Pagpapabuti ng daloy ng dugo, at pagpapababa ng posibilidad ng pagbabara sa mga ugat, iyan ang sinasabing mabuting maidudulot ng pag-inom ng kape araw-araw. Ito ay ayon sa bagong pag-aaral na isinagawa ng mga batang siyentipiko sa bansang Korea.
Ayon sa kanila, ang mga taong umiinom ng 3 hanggang 5 tasa ng kape bawat araw ay may mas mababang posibilidad ng pagkakaroon ng baradong coronary artery dulot ng namuong calcium sa loob ng mga ito. Ang coronary arteries ang siyang nagsusuplay ng dugo sa puso, kaya’t ang pagbabara nito ay tiyak na konektado sa pagkakaroon ng mga karamdaman sa puso.
Ang pag-aaaral na ito ay taliwas sa paniniwala noon na ang pagdaragdag ng caffeine sa katawan ay maaaring maka-kontribyut sa pagkakaroon ng sakit sa puso.
Ang pag-aaral ay isinagawa sa Kangbuk Samsung Hospital sa Seoul, South Korea sa pamumuno ni Dr. Eliseo Guallar kung saan kumalap sila ng impormasyon sa 25,000 na katao na ang edad ay naglalaro sa 41 taong gulang.
Binantayan ang lebel ng calcium sa mga ugat ng mga rumesponde at napag-alaman na ang mga taong umiinom ng 3 hanggang 5 tasa ng kape bawat araw ay mas mababa ng 40 porsyento sa lebel ng calcium kung ikukumpara sa mga taong hindi uminom ng kape.
Bukod sa pag-aaral na ito, mayroon nang mga naunang ulat at pag-aaral na nagsasabi rin na may benepisyong maaaring makuha sa regular na pag-inom ng kape, ngunit sinasabing ang pag-aaral na isinagawa ni Dr. Guallar at mga kasama niya ang pinakamalaking pag-aaral sa relasyon ng kape at kalusugan ng puso.