Ano ang Caffeine at para saan ito?

Ano ang caffeine?

Ang caffeine ay isang karaniwang substansya na kadalasang sangkap ng iniinom na kape na may epektong nakakagising at nakakaalisto. Ito ang dahilan kung bakit ang kape ay paboritong iniinom ng marami sa atin lalo na umaga o kaya sa buong maghapon para manatiling produktibo sa mga gawain. Ito ay sapagkat ang caffein may kakayahang mag-stimulate sa Central Nervous System (CNS), sa puso, sa mga kalamnan at maging sa blood pressure.

May benepisyong medikal ba ang Caffeine?

Ayon sa mga pag-aaral, bukod sa pagkaalertong epekto ng caffeine, ito rin ay epektibo para maibsan ang anumang pananakit ng ulo, simpleng headache man o migraine. Kung titignan ang sangkap ng mga iniinom na gamot pang-tanggal ng sakit ng ulo, maaaring makita ang substansyang caffeine. Maaaring irekomenda ng doktor ang pag-inom ng caffeine kasabay ng pag-inom ng gamot na pain relievers gaya ng aspirin at acetaminophen.

Bukod sa kape, saan pa maaaring makuha ang caffeine?

Ang caffeine ay maaari ring makuha sa ibang inumin gaya ng tsaa, cola, mate at mga energy drink. May ilan ding mga multivitamins at food supplement na may sangkap na caffeine.

Gaano karaming Caffeine ang maaaring tanggapin ng katawan?

Hanggang 400 mg kada araw ang aprubadong dami ng caffeine na maaaring tanggapin ng isang taong nasa ganap na edad. Ito ay halos katumbas ng 4 na tasa ng kape, 10 lata ng cola, o dalawang inuman ng energy drink. Syempre, iba din ang dami na maaaring tanggapin ng mga bata at kabataan na hanggang 100 mg lamang kada araw. Ang anumang dami na hihigit dito ay maaaring makapagdulot ng side effects sa katawan.

Ano ang maaaring epekto ng sobrang Caffeine?

Ang sobrang caffeine sa isang araw ay maaaring magdulot ng ilang epekto sa katawan partikular sa nervous system at mga kalamnan. Kabilang dito ang sumusunod:

  • Insomnia o hirap sa pagtulog
  • Pagiging nerbyoso
  • Hindi mapakali
  • Pagiging iritable
  • Paghilab ng tiyan
  • Mabilis na pagtibok ng puso
  • Panginginig ng mga kalamnan