suportahan ang babae sa paggamit ng pills o iba pang paraan ng family planning.

Ang Kalusugan.PH, bilang isang website na dedikado sa kalusugan ng bawat Pilipino, ay hindi sumasang-ayon sa aborsyon, sapagkat ito’y nakakasasama hindi lamang sa baby na magiging biktima ng aborsyon, pati narin sa nanay. May mga kasong kontrobersyal, kung saan ang aborsyon ay ang tanging paraan para mailigtas ang babae. Sana magkaroon ng batas na papayag sa ganitong mga kaso, ngunit ang mga ito ay “exception” sa prinsipyo.

Una, sapagkat ang aborsyon ay ipinagbabawal sa Pilipinas, walang sinumang doktor, midwife, o hilot na lisensyadong gumawa ng procedure na ito. Hindi ka makakatiyak kung ligtas ba o wasto ang paraan na gagawin nila. Mas lalalong hindi ligtas ang sari-saring mga gamot gaya ng Cytotec o instrumentong maaaring mabili sa Quiapo o irekomenda ng kung sino-sino. Marami nang kaso ng septic abortion na ikinamatay ng mga babae: kaya nagkakaroon ng septic abortion ay dahil may natirang bahagi sa loob ng matris na siyang naging ugat ng impeksyon sa buong katawan.

Pangalwa, mabigat ang psychological stress na dadalhin ng isang babaeng nagpa-abort, lalo na kung nasa bandang dulo na ng pagbubuntis. Ayon sa batas at ayon sa paniniwala ng karamihan ng mga Pilipino, ang buhay ay naguumpisa sa pagsasama ng sperm ng lalaki at egg cell ng babae. May mga hindi sumasang-ayon dito pero lahat ng tao ang nagkakasundo na ang aborsyon ay isang hindi kanais-nais na karanasan at dapat gawin ang lahat para ito’y maiwasan.

Muli, para maiwasang mapapunta sa sitwasyon kung saan ang pagdadalang-tao ang pinagsisisihan at ang aborsyon ay pinag-iisipan, mag-family planning! Gumamit ng condom, pills, o iba pang. At umiwas sa pakikipagtalik sa kung kani-kanino.

REFERENCE

The Incidence of Induced Abortion in the Philippines: Current Level and Recent Trends By Fatima Juarez, Josefina Cabigon, Susheela Singh and Rubina Hussain. International Family Planning Perspectives. Volume 31, Number 3, September 2005 (http://www.guttmacher.org/pubs/journals/3114005.html)