Karamihan ng mga pigsa ay maaaring gumaling at mawala sa pamamagitan lamang ng gamutan sa bahay, subalit may mga kaso rin na kinakailangan ng pag-inom ng gamot at konsultasyon sa doktor.
Paano gamutin ang pigsa sa bahay?
Gumamit ng “warm compress” o mainit na tubig na nakabalot sa tela at ipatong ito sa bahagi ng katawan na may pigsa. Makakatulong ito sa pagimpis ng kirot at sa pagpapalabas ng nana. Gawin ito araw-araw hanggang sa mawala ang pigsa. Iwasang paputukin ang pigsa gamit ang karayom! Ito’y maaari lamang magpalala ng pigsa. Bagkos, hayaang pumutok ng kusa ang pigsa. Kapag pumutok na ang pigsa, ito’y dapat hugasan ng sabon at tubig hanggang mawala na lahat ng nana. Tapos, maaaring mag-apply ng antibacterial ointment gaya ng Teramycin, tapos tapalan ng bandage o band-aid ang sugat. Ulitin ito ng dalawang beses bawat araw hanggang mawala ang pigsa.
Ano ang mabisang lunas o gamot sa pigsa?
Ang mga hakbang na tinalakay na naunang talata ay sapat na para gamutin ang karaniwang pigsa. Subalit kung ang pigsa ay malala, maaaring mag-reseta ang doktor ng antibiotiko para dito. Sa ilang mga kaso, lalo na kung may komplikasyon gaya ng diabetes, maaaring doktor o iba pang health professional ang maglinis sa pigsa gamit ang mga surgical instruments. Magpaturo sa kanila kung may karadagang dapat gawin sa bahay.
Siguraduhing magagampanan ang plano ng doktor sapagkat dapat regular ang paglilinis ng sugat at pag-inom ng gamot.
Gaano katagal bago gumaling ang pigsa?
Kung naumpisaghan ang wastong paggagamot, sa loob ng 2-3 araw ang magsisimula nang makaranas ng pagbabago at pag-galing sa pigsa. Kung mas lalong lumalala o hindi gumagaling ang pigsa, magpatingin na sa doktor upang ma-examine ito.