Anong ibig-sabihin ng mga ‘stage’ ng breast cancer?

Q: Ano po ba ang ibig sabihin ng mga stage sa breast cancer? Ano ang gamot sa breast cancer na Stage III

A: Kanser ay tawag sa sakin kung saan may mga cell ng katawan na dumadami ng hindi kontrolado ng katawan, at sa paglaganap nito ay sinisira nya ang normal ng bahagi ng katawan. Kung hindi maagapan, ito ay kakalat ng kakalat hanggang hindi na makaya ng katawan at ito ay isa sa pinaka-karaniwang sanhi ng pagkamatay. Subalit, sa kabila nito, ang kanser ay maaari nang magamot ngayon at ito na ito nangangahulugan ng siguradong kamatayan, lalo na kung ito ay maagapan.

Sa sakit na cancer o kanser, ang mga ‘Stage’ ay ang mga antas ng pagkakasakit, ayon sa iba’t ibang pamantayan. Halimbawa, isang pamantayan ay ang laki ng bukol, ang pagkalat ng kanser sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang pagkaklasipika na ito ay upang makatulong sa mga doktor upang matantsya kung ano ang pinaka-mabuting pwedeng gawin para sa pasyente. Halimbawa, dahil pag sinabing Stage I ay maliit pa lamang ang bukol, madali pa itong tanggalon at ito’y angkop sa surgery o isang operasyon upang tanggalin ito. Subalit kung ay kanser ay Stage IV na, kalat na sa buong katawan ang kanser, kung kaya’t ang operasyon na maaaring hindi na epektibo at mas mainam na gumamit ng chemotherapy upang malabanan ang kanser sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Breast Cancer, Stage 0

May mga cells na cancerous subalit ito ay nakapaloob sa isang butil o maliit na bukol. Ito ay kalimitang nahuhuli kaagad sa pamamagitan ng mammmography. Depende sa iba’t ibang mga bagay gaya ng edad ng pasyente at pagkakaron sa pamilya ng iba pang nagkaron ng breast cancer, pwedeng obserbahan lamang ang apektadong suso ngunit pwede ring tanggalin ang bukol sa pamamagitan ng operasyon.

Breast Cancer, Stage I

Maliit pa ang kanser, Ang breast cancer ay nasa loob ng suso ng babae subalit ito ay kumakalat na labas ng bukol. Dahil ito ay kumakalat na, kahit maliit pa, ang pinakamagandang gamot ay surgery o isang operasyon – karaniwang, tinatangkal ang isang bahagi ng apektadong suso (lumpectomy) o inaalis ang buong suso (mastectomy). Depende sa iba’t iba pang mga bagay (gaya ng edad ng pasyente, ang pagkakaron sa pamilya ng iba pang nagkaron ng breast cancer dati), maaari ring magsailalim ng chemotherapy, radiotherapy, at endocrine therapy.

Breast Cancer, Stage II

Katamtaman ang laki ng bukol sa suso at maaring kumalat na sa mga kalapit na kulani ang mga cancerous cells, ngunit hindi pa ito lumalabas sa. Operasyon parin ang pangunahing paraan ng gamutin ngunit mas madalas na itong inaalalayan ng iba pang gamot gaya ng chemotherapy, radiotherapy, at endocrine therapy para mas mataas ang probabilidad na masugpo ang kanser.

Breast Cancer, Stage III

Malaki na ang bukol at may ilang kulani narin na apektado ng kanser. Maaaring ang kanser ang kulamat narin sa ‘chest wall’ o ang haligi ng dibdib na naghihiwalay sa suso sa loob ng katawan. Dahil malaki na ang kanser kailangan nito ng kombinasyon ng dalawa o higit pang gamot gaya ng chemotherapy (paggamit ng mga gamot upang labanan ang kanser), operasyon, radiotherapy (paggamit ng malalakas na X-ray upang sugpuin ang mga cells na may cancer), endocrine therapy (parang chemotherapy pero ang ginagamit ay mga hormones).

Breast Cancer, Stage IV

Kumalat na ang kanser sa ibang bahagi ng katawan gaya ng buto, bituka, atay, baga, etc. Dahil dito kalimitin ay wala nang benepisyo ang operasyon. Bagkos, susubukan na lang sugpuin ang kanser sa pamamagitan ng chemotherapy, radiotherapy, endocrine therapy. Kung sobrang malala na ng kanser, ang paggagamot ay para maiwasan ang sakit, hirap sa pagtulog, hirap sa paghinga, hirap sa pagkain, at iba pang pwedeng maramdaman ng pasyente. Ang layunin ay manitiling maayos ang kalidad ng buhay ng pasyente.

Dagdag na kaalaman

Ang mga paraan ng gamutan ng ating tinalakay ay mga pangheneral na gabay, ngunit bawat pasyente ay nangangailangan ng partikular na gamutan ayon sa kanyang mga doktor, depende sa kanyang partikular na kalalagayan. Ang kanser ay isang matinding sakit ngunit sa anumang ‘stage’ nito may mga gamot na maaaring ibigay upang masupil ang sakit o mapanatili ang kalidad ng buhay.