Mga pagkain na dapat iwasan kung may constipation

Ang regular na pagdudumi ay kinakailangan ng katawan sa mas maginhawang pamumuhay ng isang indibidwal. Ngunit sa kasamaang palad, posibleng ang pagdudumi ay maging problema dahil sa pagtigas ng dumi. Ang pagkakaranas ng pagtigas ng dumi ay tumutukoy sa kondisyon na kung tawagin ay constipation o pagtitibi, isang kondisyon na hindi mainam sa pakiramdam at maaaring magdulot pa ng masamang epekto sa kalusugan kung mapapabayaan.

Mahalaga na malaman ng bawat indibidwal na ang mga pagkaing kinakain sa araw-araw ay nakakaapekto sa tigas ng dumi na nilalabas ng katawan. Kung hindi mababantayan ang pagkaing kinakain, posible na lumala lamang ang kondisyon ng pagtitibi o constipation imbes na guminhawa na ang pakiramdam. Alamin sa Kalusugan.Ph ang mga pagkaing maaaring makapagpatigas ng dumi.

1. Mapulang karne

Ang mapulang karne ng baka ay nakadaragdag sa pagtigas ng duming inilalabas. Ito’y dahil sa taglay nitong protina at taba na hirap tunawin ng tiyan, gayun din ang taglay nitong iron na nakapagpapatigas din ng dumi. Ang fiber na tumutulong na mas maayos na pagdudumi ay hindi rin makukuha sa pagkain ng purong karne.

beef2. Saging

Ang saging na mayaman naman sa starch ay isa ring pagkain na hindi madaling matunaw sa tiyan. At dahil dito, nahihirapang makausad sa bituka ang dumi na nagreresulta sa lalo nitong pagtigas. Alalahanin na kung mas magtatagal ang mga tinutunaw na pagkain sa bituka, mas tumatagal din ang panahon ng pagsisipsip sa tubig na taglay nito, at ang resulta’y mas matigas na dumi.

Bunch of bananas3. Tsokolate

Ang gatas at fats na sangkap ng tsokolate ay nakakapagpabagal din sa proseso ng pagtunaw ng pagkain. Naaapektohan nito paggalaw (presitalsis) ng mga bituka kung kaya’t nahihirapan din na umusad ang mga kinain hanggang sa ito ay makalabas.

dark-chocolate-heart-health

4. Produktong gatas (dairy products)

Ang iba’t ibang produktong gatas gaya ng keso, yoghurt, at ice cream, ay pinaniniwalaan ding nakapagdudulot ng pagtigas ng dumi sa maraming mga indibidwal. Sinasabing maaaring ang lactose na taglay ng mga gatas ang siyang nagdudulot ng pagtigas ng dumi.

 

keso5. Inuming may caffeine

Kung mas madalas na inumin ay kape imbes na tubig, posibleng magkulang ang tubig na kinakailangan ng mga tinutunaw na pagkain upang ito ay mas madaling mailabas. Mas mainam pa rin ang pag-inom ng sapat na tubig kaysa sa pag-inom ng tasa-tasang kape.

cup-of-black-coffee1

6. Pritong pagkain

Katangian ng mga pritong pagkain (french fries, fish nuggets) ang sobrang taas na fats na nakakapagpabagal sa proseso ng pagtunaw ng pagkain. Kasabay pa nito, kulang din ang taglay nitong fiber na makatutulong sa mas maayos na pagdumi.

French fries

Paano makaiwas sa pagtitibi o constipation?

Ang susi para maiwasan ang anumang kondisyon na makakaapekto sa pagdumi ay ang malusog at aktibong pamumuhay. Ang ilan sa mga hakbang na makakatulong na makaiwas sa pagkakaroon ng constipation ay ang sumusunod:

  • Balanseng pagkain araw-araw. Kailangang masustansya at mayaman sa mga mahahalagang bitamina at mineral ang mga pagkaing kinakain. Bukod dito, dapat ay mayroon ding sapat na fiber sa kinakain.
  • Sapat na tubig araw-araw. Makakatulong na mapadali ang pag-dumi kung sapat ang tubig sa katawan.
  • Regular na ehersisyo. Kinakailangan ang aktibong pamumuhay upang mapanatiling malusog ang mga kalamnan.
  • Huwag pipigilin ang pag-dumi. Sa oras na maramdaman ang pangangailangan sa pag-dumi, huwag itong pigilan. Huwag din naman itong mamadaliin. Dapat ay natural itong lumalabas sa katawan.
  • Umiwas sa mga pagkaing maaaring magdulot ng constipation. Para sa mga taong may lactose intolerance, ang gatas ay maaring maging sanhi ng pagtigas ng tae at hirap sa pagdumi.

