Paano makaiwas sa sakit sa bato o kidney disease?

Narito ang ilan pang karagdagang mga payo para maka-iwas sa pagkakaron ng sakit sa bato. Kahit na ikaw na na-diagnose na may sakit sa bato, dapat paring gawin ang mga bagay na ito para mapagal ang paglala ng sakit:

Pagtigil sa paninigarilyo at pagbabawas sa pag-inom ng alak

Dahil ang paninigarilyo ay maraming masamang epekto sa katawan, ang pagtigil sa bisyong ito ay malaki ang benepisyo sa mga may sakit sa bato. Ang totoo, ayon sa ilang pag-aaral ay mas napapasama ng paninigarilyo ang sakit sa bato. Ang pag-inom ng alak ay dapat ding bawasan o tigilan.

Pagkain ng mababa ang asin o hindi maalat

Rekomendado para sa mga may sakit sa bato na 6 grams lamang ng asin ang makokomsumo sa isang araw. Iwasan ang mga pagkain na maaalat gaya ng mga pagkain na madaming toyo at patis, daing at tuyo, mga keso at cheese spread, mga seasoning at flavouring na artipisyal, mga karne, at iba pa.

Pagkain ng mababa sa saturated fat (taba)

Ang saturated fat ay ang uri ng taba na pinaka-nakakasama sa katawan kung nasobrahan. Kabilang sa mga pagkain na mataas sa saturated fat ay ang mga karne, mantekilya, keso, mga biscuit, mga junk food at iba pang tsitsirya, at iba pa. Sa halip na kumain ng mga ito, mas magandang kumain ng mga pagkain na mataas sa unsaturated fat gaya ng avocado, mga isdang dagat gaya ng salmon at tuna, mga mani at buto, at pag-gamit ng olive oil o sunflower oil sa halip na corn oil.

Pag-eehersisyo ng regular

Ayon sa maraming pag-aaral, ang pag-eehersisyo ng limang beses sa isang linggo, ng 30 minuto hanggang 1 oras kada ehersisyo, ay malaki ang maitutulong para mapababa ang blood pressure (presyon ng dugo) at mapabagal o mapahinto ang sakit sa bato.

Ano ang gamot sa sakit sa bato o kidney disease?

Anong mga gamot ang maaaring inumin para sa sakit sa bato?

Ang layunin ng paggagamot sa sakit ng bato ay mapahinto o mapabagal ang paglala ng sakit, at isa sa mahalagang bahagi nito ay ang pagkontrola ng altapresyon o mataas na blood pressure. Depende sa kanilang blood pressure, ang mga pasyente na may sakit sa bato ay maaaring resetahan ng mga gamot na pampababa ng blood pressure gaya ng Captopril o Losartan (marami pang iba; hayaang ang doktor ang magreseta ng mga gamot na ito at kung gaanong kadalas o kung ilang miligrama).

Bukod sa mga gamot laban sa high blood maaari ring magbigay ng mga gamot na pampaihi (diuretic) lalo kung may pamamanas, at gamot na pampababa ng kolesterol kung mataas ang koesterol. At kung ang sakit sa bato ay isang komplikasyon ng diabetes, bahagi din sa paggagamot ang paggagamot ng diabetes o anumang sakit.

Dagdag sa mga gamot nito ang mga vitamins at minerals na maaaring mabawasan dahil sa sakit sa bato. Kabilang dito ang Vitamin D, Iron, at Phosphate. Ang mga ito ay pawang naka-depende kung gaanong kalala ang sakit at ang inyong doktor ang makakapagsabi kung alin sa mga ito ang dapat inumin.

Bukod sa gamot, ano pa ang dapat gawin para malunasan ang sakit sa bato?

Ang mga sumusunod ay dapat gawin ng mga pasyenteng may chronic kidney disease upang maiwasan ito o mapabagal ang paglala:

  • Pagtigil sa paninigarilyo
  • Pagtigil o agbabawas sa pag-inom ng alak
  • Pagkain ng masustansya, hindi maalat, at mababa sa taba
  • Pagkain ng prutas at gulay araw-araw
  • Pag-eehersisyo ng hindi kukulangin ng 5 beses kada linggo
  • Pagbabawas ng timbang kung ikaw ay obese o overweight

Paano malaman kung may sakit sa bato o kidney disease?

Kung may mga sintomas ng sakit sa bato, isa sa mahalagang pagsusuri na ipapagawa ng doktor ay ang blood chemistry, o pagtingin ng isang sample ng dugo para makita ang iba’t ibang kemikal na nadoon – kung normal ba ang mga antas nila. Partikular na mahalaga ang sukat ng creatinine. Ang normal na sukat ng creatinine ay 0.6 hanggang 1.2 milligrams (mg) per deciliter (dL) sa mga kalalakihan at 0.5 hanggang 1.1 mg/dL sa mga kababaihan. Kung mataas ang creatinine, nangangahulugan na maaaring may diprensya ang bato – bagamat hindi pwedeng ito lamang ang gawing basihan para masabing may problema nga ang bato. Ang BUN o blood urea nitrogen ay isa ring sukat na mahalagang tingnan. Basi sa creatinine, maaaring ma-compute ang glomerular filtration rate (GFR) na siyang sukat ng kakayanan ng mga bato na salain ang mga dumi ng katawan.

Bukod sa blood test na ito, ang urinalysis o pagsusuri ng ihi ay mahalaga rin upang makita kung may protina o dugo sa ihi. Minsan, sinusukat din ang dami ng ihi sa loob ng 24 na oras upang makita kung gumagana ba ng maayos ang mga bato.

Sa ilang mga kaso ng sakit sa bato, mahalagang makita kung ano ang itsura ng mga bato at para dito, isang mabisang paraan ay ang paggamit ng ultrasound. Kung malala na ang sakit sa bato, maaaring mag-iba ang hugis ng bato at magmukhang kulubot. Bukod sa ultrasound, pwede ring CT scan ang ipagawa para masilip ang mga bato.

Ano ang mga sintomas ng sakit sa bato o kidney disease?

Gaya ng maraming kondisyon, sa umpisa ng sakit ng bato ay maaaring wala itong sintomas at sa laboratoryo lamang makita ang diprensya. Subalit kapag ito ay naging mas malala, maaaring magkaron ng mga sintomas gaya ng:

  • Pagbabawas ng timbang o pamamayat
  • Pamamanas sa paa at kamay
  • Hapo o hirap sa paghinga
  • Pagbabago sa kulay at lapot ng ihi
  • Balisawsaw, ihi ng ihi lalo na sa gain
  • Pangangati
  • Pamumulikat ng madalas
  • Para sa mga lalaki, hirap patigasin ang ari (erectile dysfunction)
  • Muli, hindi lahat ng mga sintomas na ito ay maaaring maranasan ng taong may sakit sa bato, at ang pagkakaron ng mga iba ay hindi rin nangangahulugan ng pagkakaron ng sakit sa bato. Magpatingin sa doktor para masuri ang iyong kondisyon kung nararamdaman mo ang anuman sa mga ito.