Ang lunas sa ubo ay naka-depende sa kung anong sanhi nito. Sa karamihan ng kaso na dulot ng isang virus, ang ubo ay nawawala ng kusa, sa loob lamang ng ilang araw hanggang isang linggo. Subalit may mga ubo din naman na dulot ng bacteria at maaaring mangailangan ng antibiotics. Bukod din, meron ding mga ubong tumatagal (chronic cough) na maaaring sanhi ng tuberculosis (TB) o di kaya chronic obstructive pulmonary disease (COPD) na hindi rin basta-basta nawawala.
Isa pang sanhi ng ubo ang hika o asthma, at iba rin ang gamutan dito. Kaya kailangang matukoy kung ano ang sanhi bago magreseta o magbigay ng payo ang isang doktor tungkol sa gamot sa ubo.
Mga gamot na pwedeng inumin sa pangkaraniwang ubo
Kung ang ubo ay pangkaraniwan lamang, maaaring uminom ng mga gamot para mabawasan ito. Ang halimbawa ng mga gamot ay ang mga decongestant gaya ng phenylephrine and pseudoephedrine. Pwede ring uminom ng mga cough suppressants o expectorants gaya ng dextromethorphan. Bagamat ang mga gamot na ito ay hindi nangangailangan ng reseta ng doktor, mas maganda parin na magabayan ka ng isang doktor o nurse sa pag-inom ng mga ito. Hindi rin magandang sanayin ang katawan sa pag-inom ng mga gamot dahil tulad ng ating nabanggit maraming uri ng ubo na nawawala ng kusa, uminom ka naman ng gamot o hindi.
Mga halamang gamot para sa ubo
Imbes na uminom ng mga gamot na ating nabanggit, isang magandang paraan ay ang pag-inom ng mga halamang gamot. Kabilang dito na lagundi at oregano na maaaring ilaga. Meron ding mga tableta ng lagundi na maaaring mabili sa mga botika. Mahalagang tandaan na ang mga gamot na ito ay para lamang mabawasan ang pag-ubo at hindi talaga nakakatanggal ng ubo. Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa mga halamang gamot para sa ubo, basahin ang artikulong “Oregano” at “Lagundi” sa Kalusugan.PH.
Ano pang pwedeng gawin para mawala ang ubo?
Narito ang ilang mga pwede nating mapayo sa mga taong may ubo:
- 1. Uminom ng mainit-init na tubig, juice, o sabaw. Ang mga ito ay maaaring makapag-bigay ginhawa sa lalamunan para sa mga taong ubo ng ubo. Maaari ding subukan ang tsaa na pwedeng haluan ng honey.
- 2. Iwasang mauhaw at uminom ng maraming tubig. Ang pagpapanatili na sapat ang dami ng tubig ng katawan ay isang mahalagang paraan para mapabilis ang paggaling sa ubo. Nakakatulong ito sa ‘pagtunaw’ ng plema at sipon na nakabara sa lalamunan at ilong. Rekomendado ang pag-inom ng walong baso ng tubig araw-araw.
- 3. Panatilihing malinis ang hangin. Kung medyo kulong ang iyong tinitirahan o tinutulugan, ang pagkakaron ng mas magandang sirkulasyon ng hangin ay nakakatulong na makabawas sa mga particles na maaaring magpalala sa ubo. Kung ikaw na nagtatrabaho sa lugar na maraming alikabok o usok, maaaring magsuot ng mask para maproteksyunin ang mga daluyan ng hangin sa iyong katawan.
Kailan dapat ipatingin ang ubo sa doktor?
Ipatingin na sa doktor ang iyong ubo kung may mga ganitong sintomas:
- Ubo na may kasamang dugo sa plema
- Ubo na may kasamang mataas na lagnat
- Ubo na nakakasagabal sa iyong pagtulog at sa pang-araw-araw na mga aktibidades
- Ubo na tumatagal ng higit pa sa dalawang linggo
- Ubo na may kasamang pananakit sa dibdib at baga
- Ubo na pabalik-balik