Ano ang gamot sa pagtitibi o constipation?

Bago simulan ang pag-inom ng gamot, makakatulong na sundin muna ang natural na pamamaraan upang maalis ang constipation. Ang mga hakbang na makakatulong ay ang sumusnod:

  • Uminom ng karagdagang tubig araw-araw. Ang walong baso ng tubig kada araw ay maaaring dagdagan ng 2 hanggang 4 pang baso.
  • Uminom ng maligamgam na tubig lalo na sa umaga
  • Kumain ng mas maraming prutas at gulay. Ang mga prutas at gulay na mayaman sa fiber ay makakatulong sa mas mabilis na paglabas ng dumi.
  • Mag-ehersisyo araw-araw. Ang karagdagang aktibidades ay makakatulong sa paggalaw ng mga muscles sa tiyan na makakatulong palabasin ang dumi.
  • Huwag magpipigil ng pag-dumi. Kusang palabasin at huwag mamadaliin ang nararamdamang pagdudumi.

Makakatulong din ang pag-inom ng gamot o laxative upang masguminhawa ang pakiramdam at mapadali ang paglabas ng dumi. Tandaan lamang na kailangan ang gabay ng doktor sa pag-inom ng laxatives sapagkat kung mapapabayaan, maaring lumala ang kondisyon. Ang mga kadalasang epekto ng laxatives na gamot ay ang sumusunod:

  • karagdagang laman at bigat sa dumi.
  • gawing basa ang natutuyong dumi
  • padulasin upang mas madaling mailabas
  • palambutin ang tumigas na dumi
  • Mag-stimulate ng pakiramdam ng pagdudumi

Sa mga malalang kaso at kung hindi umeepekto ang mga gamot na iniinom, maaaring magsagawa ng operasyon o surgery upang mailabas ang namuo at nanigas na dumi sa colon. Tandaan na ang dumi na hindi makalabas sa sistema ng tao ay makakasama.

Paano malaman kung may pagtitibi o constipation?

Ang pagkakaranas ng constipation ay kadalasang hindi na nangangailangan ng masusing pagsusuri at mga eksaminasyon upang matukoy. Kadalasan, nalalaman na ito kahit pa hindi na magpatingin pa sa doktor. Ngunit kung ang sintomas na nararanasan ay seryoso, halimbawa ay hindi makadumi sa loob ng dalawang linggo, maaring dapat nang magpatingin sa doktor upang matukoy ang sanhi ng constipation.

Maaaring magsagawa ng sigmoidoscopy kung saan may pinapasok na tubo at ilaw sa butas ng puwit upang masilip at masuri kung may problema sa rectum at large intestine. Kung hindi ito sapat upang matukoy ang sanhi ng constipation, maaaring magsagawa ng colonoscopy, pagpasok ng tubo na may camera sa butas ng puwit, upang mapag-aralan nang buo ang colon. Pinag-aaralan din ang galaw ng mga muscle sa colon gamit ang eksaminasyon na anorectal manometry. Ang iba pang pasusuri na maaaring isagawa ay X-ray at barium tests.

 

 

Ano ang mga sintomas ng Pagtitibi o Constipation?

Ang mga sintomas na maaaring maranasan sa pagkakaroon ng constipation ay ang sumusunod:

  • Bihirang pagdumi. Mas mababa sa tatlong beses ang pagdudumi sa isang linggo.
  • Matigas na tae
  • Pakiramdam na hindi kumpleto ang inilabas na dumi
  • Matigas at nananakit na tiyan
  • Pagsusuka
  • Pakiramdam na parang may nakabara sa labasan ng dumi

Kailan dapat magpatingin sa doktor?

Makabubuting magpatingin sa doktor kung nagpapabago-bago ang nararanasang pagdudumi at kung nararanasan ang mga sintomas na nabanggit. Kung matagal nang nararanasan ang hirap sa pagdumi, makabubuti rin na kumonsulta sa doktor. Lalong kinakailangang magpatingin kung nagsimula nang maranasan ang mga komplikasyon na dulot ng hirap sa pagtae.

Mga kaalaman tungkol sa pagtitibi o constipation

Constipation ang tawag sa kondisyon kung saan nakakaranas ng hirap sa pagtatae o kaya naman ang pagtatae ay bibihira lamang maramdaman. Dahil sa kondisyong ito, ang dumi na naiipon sa bituka o large intestine ay nagiging matigas at tuyo at lalong mahirap ilabas. Ang pagkakaranas ng constipation o hirap sa pagtatae ay maaaring dulot ng ilang mga bagay tulad ng pag-inom ng gamot, pagkakaroon ng ibang sakit, o kaya naman problema sa mga muscle at nerves sa paligid ng colon o large intestine. Bagaman ito ay hindi masyadong seryosong sakit, nakapagdudulot pa rin ito ng di kumportableng pakiramdam o kaya’y pananakit ng tiyan.

Sino ang maaaring makaranas ng constipation?

Dahil ito ay isang karaniwang kondisyon, ang lahat ng tao ay maaaring makaranas ng hirap sa pagtae, ngunit ito ay pinakamadalas sa mga kababaihan at mga matatanda.

Ano ang mga sanhi ng constipation?

Ang hirap sa pagtatae ay maaring dulot ng ilang mga bagay. Ang mga karaniwang dahilan ay ang sumusunod:

  • Hindi sapat na iniinom na tubig
  • Hindi sapat na fiber sa kinakain
  • Pagbabago sa oras ng pagkain
  • Kakulangan sa ehersisyo at mga gawain
  • Stress
  • Pagpipigil sa nararamdamang pagtae
  • Depresyon

Maaari din namang dulot ng ibang kondisyon o karamdaman ang hirap sa pagdumi. Narito ang ilan:

  • Hypothyroidism
  • Mga sakit na neurological, tulad ng Parkinson’s disease at multiple sclerosis
  • Diabetes
  • Colon Cancer
  • Pagbubuntis

Ang iba pang mga dahilan ng hirap sa pagtae ay ang sumusunod:

  • Sobrang pag-inom ng gamot gaya ng narcotics, antidepressants, at iron supplements
  • Sobrang pag-inom ng antacids na may calcium o aluminum
  • Sobrang pag-inom ng laxatives

Ano ang mga komplikasyon na dulot ng constipation?

Ang pagkakaranas ng constipation ay maaaring magdulot ng ilang komplikasyon na siya namang dahilan ng di kumportableng pakiramdam. Ilan sa mga komplikasyon na maaaring maranasan ay ang sumusunod:

  • Almoranas
  • Pagkapunit ng butas ng puwit (anal fissure)
  • Hindi mailabas na dumi (fecal impaction)
  • Pamamaga ng mga ugat sa paligid ng butas ng puwit.

Ano ang gamot sa pagtitibi, constipation, o hirap sa pagdumi?

Q: ano po ba ang mabilis na pang lunas sa constipation?

Q: ano po ang gamot sa hirap sa pagdumi?

A: Ang pagtitibi, constipation, o hirap sa pagdumi, ay isang sintomas, hindi isang sakit, kaya ang lunas dito ay naka-depende sa anumang sanhi nito, subamit may mga pangkalahatang prinsipyo na maaaring gawin na mga taong may ganitong karamdaman:

Una, kumain ng mga prutas at gulay na mataas sa ‘fiber’. Tingnan ang listahan ng mga pagkain na mataas sa fiber sa Kalusugan.PH. Ang fiber sa pagkain ay nagpapalambot ng iyong dumi.

Uminom ng maraming tubig. Baka kaya matigas ang iyong dumi ay dahil kulang ka sa tubig.

Maaaring kang maresetahan ng gamot ng iyong doktor na ang tinatawag ay mga ‘laxative’ – ang iba dito ay pwedeng inumin; ang iba naman ay sinsundot sa puwet at ang tawag ay mga ‘suppository’. Ito ay para lamang sa mga sitwasyon na hindi tumatalab ang mga ibang solusyon, at dapat magpatingin muna sa doktor bago gumamit ng mga ito.

Magpatingin kaagad sa doktor kung may kasamang pagdudugo, sakit ng tiyan, pagbabago ng kulay ng dumi, at iba pang sintomas at pagtitibi.